Noong Martes, ika-3 ng Disyempre, inasahan ang pagdaan sa Laguna ng bagyong pinangalanang Tisoy. Dahil sa tinatayang lakas na mahigit 150 kilometro kada oras, nagkansela si Governor Ramil Ramirez ng klase sa lalawigan mula pre-school hanggang kolehiyo. Kasabay nito ay naghanda na rin ang pamahalaang lokal para sa mga kakailanganin kung sakaling magkaroon ng kalamidad dahil ang Laguna ay naka “red alert” na rin.
Sa pagbuhos ng ulan, higit isang libong pamilya sa Laguna ang inilikas. Hindi inasahan ang mga kabi-kabilang pagbaha, tulad na lang sa kahabaan ng highway mula Los Baños hanggang Calamba City.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN news, ang lokal na pamahalaan ay nakapagtala rin ng insidente ng landslide sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo, kasama na rito ang mga barangay sa Majayjay, na daanan ng mga biyahero at magsasaka.
Ani Day Regalo, isang magsasakang taga-Los Baños, marami ang nasirang pananim na saging, gulay, at palay sa lugar nila kung kaya naapektuhan ang kanilang hanap-buhay. Dagdag pa niya, hindi talaga naging maganda ang epekto ng bagyo sa kanilang pamilya dahil ang pagkasira ng kanilang pananim ay nangangahulugang doble-kayod muna sila sa pagbebenta ng ibang paninda, tulad ng mga tsinelas at basahan.
Kwento naman ni Ellen Rebilleza na nagtitinda ng mga barbecue at iba pang tinuhog na lamang-loob ng hayop gaya ng isaw, kahit bumabagyo ay tumuloy pa rin siya sa pagtitinda. Katwiran niya, masasayang ang kanyang paninda kung hindi maibebenta.
Si Oliver Tubise, isang ice cream vendor, ay isa rin sa mga tinderong nawalan ng kita dahil sa pagdating ng bagyo. Dahil dito ay wala rin siyang naidagdag sa kanyang iniipon.
Naiiba ang kwento ng tindera ng prutas at gulay sa palengke na si Pina Cataniel. Aniya, nakaranas siya malaking kita kaugnay ng bagyo dahil nag “panic-buying” ang mga tao. Paliwanag niya, inasahan ng mga residenteng magiging mas matagal pa ang bagyo kung kaya kinailangan nilang bumili ng higit sa karaniwang binibiling pagkain upang mag-stock bilang paghahanda.
Magkakaiba ang naging epekto ng bagyo sa mga taong umaasa sa pagtitinda para mabuhay. Marami ang kakaunti ang kinita o walang kita, mayroon ring nalugi pa. May ilan namang animo’y naka-jackpot dahil marami ang naibentang paninda sa mga suking nag-panic buying. Sa huli, ang importante ay ligtas sila at ang kanilang pamilya, at sila ay makababangon mula sa dagok ng bagyo sa kanilang kabuhayan.