Ulat ni Sebastian Fresnoza
Isinagawa ang Moral Recovery and Spiritual Enrichment seminar sa pangunguna ng DepEd Los Baños District sa mga iba’t ibang pampublikong paaralan sa Barangay Timugan at mga karatig na barangay mula Enero 27 hanggang Pebrero 7.
Katuwang ng DepEd ang Values Formation and Spiritual Transformation Council Philippines International Incorporated (VFSTCPII) sa paglunsad ng programa.
Ang mga seminar na idinaos ay naglalayong matulungan ang mga mag-aaral na nakararanas ng mababang tingin sa sarili, kabilang rin sa mga paksang natalakay ay ang pananampalataya.
Ang mga napiling tagakapakinig ay mga mag-aaral mula ika-apat na baitang hanggang senior high school.
Ang programa ay alinsunod sa Presidential Order No. 62, kung saan kinakailangan ang aktibong pakikilahok ng mga paaralan sa mga programa para sa moral recovery. Umikot ang mga seminar sa apat ng pangunahing paksa: respeto sa awtoridad, pananampalataya sa Diyos, mga posibleng sanhi ng pagkasira ng moralidad, at ang kampanya kontra ilegal na droga.
Ayon kay DepEd Los Baños District Superintendent na si Dr. Allan G. Hostalero, kinakailangan ang programang ito dahil marami umanong suliranin ang mga kabataan na maaaring maka-apekto sa kanilang pag-iisip.
Naniniwala rin si Dr. Hostalero na ang paksa ng mga seminar ay maaaring magsilbing gabay sa kabataan upang sila’y maging mabuting mga mamamayan.
‘Mahalin ang sarili’
Isa rin sa mga paalala sa mga mag-aaral ay pagtulong sa kanilang mga sarili. “Mahalin ang sarili dahil walang sinuman ang makakapagbigay sayo ng magandang buhay sa mga susunod na henerasyon kundi ang sarili mo lamang,” ani Dr. Hostalero.
Ayon naman kay Ginang Rosie Abad, ang punong-guro ng Los Baños Central Elementary School, maayos ang pag tanggap ng mga estudyante at ng paaralan sa programa. Aktibong nakikilahok ang mga estudyante at guro ng paaralan.
Sa ngayon ay wala pang opisyal na sanggunian ang DepEd District Office upang malaman ang mga saloobin ng mga nakadalo sa mga seminar, ngunit ginagawan na raw nila ng paraan upang malaman ang epekto ng mga ito sa mga mag-aaral.
Ang Moral Recovery and Spiritual Enrichment Program ay inaasahang magtagal hanggang sa Marso 2020. Bukod dito, bukas ang pinto ng district office para sa mga kabataan na nangangailangan ng moral counseling.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, maaaring sumangguni sa DepEd District Office sa (049) 576 0245.