Pamahalaan ng Los Baños, nanawagan ng trabaho para sa mga evacuees; Mega Job Fair, isinagawa

Ulat nina Gil Bosita, Clarea Intal, at Keirth Manio

HANAPBUHAY SA MGA NASALANTA. Dumalo sa isinagawang Mega Job Fair ang ilan sa mga evacuees sa bayan ng Los Baños. (Kuha ni Gil Bosita)

Nakipag-ugnayan ang pamahalaan ng Los Baños sa mga lokal na publiko at pribadong establisyemento upang mabigyan ng trabaho ang mga nagsilikas mula sa iba’t-ibang bayan sa CALABARZON dahil sa pagputok ng Bulkang Taal noong Enero.

Humigit-kumulang sa 33 na mga kinatawan ng mga lokal na ahensya ang dumalo sa naging pagpupulong noong Enero 29, 2020. Sa naturang pag-uusap ay kanilang napagkasunduan na magbukas ng oportunidad ng trabaho para sa mga nasalanta habang sila’y pansamantalang tumutuloy sa bayan.

Ilan sa mga nangakong magbigay ng trabaho ay ang MERALCO, Department of Public Work and Highways (DPWH), at Career Express Manpower Services (CEMS).

Ang Public Information Office (PIO) ng munisipyo ang naatasang magpabigay-alam sa mga evacuees ng impormasyon patungkol sa mga establisyemento na nagbukas-palad para sa mga nasalanta. Kasama na rin dito ang mga kwalipikasyon at mga kinakailangang dokumento upang sila’y mabigyan ng trabaho.

Sa panayam kay Los Baños Public Information Officer Imelda Dela Viña, kanyang nabanggit na ang naturang panukala ay isinagawa upang upang higit pang makatulong sa mga nasalanta. Ito raw ay ideya ng alkalde ng bayan sa paniniwalang mga donasyon ang kinakailangan ng mga evacuees kundi pati hanapbuhay para sa kanilang mga pamilya.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction Office (MDRRMO), humigit-kumulang sa 1030 ang naitalang bilang ng mga evacuees na pansamantalang tumuloy sa kanilang mga kamag-anak at maging sa mga evacuation centers sa bayan ng Los Baños.

BASAHIN: Laguna mothers donate breastmilk for Taal-affected babies

Mega Job Fair

Isinagawa ang isang mega job fair ng Public Employment Service Office (PESO) Los Baños sa pakikipagtulungan sa Rotary Club ng 48th District noong ika-31 ng Enero, 2020.

Ito ang unang mega job fair sa kasulukuyang taon. Umabot ng 48 na iba’t-ibang mga lokal at malalaking kumpanya ang nagbukas ng mga trabaho para sa mga mamamayan ng Los Baños. 

Ipinapagbigay-alam rin ng PESO LB na mayroong job fair na isinasagawa tuwing huling Biyernes ng bawat buwan. Para sa karagdagang impormasyon at mga mungkahi, maaaring makipag ugnayan kay Gliceria Trinidad sa 536-5976.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.