Hirap ang mga magsasakang nakatira sa Jamboree Road, Barangay
Timugan na tugunan ang kanilang mga pangangailangan sa tubig at kabahayan
dahil sa kanilang lokasyon.
Ayon sa bise-presidente ng Samahang Magsasaka sa Paanan ng Bundok
Makiling (SMPBM) na si Mariano Manalo, ang tubig na ginagamit nila para sa
kanilang pananim at tirahan ay nanggagaling pa sa itaas ng bundok. Nagawa nilang
magpadaloy ng tubig mula sa isang bukal hanggang sa kanilang sakahan at tirahan
gamit ang mga pinagdugsong-dugsong na rubber hose na umabot ng tatlo’t
kalahating kilometro ang haba.
Dagdag ni Vitaliano Peñalver, ang pangulo ng SMPBM, taong 2016 nang sila
ay humingi ng patubig mula sa lokal na gobyerno. Hindi ito natuloy sapagkat ayon kay Rolly Breva, Protection and Regulation Unit Head ng Makiling Center for
Mountain Ecosystems, ang lupang tinitirahan ng mga magsasaka ay sakop na ng
Mount Makiling Forest Reserve (MMFR) na ayon sa Republic Act no. 6967 ay
nasa pangangalaga at pamamahala ng University of the Philippines Los Baños. Dagdag pa rito, sa ilalim ng Memorandum No. 080, S. 2000 ay ipinagbabawal ng konstruksyon sa loob ng MMFR.
Gumawa ng paraan ang SMPBM upang makabili ng tatlumpu’t limang 100-
meter rubber hose para matugunan ang kanilang pangangailangan sa tubig.
Mula alas-dos ng hapon hanggang ala-sais ng umaga ay nakadirekta ang tubig sa
kanilang mga sakahan, at pagkatapos nito ay nasa mga kabahayan naman ang padaloy ng tubig hanggang ibalik sa sakahan ng alas-dos ng hapon.
Maliban sa patubig, hirap din daw sa pagpapagawa at pagpapaayos ng tirahan
ang mga magsasaka sapagkat kasama raw ito sa mga ipinagbabawal ng Memo 080. Sa ilalim ng nasabing dokumento, pinapayagan ang pagpapaayos ng mga tirahan ng mga tinaguriang “bona fide occupants,” o mga kinikilalang naninirahan sa lugar base sa isinagawang census ng pamantasan noon 2002. Ayon Ginoong Breva, nilagyan ng stickers ang mga bahay ng mga magsasakang itinuturing na “bona fide occupants” bilang pananda. Ang pagpapalawak o pagpapalaki ng sakop ng mga nakatayo nang kabahayan at paggawa o pagpapatayo ng panibagong tirahan ay mahigpit pa ring ipinagbabawal.
Katulad ng patakaran patungkol sa bahay, ang mga tindahan ng prutas sa gilid ng
Jamboree Road ay kinakailangang pag-aari rin ng mga “bona fide occupants” lamang. Ang kanilang mga pwesto ay mayroon ring stickers na nagsisilbing patunay na sila’y pinapayagang magtayo at magpaayos ng mga tindahan.
Kwento ni Janette Magayo, isa sa mga tindera sa Jamboree Road, nagkaroon na ng pagkakataon na sila ay pinapaalis sa kanilang puwesto noong taong 2017. Ito raw ay sa kadahilanang napagkamalang bago ang kaniyang tindahan sa ngunit ito ay kaniyang pinaayos lamang.
Mahalaga ang mga tindahang ito para sa mga magsasaka tulad ni Jason
Salangsang. Aniya ay dito sa Jamboree Road lamang niya naibebenta ang mga produktong tinatanim niya. Kapag hindi nagiging sapat ang kita nila sa pagbebenta, napipilitan si Jason na maghanap-buhay bilang electrician o construction worker sa Bulacan.
Para kay Ginoong Peñalver, masosolusyonan ang mga problema sa kanilang
komunidad kung sila ay may pagkakaisa.
Ang komunidad ay matagal nang naninirahan sa paanan ng bundok. Ayon
kay Manalo, bago pa maging presidente si Ferdinand Marcos ay
naninirahan na ang kaniyang pamilya roon. Taong 1972 noong pinaalis ang
komunidad sa kanilang mga tirahan at inilipat sa Luisiana, Laguna. Nakabalik sila
muli roon nang mailuklok na si Cory Aquino bilang president noong taong 1986.
Sa kabila ng kinalalagyan ng komunidad ay naaabutan pa rin sila ng mga
programa ng lokal na gobyerno.
Ayon sa Municipal Agriculturist na si Cheryll Gonzales at punong barangay na si Francisco Dumangas, ilan sa mga programang naisagawa ay ang pagbibigay ng fruit bearing trees, training sa organic farming, at seminar tungkol sa produksyon ng cacao.
Sa lokal na gobyerno rin nanggaling ang hose na ginagamit ng mga magsasaka para sa kanilang mga pananim.