Ulat nina Angelica Jayz A. Villar and Karizza Mae G. Dela Peña
Isang residente ng Barangay Tuntungin-Putho, Los Baños ang nabangga ng pampasaherong tren ng Philippine National Railways (PNR) noong gabi ng Enero 28, 2020 sa Sitio Pag-asa, San Antonio, Los Baños, Laguna. Ang biktima ay kinilalang si Bobby June Biñegas, 32 taong gulang.
Ayon kay Ginoong Relly C. Palis, kapitan ng San Antonio, ang biktima ay nasa impluwensya ng alkohol noong nangyari ang aksidente.
Ayon kay Irma De Silva, isang residente ng Sitio Pag-asa, narinig daw niya na nagtatalo ang mag-asawa malapit sa kanyang tindahan. Pinaghihinalaang naka-inom ang lalaki at ito raw ay maraming bitbit na kagamitan.
Hinihila pa umano siya ng kanyang asawa pabalik malapit sa kabahayan bago ang aksident. Dahil daw sa pagtatalo, hindi gaanong namalayan ng mag-asawa ang busina ng paparating na tren.
“Ayaw magpapigil ng lalake kasi galit na galit siya,” ani Ginang De Silva.
Nakita raw ng asawang babae ang paparating na tren at sinabi ito sa kanyang kabiyak ngunit nagpatuloy pa rin sa paglalakad ang biktima sa tabi ng riles.
Noong malapit na ang tren, tumabi na ang kanyang asawa habang nagpatuloy pa rin sa paglalakad ang biktima. Pumreno ang tren, subalit nasagi pa rin ang biktima at tumilapon ito sa puno na naging dahilan ng kanyang pagkasawi.
Paalala mula sa Pamahalaang Barangay
Nanawagan si Kapitan Palis sa mga residente ng San Antonio sa tabi ng riles na maging maingat ang mga ito. “Siguraduhin, lalong-lalo na ang ating mga bata, [na] maingatan sila. Sila [dapat] ay mapa-alalahanan tungkol sa paglalaro nila at paglalakad nila sa riles, sapagka’t ito ay peligrosong lugar dahil sa pagdaan ng tren dito.” Dagdag pa niya, isa pa sa mga napapansing madalas na kadahilanan ng mga naturang aksidente ay dahil sa impluwensya ng alkohol.
Panawagan mula sa PNP
Nanawagan din ang lokal na kapulisan ng Los Baños na maging mas maingat ang mga residente lalo na ang mga nakatira malapit sa riles.
Ang publiko ay pinag-iingat dahil hindi agad tumitigil ang tren kapag ito ay pumreno. Ipinapaabot ng kapulisan na maging mas alerto at mapagmasid sa pagdating ng tren.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Louie T. Dionglay, hepe ng kapulisang bayan, ito ang unang kaso ng pagkamatay na naitala sa bayan ng Los Baños noong muling buksan ang PNR sa bayan.
“Danger Zone”
Ayon sa pahayag ni PNR Spokesperson Joseline Geronimo noong nakaraang Septyembre, wala dapat kahit anong istraktura 15 metro mula sa magkabilang gilid ng riles ng tren ﹘ ito ay upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan.
Ang solusyon ay alisin ang mga bahay na ilegal na itinayo sa tabing riles. Dagdag pa niya, matagal nang nakikipag-ugnayan ang PNR sa National Housing Authority patungkol sa relokasyon ng mga mapapaalis na residente.