nina John Gherald Navera at Ysobelle Denise Lopez
Isang kasunduan ang nilagdaan kamakailan ng pamahalaang barangay ng Mayondon upang makipagtulungan sa isa pang barangay mula sa Lungsod ng Makati tungo sa pagtatagumpay ng mga proyektong pang serbisyo-publiko.
Ang nasabing kasunduan ay tinatawag na Sisterhood-Twinning Relationship Agreement. Ito ay nilagdaan sa pagitan ng Barangay Mayondon, Los Baños, Laguna at Barangay Magallanes, Makati City upang mas mapatibay ang ugnayan ng dalawang barangay at mas mapaunlad ang kani-kanilang serbisyo publiko sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa pagpapatupad ng mga programa. Sa ganitong paraan, maaaring mabigyan ng pagkakataon ang dalawang barangay na maipagkumpara ang kani-kanilang programa tungo sa pagpapatupad ng pinakamainam na gawi o programang aangkop o akma sa pangangailangan ng bawat lugar.
Nilagdaan ang nasabing kasunduan nina Punong Barangay Rommel Maningas ng Mayondon at Punong Barangay Jose Mari Alzona ng Magallanes noong ika-10 ng Pebrero, 2020 sa Barangay Magallanes Hall, Makati City.
Ayon kay Maningas, ang ‘sisterhood-twinning’ na tinatawag ay isang inisyatibo ng lokal na pamahalaan na kung saan ang mga barangay na kabilang rito ay inaasahang makikipagtulungan, magbabahaginan at magbabagay ng mga “best practices” ng kani-kanilang barangay.
“For example, dito sa’tin, di hamak naman na milya-milya ang laki ng pondo nila kesa sa’tin so in terms of financial assistance pwede sila magbigay sa’tin [para] doon sa mga projects na pwede nilang suportahan… Gaya ng meron akong nagustuhan sa projects nila so i-aadopt ko yun dito sa barangay ko so meron din silang nagustuhan sa projects ko na i-aadopt din nila,” ani Maningas.
Ang pagkakaroon ng sisterhood–twinning na inisyatibo ng Barangay Mayondon ay maituturing na isang “first-time” sa history ng Los Baños. Ang Barangay Magallanes naman sa kabilang dako ay pang-apat na beses na sa pagkakaroon ng sisterhood–twinning. Ang pagkakaroon o pagpapanatili ng ganitong partnership ay nakadepende sa kasalukuyang nakaluklok na opisyal ng pamahalaang lokal.
Ang Barangay Magallanes ang napili bilang kanilang kaisa sa nasabing partnership dahil naniniwala si Maningas na mas maraming maibabahaging ideya at tulong para sa Barangay Mayondon. Dagdag pa rito, bilang mga kabahagi naman sa ‘partnership’ na ito, nilalayon ng Barangay Mayondon na suportahan din ang Barangay Magallanes sa mga programa at proyektong mayroon sila.
Bagaman ito ay hindi ‘mandatory’; ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG) Memorandum Circular No. 94-93 na inamyendahan ng Memorandum Circular No. 97-306, hinihakayat ang pagkakaroon ng ‘sisterhood–twinning’ sa mga lokal na gobyerno upang mas mapaunlad ang kani-kanilang nasasakupan.