Ulat nina Keirth Manio at Auna Carasi
Los Baños, Laguna — Naghigpit ng seguridad sa kalusugan ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Los Baños para sa mga tauhan at Persons Deprived of Liberty (PDL) sa lokal na bilangguan ng munispyo.
Ito ay alinsunod sa memorandum na inilabas ng BJMP Regional Office na inatasang maging alerto ang mga kawani ng bilangguan sa patuloy na pagkalat ng Coronavirus disease (COVID-19) sa buong mundo.
Sa pangunguna ni JSINSP Rodolfo Bonto, sinimulan na noong ikalima ng Pebrero ang pagpapamigay ng face mask at pag-inspeksyon sa temperatura ng mga bumibisita sa bilangguan gamit ang infrared thermometer. Maging ang mga PLD ay nakatanggap din ng mga kagamitan pangontra sa nakahahawang sakit.
Sa pamamagitan ng infrared thermometer ay nababantayan ang mga temperatura ng mga PDL, bisita, at maging ang mga kawani ng BJMP LB. Ang nakikitaan ng mga sintomas ng mga nakahahawang sakit ay pansamantala munang hindi pinapapasok sa bilangguan.
Hinihikayat din ang lahat ng mga bisita na magsuot ng face mask upang masiguro ang kalusugan sa loob ng bilangguan.
Ayon sa isa sa mga PLD, malaking tulong ang pamimigay sa kanila ng mga hygiene kit at face mask at nauunawaan nilang ito ay upang mapangalagaan ang kanilang kalusugan.
Dagdag pa niya, bilang isang kumunidad, ay maaring maging mas malaking problema kung sila ay magkakahawaan ng sakit.
‘High risk area’
Ayon sa residenteng nars ng municipal jail na si JO1 Wilfredo Felicio Jr., nararapat lamang na maging alerto ang mga bilangguan sapagka’t itinuturing ito na “high risk area” ng mga nakahahawang sakit.
Ang Los Baños Municipal Jail ay nahahati sa limang selda para sa 279 na mga PLD. Isang nars lamang ang nangangasiwa sa pangangailangan ng mga PDL para sa kanilang kalusugan. Buwan-buwan naman kung magsagawa ng medical at dental mission ang Los Baños Municipal Health Office (MHO) upang mapanatili ang kalusugan ng mga tauhan at mga PDL.
Regular din ang pamimigay ng mga hygiene kit sa mga PDL upang mapanatili ang kanilang kalinisan ng katawan.
Pamimigay ng hygiene kit
Bagama’t mahalaga rin ang rubbing alcohol upang mapigilan ang pagkalat ng mga mikrobyo, mahigpit na ipinatutupad na 40% lamang na isopropyl alcohol ang dinadala sa loob ng bilangguan dahil ang mataas na lebel nito ay maaaring magdulot ng sunog.
Mensahe ni JO1 Wilfredo Felicio Jr. sa publiko na kanilang sinisiguro ang kaayusan at kalinisan ng mga pasilidad sa loob ng bilangguan. Madalas nilang pinaalalahanan ang mga PDL na maging malinis at malusog ang pangangatawan.
Mahigpit din na ipinatutupad ang waste segragation o ang paghihiwalay ng mga nabubulok at di-nabubulok na basura sapagka’t ito raw ay maaaring maging “breeding ground” ng mga nakahahawang sakit.
Ayon sa sa huling ulat ng Department of Health (DOH), mayroon nang tatlong kumpirmadong kaso ng COVID-19 at umaabot na sa 215 na tao ang kasalukuyang ini-imbestigahan sa buong bansa.