Ulat nina Kaye Galler and Maria Thresha Ursolino
Nagsagawa ng pagpupulong noong ika-29 ng Enero ang Sangguniang Barangay ng Batong Malake ukol sa pagpapalakas ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC). Ginanap ang pagpupulong sa session hall ng barangay sa pangunguna ni Kapitan Ian N. Kalaw at dinaluhan ng mga opisyal ng barangay at ilang kinatawan mula sa komunidad.
Kabilang sa mga tinalakay ay ang layunin ng BADAC at ang dahilan ng pagbabalik at pagpapalakas dito.
Tinalakay rin ang mga problema at datos ng barangay tungkol sa droga.
Layunin ng pulong na maging “drug-free” ang Barangay Batong Malake. Kaugnay nito ay ang pagbigay-pansin ng BADAC sa pagkakaroon ng purok leaders na magmomonitor sa kanilang mga nasasakupan.
Ayon kay Kalaw, mahaba pa ang panahon para maging drug-free ang isang lugar. Nagpahayag siya ng kanyang paniniwalang kaya itong maraming ng Batong Malake. “Step by step, maaayos din po natin ito,” pahayag niya.
Isa pang panukala ng lupon ay ang pagsasagawa ng census sa buong barangay upang mas mapadali ang isasagawang pagmomonitor.
Ang muling pagpapalakas ng BADAC ng Batong Malake ay alinsunod sa layunin ng pamahalaang pambansa laban sa paggamit ng ilegal na droga. Ayon sa Joint Memorandum Circular No. 2018-01 ng Department of Interior and Local Government (DILG), ang BADAC ay pangungunahan ng mga miyembro ng Sangguniang Barangay, at mga piling kinatawan ng iba pang sangay ng komunidad.
Hinahangad ng Sangguniang Barangay ng Batong Malake ang kooperasyon ng mga residente.
Inaasahan na magkaroon ng seminar sa mga pampublikong paaralan ukol sa drug abuse at sa mga maaaring kahinatnan nito.
Muling magkakaroon ng pagpupulong ang BADAC sa Pebrero upang maisakatuparan ang tunguhin nitong magsagawa ng pulong isang beses sa isang buwan.