Umaagos na baha, bumubuhos na ulan, umuugong at malakas na hanging tila kaya kang liparin.
Ito ang mga nasaksihan sa lalawigan ng Laguna sa kasagsagan ng Bagyong Tisoy nitong ika-3 ng Disyembre.
Mula alas-dyes ng umaga hanggang ala-una ng hapon ay abala si Elmer Peñaveras, 59, isang jeepney driver, sa paglalagay ng yero sa mga bintana at paghahanda ng kanilang bahay para sa malalakas na hangin. Matapos ang gawain ay namasada na siya bandang alas-tres ng hapon sa kanyang byaheng Calamba-UPLB na parang ordinaryo o pangkaraniwang araw lamang ang Martes na iyon.
Kapag nakaka-tatlo o apat na balikang byahe si Mang Elmer, kadalasang kumikita siya ng P1500 sa loob ng isang araw. Subalit dahil sa bagyo, bibihira ang pasaherong sumasakay, ngunit umabot naman ang kita niya noong araw na iyon sa P1300.
Sa 36 na taon niyang nagmamaneho ng jeep, ngayon lamang siya bumyahe sa kasagsagan ng bagyo. Ika niya ay tumila ang ulan sa hapon kaya naging maganda naman ang kanyang byahe.
Ayon sa PAGASA, nagdulot ng malalakas na hangin at ulan ang Bagyong Tisoy sa lalawigan. Umabot ang lakas nito sa signal number 3 kung saan ang hangin ay nasa bilis na 121km/h hanggang 170km/h. Dagdag pa rito ay nagkaroon din ng baha sa kalsada ng Pansol, Calamba.
(LINK: Makikita sa Twitter post na ito ang baha sa Barangay Pansol, Calamba.)
Dahil sa ganitong lakas ng hangin ay hindi na bumyahe si Ramil Rodriguez, isa ring jeepney driver. Nag-aalala siya dahil na nabalitaang lakas ng bagyong Tisoy. Natuto na raw siya sa kanyang pagkakamali noon nang pinili niyang bumyahe sa kasagsagan ng isang malakas na bagyo at iniwan niya ang kanyang mag-ina sa bahay.
Kwento ni Mang Ramil, dahil sa lakas ng hanging dulot ng bagyo, natangay ang bubong ng kanilang bahay at nalagay sa panganib ang kanyang mag-ina. Sa pagkakataong ito, kahit na nakita niyang humina ang hangin at ulan ay nanatili siya sa piling ng kanyang pamilya, hindi bale nang wala ang P1300 na kita sa isang araw.
Katulad ni Mang Ramil, si Reuel Flores ay hindi na rin bumyahe noong kasagsagan ng bagyo sa kadahilanang may coding noong araw na iyon. Sa kabila nito, ika niya ay mas mainam nang hindi bumyahe kapag bumabagyo dahil minsan ay bumabaha sa mga dinadaanan niya katulad ng sa Bucal.
Dagdag pa niya, kahit na nakita niyang maluwag ang kalsada bunga ng kakaunting bumyaheng pampasaherong jeepney, hindi pa rin bibiyahe ang maraming mga driver dahil hindi hindi tiyak ang pagkita kapag bumabagyo.
***
Pinili nina Mang Ramil at Mang Reuel na unahin ang kaligtasan tuwing panahon ng bagyo kesa perang kikitain kung sila ay bumiyahe o magtrabaho. Ngunit hindi na nakakagulat na may mga katulad ni Mang Elmer na pinipili pa ring mamasada sa kabila ng lakas ng bagyo dahil sa hirap ng buhay.
Hindi lang si Mang Elmer ang nasa ganitong sitwasyon. May ilan rin tayong kababayang nagtatrabaho sa mga opisina at kinailangan pa ring pumasok bunga ng tawag ng tungkulin at pangangailangang pinansyal.