“Mga retaso rin lang…imbis na itapon, walang tapon.”
Ito ang sagot ni Mariela Alcantara ng Tuntunging-Putho Women’s Brigade nang tanungin kung saan nila nakukuha ang mga kagamitan sa paggawa ng karamihan ng kanilang panindang itinampok sa UPLB FebFair 2020.
Ayon naman kay Marilou Lope, isa ring kasapi ng samahan, dahil sa basahan ay nagkaroon ng pagkilala o award ang Tuntungin-Putho.
Itinampok ng Women’s Brigade ng Barangay Putho-Tuntungin ang mga produktong gawa sa pinagtagpi-tagping retaso ng tela.
Ibinida sa fair ang kanilang mga produktong gawa sa mga retasong tela na mula naman sa mga lumang damit. Kabilang dito ang patholder, basahan, pajama set, punda, shoe rag, apron, at ang pinaka-mabili ngayon na face mask para pamproteksyon sa sarili laban sa banta ng Corona Virus Diesease 2019 o COVID- 19.
Nagsimula ang kanilang paggawa ng face mask dahil sa kakulangan ng suplay noong may ashfall mula sa nag-alalborotong bulkang Taal sa Batangas. Ang produksyon nito ay pinagpatuloy dahil sa COVID- 19. Ito’y ideya ng ilang kababaihan sa kanilang brigada, na pinaunlakan naman ng kanilang punong barangay na si Ronaldo Oñate.
Bukod sa mga produktong gawa sa tela ay patuloy pa rin ang paggawa at pagtitinda ng grupo ng mga flower beads na gawa sa fiber glass. Patuloy rin ang ‘Bags for Life’ o mga resiklong bag na gawa sa hinabing lumang dyaryo, telephone directory, pinagbalatan ng stickers, gift wrappers, magazine, at pati tetra pack ng mga inumin.
Sa kanilang exhibit sa FebFair, kasama ang iba pang produkto, gaya ng succulents, cactus, t-shirts, unan, payong, at eco-bag.
Malinaw na ang mga patampon na kagamitan para sa iba, ay may malaking benepisyo pa para sa kababaihan at kabataan ng Tuntungin-Putho. Ang kanilang mga nilikha at inilalako ay may malaking naitutulong sa kanilang araw-araw na pangangailangan at mga gastusin.
Nabibili sa murang halaga ang mga produktong tinda ng kababaihan ng Tuntungin-Putho. Ang mga keychains na gawa sa beads o fiber glass ay nagkakahalaga ng mula Php 15, at nasa halagang Php200-250 naman ang mga bags na mula sa recycled materials.
Ang kinikita mula sa pagtitinda ay napupunta sa mga kababaihan at kabataang nag-ambag sa paggawa ng mga produkto. May kaunting porsyento mula sa kita na napupunta sa kanilang samahan upang magamit bilang pondo sa mga susunod pang produksyon.
Para sa karagdagang impormasyon hinggil sa mga produkto, maaring sumadya sa Barangay Hall ng Tuntungin-Putho. Maaari ring bisitahin ang kanilang facebook page, https://www.facebook.com/barangaytuntunginputho/