Ulat nina Gil Angelo Bosita at Voltaire Ventura
Tampok ang mga produkto ng mga samahang CALAMBUHAYAN Marketing Cooperative at Women’s Brigade ng Barangay Putho-Tuntungin sa February Fair (Feb Fair) 2020 ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños mula Pebrero 11 hanggang Pebrero 15.
Sari-sari ang mga itinitinda ng CALAMBUHAYAN sa kanilang mahigit apat na pwesto. Kabilang na rito ang coco products, sapatos, pang-regalo, at iba pang mga produkto ng kooperatiba. Tulad ng ibang tindahan sa Feb Fair, sila rin ay may panindang pagkain at inumin.
Ang kikitain sa mga pwesto ito ay mapupunta sa kanilang mga tauhan at may mayroong porsyentong mapupunta sa kanilang kooperatiba na kanila ring magagamit para sa kanilang mga proyekto.
Bida rin sa Feb Fair ang mga resiklong bag, bouquet, face mask, basahan, at iba pang produktong gawa ng Women’s Brigade ng Barangay Tuntungin-Putho.
Ang mga produktong ito ay bahagi ng programang pangkabuhayan ng barangay na “Bags for Life” kung saan ang mga kababaihan ay gumagamit ng mga lumang papel, dyaryo, balat ng sticker, gift wrapper, tela, at iba pang mga retaso sa paggawa ng mga paninda nila.
TIGNAN: ‘Bag for Life’: making a living out of old newspapers and scratch papers in Brgy. Tuntungin Putho
Ayon sa Punong Barangay ng Tuntungin-Putho na si Ronaldo Oñate, ang ideya ng pag-gawa ng face mask ay bunga ng kakulangan na naidulot ng pangangailangan dito noong sumabog ang Bulkang Taal.. Ang mga face mask na kanilang ipinagbibili ay yari sa mga lumang damit.
Mapupunta rin ang kanilang kikitain sa mga gumawa ng mga produkto at sa kanilang samahan. Magagamit ito sa pagpondo ng mga susunod pang produksyon ng “Bags for Life” at iba pang proyekto ng Women’s Brigade.
Nagsimula ang mga ganap sa UPLB February Fair 2020 noong Lunes, Pebrero 10, at magtatapos ito sa Sabado, Pebrero 15. Nasa February Fair din ang mga taon-taon nang nakagawiang shawarma, sisig, inihaw na mais, mga tiangge, at perya.
May mga kanya-kanyang gimik din ang iba’t ibang organisasyon ng mga mag-aaral ng UPLB. Kasabay nito, magkakaroon din ng tugtugan ang mga lokal na banda at iba pang pagtatanghal.
Para sa karagdagang impormasyon, puntahan lamang ang kanilang Facebook Page: https://www.facebook.com/uplb.febfair/.