Mga Dapat Tandaan habang may Ashfall

(Ulat ni Rosemarie De Castro)

Pumutok ang Bulkang Taal  bandang ala-una kahapon at naglabas ito ng abo, usok, at maliliit na bato. Sa kasalukuyan, nasa Alert Level 4 na ang bulkan kung saan inaantabayanan ang posibleng pagsabog nito sa loob ng ilang oras o araw.

Isa ang Los Baños sa mga bayan na naaapektuhan ng kasalukuyang pagbagsak ng abong  ibinubuga ng Bulkang Taal.

Ano nga ba ang dapat gawin ng tulad natin na apektado?

Sanggunian: https://www.facebook.com/PHIVOLCS/photos/a.285127764929462/2510978625677687/

Ayon sa nilabas na patnubay ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) habang may ashfall, inaabisuhan ang publiko na:

  • Maging mahinahon. Manatili sa loob ng bahay. Takpan ang ilong at bibig ng basa at malinis na tela o (N95) dust mask.
  • Isara ang lagat ng mga bintana at pinto ng bahay at kotse. Maglagay ng basang tuwalya o tela sa bukasan ng pinto at iba pang tulad nito.
  • Hugasang mabuti ang lahat ng mga prutas at gulay bago kainin.
    Takpan ang mga ipunan ng tubig at lalagyan ng pagkain upang maiwasang maabuhan.
  • Makinig sa radyo para sa mga balita tungkol sa pagputok ng bulkan.
    Ipasok ang inyong mga alagang hayop sa kani-kanilang kulungan o sa loob ng bahay upang maiwasang makalanghap ng abo.
  • Kung nagmamaneho ng sasakyan, tumabi at tumigil ng maayos kung matindi ang pagbagsak ng abo na hindi na makita ang daan.
  • Kung nasa labas, humanap ng masisilungan at magsuot ng salamin sa mata. Iwasan ang paggamit ng contact lens.

Naglabas din ng kaparehas na abiso ang Department of Health. Dinagdag nila na mahalagang sundin ito upang maiwasan ang pagkaranas ng iritasyon sa balat, pangangati ng ilong o lalamunan, pamumula ng mata, at hirap sa paghinga.

Maaaring makakuha mula sa pagkakalanghap ng abo mula sa bulkan ang sakit sa baga tulad ng silicosis na nagreresulta sa pagkasugat ng lagayan ng hangin. Posible rin ito dumagdag sa panganib ng tuberculosis, lung cancer, at chronic bronchitis.

Bunsod ng malabong road visibility at madulas na kalsada dulot ng ash fall, may posibilidad din na magkaroon ng mga aksidente sa daan.

Kung saka-sakaling kailangan ng tulong o paglikas, makipag-ugnayan sa Municipal Government of Los Baños at sa mga awtoridad.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.