Mga working student, di natinag kay Tisoy

Isa si Camille Retirado sa mga working student na makakabalik na sa kani-kanilang eskwelahan at trabaho mula nang suspendehin ang pasok dahil sa Bagyong Tisoy na sumalanta sa Luzon noong nakaraang Lunes. Si Camille ay kasalukuyang namamasukan sa isang tindahan ng school supplies sa may Grove, Los Baños. Sa ngayon ay full-time na muna siyang nagtatrabaho upang makapag-ipon ng pantustos sa kaniyang pag-aaral.

Kabilang sa mga gawain ni Camille Retirado (kaliwa) ang pagkakahera sa pinapasukan niyang
tindahan ng school supplies. (Kuha ni Rianno Emmanuel Domingo)

Ikalawang taon na ni Camille sa Laguna State Polytechnic University (LSPU) ngunit siya ay tumigil sa pag-aaral upang magtrabaho. Dalawang taon siyang working student sa parehong tindahan bago siya nagfull-time. Sa kabuuan ay apat na taon na siyang namamasukan sa nasabing tindahan.

Dahil sa bagyo ay hindi na sila pinapasok ng may-ari ng tindahan upang magtrabaho.

“Hindi na rin po kami pinapasok nung may-ari pero dati pagkaminsan suspended yung klase tapos nagtext si ma’am na pumasok napasok naman po ako,” paliwanag niya. Ayon din sa kaniya hindi naman sila binaha sa Malinta kung saan siya naninirahan noong araw ng bagyo.

Ayon naman kay Junnie Talla, isang working student na namamasukan bilang service crew sa isang fastfood chain, apektado ang kaniyang pag-aaral dahil sa pagkawala ng kuryente noong araw ng bagyo.

“Mahirap din po kasi pag nabagyo, walang kuryente kapag may pinapagawa yung prof namin kunwari mga assignments, projects po hindi po ako nakakagawa,” ani ni Junnie. “Karaniwan po kasi ng pinapagawa samin puro po research,” dagdag pa niya.

Noong nagkaroon na ng kuryente ay doon lamang siya nakagawa ng kaniya assignment.

Si Junnie ay isang buwan nang namamasukan bilang service crew sa isa ring fastfood chain malapit sa UPLB. Kasalukuyan ay nasa unang taon niya sa kolehiyo sa LSPU, Sta. Cruz. Ayon kay Junnie rest day niya noong araw ng bagyo kaya nagpahinga na lamang siya kasama ang pamilya. Nabanggit naman nito na sa kanilang lugar sa Brgy. San Antonio ay hindi naman gaanong binaha at humupa rin kaagad.

Ginawa naman oportunidad ng isang working student na si Joab Fernando ang pagkasuspende ng klase dahil sa bagyo. “Tinake ko sya (pagsuspinde ng klase) as parang way na makabawi ng acads kasi hell week (exam week) natin,” sabi niya.

Pinagsasabay ni Joab ang kaniyang pag-aaral at pagtatrabaho bilang bartender para magkaroon ng dagdag puhunan. (Kuha ni Rianno Emmanuel Domingo)

Si Joab ay namamasukan sa isang bar sa Grove, Los Baños bilang bartender at isang estudyante naman ng UPLB sa kursong Computer Science. Pinagsasabay nito ang kaniyang pag-aaral at pagtatrabaho upang magkaroon ng dagdag puhunan. Sa araw ay papasok siya sa kaniyang klase at sa gabi naman ay sa trabaho.

Ayon kay Joab, karaniwang malakas ang demand ng alak sa mga panahong walang pasok ngunit kapag may anunsyo ng bagyo, agad nang ipinapasara ang lahat ng bar sa buong Brgy. Batong Malake.

“Kapag may signal, required na mag liquor ban sa buong (Batong Malake) so sarado talaga kami,” sabi niya. ”Ordinansa sya ng Batong Malake so dapat susundin,” dagdag pa niya.

Paliwanag ng isang tanod, ang ordinansang ito ay naglalayang mapanatili ang kaligtasan ng bawat residente ng Brgy. Batong Malake sa pamamagitan ng pagbabawal ng pagbebenta ng alak tuwing may bagyo. Aniya, kapag ang tao ay naimpluwensyahan ng alak ay hindi na nito kontrolado ang kaniyang pagkilos at ikapapahamak nito lalo na kapag may bagyo.

Ramdam naman ni Jeremias Salvador isa ring working student, ang bagyo sa kanilang lugar. Hindi naman ganun kalakas yung bagyo samin pero ramdam na may bagyo,” sabi niya. Kilala rin bilang Jeri, siya ay nag-aaral bilang graduating student sa Letran Calamba sa kursong Information and Technology. Kasalakuyang halos mag-iisang taon nang namamasukan ito sa isang parehong bar sa Grove, Los Baños bilang kahero.

Ayon sa kaniya, isang disadvantage sa trabaho ang pagkakaroon ng bagyo dahil ordinansang pagbabawal ng pagbebenta ng alak sa buong barangay. Ngunit isa naming advantage ito sa kaniyang pag-aaral. “Sa school work naman advantage sya kasi more time para makagawa,” aniya.

*****

Nagpatuloy na ang klase at pasok sa trabaho simula Dec. 5, at balik na sa normal ang buhay at gawain ng mga working students na nakapanayam para sa ulat na ito. Makikitang hindi naging hadlang para sa mga working students na ito ang nakaraang bagyo upang ipagpatuloy ang pag-aaral kasabay ng pagtatrabaho.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.