ulat nina Carmela Rose De Castro at Bethania Marie Masangkay
Opisyal nang bawal ang pagbebenta ng alak ng mga bar na nasa residential areas ng Batong Malake mula Pebrero 29, 2020.
Ayon kay Punong Barangay Ian Kalaw, nasa proseso pa lamang at wala pang konkretong pangalan ang kautusang ito, na inisyatibo ng dating Punong Barangay ng Batong Malake at ngayo’y Punong Bayan na ng Los Baños na si Caesar Perez.
Sakop ng liquor ban ang Ismael Cadapan Store, Auntie Pearls, Tresto, 1975, Fat Yard, at Nicdao.
Maaari ring makasama ang LB Square sa listahang ito kung sakaling isasama sa balangkas ang 100 metrong layo ng isang lugar mula sa paaralan.
Ang pagiging residensyal at hindi komersyal ng mga lugar na kinatatayuan ng mga ito ang pangunahing dahilan sa pagpapatupad sa mandato.
Marami na ring mga reklamo ang natatanggap ng barangay patungkol sa ingay na nanggagaling sa mga bar na ito lalo na tuwing gabi.
“Nakakaawa rin ang mga bata dahil napupuyat at umaga na umuuwi kapag nag-iinom sila,” dagdag pa ni Brgy. Kagawad Kalaw.
Titiyakin naman ng pamunuan ng barangay ang pagsunod ng mga negosyong ito sa pamamagitan ng 24/7 na pagroronda ng mga tanod at mahigpit na pagbabantay sa mga ito simula alas-diyes ng gabi sa simula ng pagpatupad ng ordinansa.
Bagamat wala pang pinal na desisyon sa mga multang ihahatol sa mga susuway, ang paglabag sa kautusang ito ay may katumbas na pagbawi ng lisensya at pagpapatigil ng operasyon ng sinomang mahuhuli.
Sinisiguro rin ng pamunuang barangay na mababawasan ang binabayarang buwis ng mga maaapektuhan ng kautusang ito.