Ulat ni Cai Monteser
Inilunsad ng Barangay Tungtungin-Putho ang pagtatanim ng mga organikong gulay katuwang ang mga residente alinsunod sa kanilang Food Security and Nutrition Program.
Ayon sa kanilang Punong Barangay na si Ronald Oñate, nag-umpisa ang proyektong ito mula sa simpleng segregation o ang paghihiwalay ng nabubulok at hindi nabubulok na basura.
Mula sa prosesong ito ay kanilang ginagamit ang mga nabubulok na basura bilang abono sa lupa.
Ang kanilang mga naiipon na basura ay kanilang ipinamimigay sa mga magsasaka at mga residente sa kanilang lugar.
Sa kagawiang ito ay natutunan ng mga kalahok na mamamayan na gumawa ng mga pataba mula sa kanilang mga naiipong basura. Sa paraang ito ay kanila ring ipinagmamalaki na sila ay nakatutulong na mabawasan ang polusyon ng mga basura sa kanilang lugar.
Ilan sa kanilang mga itinatanim na organikong gulay ay petchay, mustasa, talong, at kamatis. Sa kasalukuyan ay mayroong anim na lokasyon napinakikinabangan ang barangay para sa kanilang organikong gulayan.
Ang mga gulayang ito ay libre para sa lahat ng residente ng barangay.
Ginagamit din nila ito sa iba’t ibang programa ng barangay, tulad ng feeding program upang masiguro ang nila ang kalusugan ng mga bata na kulang sa timbang.
Ginagawa naman nilang mga bag, damit, basahan, face mask at iba pang produktong pangkabuhayan ang mga basurang hindi nabubulok.
Inaasahan na madadagdagan pa ang mga organikong gulayan sa lugar upang maibsan ang mga kaso ng malnutrisyon at patuloy na mapagyaman ang agrikultura sa Barangay Tungtungin-Putho.
Ayon sa Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development – Socio-Economic Research Division (PCAARRD-SERD), ang organic farming ay isang pamamaraan ng pagtatanim na hindi gumagamit ng kahit anong kemikal. Ayon sa mga pag-aaral, ang pagkonsumo ng mga organikong produkto ay nakatutulong sa kalusugan at kapaligiran.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, maaaring sumangguni sa Putho-Tungtungin Barangay Hall sa (+63) 9237406239.