Ulat nina Clarea John Intal at Czarina Lupig
Calamba, Laguna — Bilang pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Sining (National Arts Month), idinaos ang “Ang Arte Mo: Sining at Lipunan” sa Museo ni Jose Rizal, Calamba, Laguna noong Pebrero 15, 2020.
Ang pagpupulong na ito ay pinangunahan ng Tanghaliwan Arts Collective (TAC). Ito ay naglalayong maipaliwanag ang saysay at halaga ng sining sa mga isyu ng lipunan.
Mga Diskursong Pangsining
Ang diskusyon, na pinamagatang Usapang Maarte, ay itinampok ang ideya ng mga manggagawang kultural na inimbitahan para sa pagtitipon.
“Mayroon ba tayong ipagmamalaki kung paano natin ginagamit ang sining para sa lipunan?” tanong ni Bernardo “Buboy” O. Aguay Jr., isang artista, sa mga dumalo.
Nagbahagi naman si Jose Maria Emmanuel “Noel” Taylo ng tatlong hakbang para magamit ang sining sa pagmulat ng mga tao.
Kabilang dito ang pag-aaral ng teorya sa pagsusuri ng sining, ang paglubog sa masa, at pagsiguro sa kalidad at anyo ng mga sining na inilalathala.
Itinuro rin ni Maria Cherryl M. Mendoza ang iba’t-ibang istilo, anyo, at klase ng sining na maaaring makapukaw sa damdamin at isipan ng mga tao.
Lokal na mga Artista
Ang pagpupulong ay nagsilbing entablado para sa mga iba pang artista sa Laguna at karatig na bayan. Mayroong mga tumula, nagmonologo, at umawit ng mga sariling awitin.
Ilan sa mga nagtanghal ay sina Buboy Aguay Jr., Kier Saliva, Christian Albano, Kriselle Anne Catalla, Project:Romeo, at Juan Paolo Alvarez.
Kabilang sa mga nakadalo ay mga mag-aaral mula sa Calamba City School for the Arts at isang empleyado mula sa Mayondon National High School.
Naging katuwang ng TAC ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP), Museo ni Jose Rizal-Calamba, Pamahalaang Panlungsod ng Calamba – Cultural Affairs, Tourism and Sports Development Department, at Calamba Cultural Heritage and Historical Society.
Ninanais ng TAC na mapagpatuloy pa sa mga darating na taon ang art forum tuwing sasapit ang Pambansang Buwan ng Sining sa buwan ng Pebrero.
Para sa karagdagang impormasyong, maaaring makipag-ugnayan sa TAC sa pamamagitan ng kanilang Facebook page sa https://www.facebook.com/tanghaliwan/.