Ulat ni Keirth Manio
Marso 25, 2020 - Inanunsyo ni Punong Bayan Cesar Perez sa kanyang ulat sa bayan kaugnay sa coronavirus disease (COVID-19) ang pagpapatupad ng 24 oras na curfew sa Los Baños.
Ipinagutos na rin ng alkalde na paikliin ang oras ng pamamalengke sa pamilihang bayan mula alas-singko ng umaga hangang alas-dos ng hapon lamang. Kasabay din nito ang pamimigay ng home quarantine pass, na magagamit ng bawat pamilya sa bayan kapag gustong lumabas upang bumili ng mga pangunahing pangangailangan.
PANOORIN: Ulat sa Bayan ni Mayor Cesar Perez
Sa mga susunod na araw ay kakailanganing dalhin ang pass kapag pupunta sa mga pamilihan at ospital.
Ang mga naturang panukala ay alinsunod pa rin sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) na idineklara ng Malacañang sa buong Luzon upang mapigilan ang banta ng tuluyang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.
“Makisama, makiisa, sumunod, at wag matigas ang ulo,” ang pakiusap ng punong bayan sa mga mamamayan. Aniya, naka-alerto na ang 14 na mga pamahalaang barangay para sa mahigpit na pagbabantay. Nanawagan din ang Municipal Health Office (MHO) sa mga mamamayan na manatili lamang sa sariling mga tahanan.
Kasabay ng pagpapatupad ng ECQ ay ang pagbuo ng Inter-Agency Task Force sa Los Baños na binubuo ng iba’t ibang kawani ng lokal na pamahalaan upang tumugon sa mga suliraning bunga ng pandemya.
TIGIL-OPERASYON. Halos bakante at walang kalakalan sa Lopez Avenue, ang itinuturing na sentro ng komersyo sa Los Baños. (Kuha ni Zairon Reyes)
Hinanaing ng mamamayan
“Lalong mahirap ito para sa aming mga mahihirap at maliliit lang ang tahanan,” ani Erwin Tabor, isang construction worker mula sa Batong Malake. Dagdag pa niya ay kadalasan ay wala silang magagawa kundi lumabas dahil masisikip at dikit-dikit ang kanilang mga tahanan. Isa pang rason sa paglabas ang pansamantalang kawalan nila ng hanap-buhay.
Sa social media ay kapansin-pansin ang hinanaing ng mga mamamayan kung paano ang magiging sistema ng pamimigay ng home quarantine pass. Kasama rin dito ang mga reklamo na hindi umano lahat ay nabibigyan ng relief goods mula sa lokal na pamahalaan.
Mungkahi ni Shella Cobalida mula sa Malinta na magtakda ang lokal na pamahalaan ng araw at oras ng pamamalengke para sa bawat barangay. Ito umano ay upang maiwasan pagkakasabay-sabay ng mga tao sa mga pamilihan ng pagkain at gamot.
Matunog din ang kakulangan at kawalan ng suplay ng personal protective equipment (PPE) tulad ng sanitary alcohol at face masks para sa mga empleyado ng mga ospital at parmasya. Kabilang din sa mga hinanaing ang kawalan ng hanapbuhay ng mga namamasada ng jeep at tricycle.
Aminado naman ang punong bayan na mayroon pa ring kakulangan sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mamamayan. Sa kanyang ulat ay nangako siya na mas palalawakin ang pamimigay ng relief goods ngayong ECQ.
Lokal na solusyon
Sa Barangay Batong Malake, na itinuturing na sentro ng kalakalan sa bayan, ay mahigpit na ipinatutupad sa mga establisyemento ang paggamit ng thermal scanner, libreng sanitary alcohol, at pamamahagi ng face mask para sa mga mamimili.
Pinangunahan naman ng Bureau of Fire Protection Los Baños ang paglilinis ng Mayondon Sports Complex upang pansamantalang gawing pamilihan ng mga residente sa kanilang barangay.
Naglagay na rin ng foot bath na may disinfectant sa pamilihang bayan upang mapanatiling malinis ang pangunahing pinagkukunan ng suplay ng pagkain sa bayan.
Kasabay ng ECQ ay inilunsad din ng Office of the Municipal Agriculturist ang pamimigay ng mga buto ng mga gulay na maaaring itanim sa mga bakuran ng mga mamamayan upang pagkunan ng masustansyang pagkain.
Sinimulan na rin ng lokal na pamahalaan ang libreng sakay sa electronic tricycle (E-trike) sa buong bayan.
BANTAY KALSADA AT KALUSUGAN. Magdamag na nagpa-patrol ang mga Barangay Public Safety Officers (PBSO) ng Barangay Batong Malake. (Kuha ni Genesis Bandong)
Panawagan sa mamamayan
Pinahintulutan na rin umano ng Sangguniang Bayan ng Los Baños na magamit ang mga nakalaang pondo upang hindi mapabayaan ang lokal na ekonomiya.
Mensahe ng lokal na pamahalaan na mas mapapaigting pa sa mga susunod na araw ang mga panukala upang mapigilan ang paglaganap ng COVID-19 sa bayan.
Kasabay din ng panawagan para sa disiplina ay pakiusap sa mga establisyemento at indibidwal na may kakayahang tumulong sa kapwa.
Ipinahatid rin ng alkalde ang kanyang pasasalamat sa mga frontliners, opisyales, at mga pribadong organisasyon na tumutulong sa lokal na pamahalaan sa panahon ng krisis.
Kabilang dito ang International Rice Research Institute (IRRI) at TRACE College sa pagpapamahagi ng sanitary alcohol at mga relief goods.
COVID-19 sa Los Baños
Sa kanyang pangalawang ulat sa bayan ay kinumpirma ng alkalde na COVID-19 ang ikinamatay ng isang pasyente mula sa bayan noong ika-21 ng Marso. Nasa 42 na ang ang Person Under Investigation (PUI) at umaabot sa 273 ang Person Under Monitoring (PUM).
Datos ng COVID-19 sa Laguna
Sa huling datos na inilabas ng tanggapan ng Gobernador ng Laguna ngayong ika-25 ng Marso, mayroon nang 11 na kumpirmadong kaso ng COVD-19 sa buong lalawigan, isa mula sa lungsod ng Calamba, anim mula sa lungsod ng Santa Rosa, isa sa Cabuyao, at isa sa Biñan. Samantala, nasa 506 ang itinuturing na Person Under Investigation (PUI), at umaabot sa 6,716 Person Under Monitoring (PUM).
Ang PUI ay mga taong nagmula sa mga lugar na mayroong kumpirmadong kaso, may direktang interaksyon sa mga pasyente ng COVID-19, at nagpapamalas ng sintomas tulad ng ubo, lagnat, at pagsikip ng dibdib.
Ang mga PUM naman ay ang mga indibidwal na walang sintomas ngunit may interaksyon sa mga pasyente ng COVID-19. Sila ay inaatasang mag self-quarantine sa kanilang mga tahanan sa loob ng 14 araw.
Para sa mga mungkahi at suliraning bunga ng pandemya ng COVID-19, maaaring sumangguni sa Municipal Action Center sa 530-2564.