Ulat nila Karizza Mae dela Peña at Ana Mariz Pineda
Matagumpay na inilunsad ang ika-anim na taon ng Dugong Bayani noong ika-8 ng Pebrero, 2020 sa activity area ng munisipyo ng Los Baños.
Tinatayang mahigit 120 katao ang nakilahok sa “blood letting” program na pinangunahan ng Municipal Health Office (MHO) kasama ang Philippine Blood Center. Nagsimula ang programa mula ikawalo ng umaga hanggang ikalawa ng hapon.
“Patuloy na isinasagawa ang Dugong Bayani dahil sa marami pa rin ang mga taong nangangailangan ng dugo sa buong bansa,” pahayag mula sa Program Coordinator ng Dugong Bayani na si Irene Lapitan Bautista.
Ayon kay Bautista, ang temang Dugong Bayani ay nagmula sa ideya na “hindi kailangang magbuwis ng buhay para maging bayani.”
Ito rin ang dahilan kung kaya’t patuloy silang nag-aanyaya ng mga mamamayan sa mga gawaing katulad nito.
Hinihikayat ang mga mamamayan na ay edad 18 pataas (maaaring 17 taong gulang pababa kung may pahintulot ng magulang), may timbang 50 kilos pataas, at may sapat na tulog at malusog na pangangatawan na magbigay ng dugo.
Ayon sa tala ng MHO, ang pinakabatang nakilahok ay 17 taong gulang, at ang pinakamatanda ay 62 taong gulang mula sa Brgy. Anos, na isa na sa mga itinuturing na “galloner” o isang indibidwal na maraming beses nang nakapagbigay ng dugo.
Ang mga dugong nakolekta ay dadalhin sa Philippine Blood Center at ang mga nakilahok ay nabigyan ng sertipiko at card na maaari nilang magamit kung sila naman ang mangailangan nito.
Ang mga dugong mula sa blood center ay dadalhin sa Los Baños Doctors Hospital and Medical Center (LBDHMC) sa panahong ang mga residente ng Los Baños ay mangailangan. Kinakailangan lamang magbayad ng 75 pesos para sa “storage fee.”
Isa sa mga dumalo ay si Kagawad Beny Moralde, 55 taong gulang mula sa Brgy. Malinta. Ito na ang kanyang ika-21 na pakikilahok sa Dugong Bayani.
“Parati akong sumasali dito dahil noong ako ay nagbebenta pa lamang ng buko juice, kapag may kakilala akong nangangailangan ng dugo ay hinihikayat kong lumapit sa munisipyo,” ani Moralde.
“Iba rin ang pakiramdam na nakakapag-donate ng dugo dahil napapalitan ang dugo, at nakakatulong pa sa iba,” dagdag pa niya.
Ginaganap ang blood letting program tatlong beses sa isang taon, sa mga buwan ng Pebrero, Hunyo at Oktubre. Sinisikap ng MHO na maipaalam ang programa sa pamamagitan ng text messages, mga anunsyo sa Facebook page, at pati na ang pagkakabit ng mga poster sa mga barangay.
Para sa mga karagdagang impormasyon at anunsiyo ng mga programa ng LBMHO, maari bisitahin ang kanilang Facebook page: https://www.facebook.com/LBMHO/