Kinumpirma kanina ng Tanggapang Pangkalusugan ang pagkakaroon ng ika-5 na kaso ng coronavirus-19 (COVID-19) sa bayan ng Los Baños. Naka-quarantine ang pasyente at nasa maayos na kalusugan. Nakapagsagawa na rin ng contact tracing at quarantine sa kanyang mga nakasalamuha, batay sa Facebook post ng Tanggapan kanina.
Paglilinaw ng Tanggapan, ang pasyente ay nakatira sa Brgy. Maahas, hindi sa Brgy. Tuntungin-Putho tulad ng naunang naiulat. Gayunman, ang pasyente ay hindi raw bumalik sa kanyang tinitirahan o lumabas sa komunidad matapos nitong makasalamuha ang isang PUI na naging kompirmadong kaso, ayon sa post.
Samantala, binigyang puri din ng Tanggapang Pangkalusugan si Irene Lapitan Bautista, isang Brgy. Midwife ng Tuntungin-Putho. Ayon sa Tanggapan, “good practice” ang ginawa ni Bautista na pag-iipon ng orders ng mga nangangailangan ng gamot sa kanilang barangay upang isang tao nalang ang lalabas para bumili sa botika.
May ilan ding magtitinda ng mga lutong pagkain, sariwang isda, manok, bigas, prutas at gulay ang tumatanggap ng online orders at dine-deliver ang mga ito sa kanilang mga customer sa Los Banos, para na rin makatulong na malimitahan ang paglabas ng mga tao.
Patuloy ang panawagan ng pamahalaang bayan na manatili ang mga mamamayan sa kani-kanilang mga tahanan upang maiwasan ang pagkalat ng sakit. Para sa mga mungkahi at katanungan ukol sa pandemya ng COVID-19, maaaring sumangguni sa Municipal Action Center sa 530-2564.