Pitong bagong kaso ng COVID-19 ang naitala sa bayan ng Los Baños sa nakaraang limang araw, ayon sa mga Facebook post ng pamahalaang bayan.
Batay sa opisyal na talaan ng Municipal Government of Los Baños, nagkaroon na ng 13 na kumpirmadong kaso ng coronavirus magmula nang maitala ang unang kaso noong March 25 sa Brgy. Batong Malake. Isang pasyente na ang gumaling at dalawa ang pumanaw, habang may 52 suspected cases at sampung naghihintay ng resulta ng test. Brgy. Batong Malake ang may pinakamalaking bilang ng suspected cases (13), habang walang suspected cases (0) ang Brgy. Bagong Silang, Brgy. Baybayin, at Brgy. Tadlac. Ang pinakahuling talaan ay alinsunod sa bagong klasipikasyon ng COVID-19 patients, na pinalawig ng Department of Health noong Abril 11.
Anim sa pitong bagong kaso ang kasalukuyang naka-quarantine, habang ang isang pasyente, isang 34-taong gulang na lalaki na may congenital heart disease, ay pumanaw noong Abril 8, ayon sa Facebook post ng pamahalaang bayan. Nakumpirmang positibo ang pasyente noong Abril 11. Nakapagsagawa na umano ng contact tracing sa lahat ng mga bagong kaso, ayon sa munisipyo.
Samantala, kinumpirma rin ng munisipyo ang recovery o paggaling ng ikaapat na pasyente, na nagmula sa Brgy. Anos at nagpositibo noong Abril 1 , bagamat hindi ito nagkaroon ng sintomas. Ayon sa Facbook post ng munisipyo, nakakuha na ng negatibong resulta sa COVID-19 test ang pasyente, ngunit nangangailangan pa ito ng kargdagang pagsusuri.
Batay sa ulat ni Los Baños Mayor Caesar P. Perez noong Linggo, pito sa mga kumpirmadong kaso ng coronavirus sa Los Banos ay mga health workers, kung saan dalawa ay doctor, apat ay nurse, at isa ay medical technician. Ayon kay Perez, ito ay dahil may isang pasyente na hindi agad nagsabi na siya ay may nakasalamuhang dayuhan. Kalaunan, ang pasyente ay nakumpirma umanong positibo sa COVID-19. “Kaya marami siyang mga doktor at nurses na naapektuhan,” paliwanag ni Perez.
Mga tugon ng lokal na pamahalaan sa COVID-19
Ayon sa ulat ni Perez, nagpasa ng ordinansa ang Sangguniang Bayan upang ipagbawal ang pagdura sa mga pampublikong lugar. Magpapasa rin umano ng ordinansa tungkol sa agarang pagpapalibing, kung saan ang mga PUI o suspected cases ay kailangang mailibing sa loob ng 12 oras, habang ang mga pumanaw dahil sa aksidente o hindi COVID patient, ay kailangang mailibing sa loob ng 24 oras. “Kung ang kultura natin ay nilalamayan natin ang ating mga namatay, ipagpaumanhin niyo po sa pagkakataong ito, dahil iniiwasan po na magkameron ng pagsasama-sama ang mga tao na nakikipaglamay,” sabi ni Perez. Hinikayat din ni Perez ang mga tao na sunugin ang mga nagamit nilang mask at tissue, upang hindi ito makahawa sa mga naghahakot ng basura.
Samantala, iniulat ni Perez na nakapamigay na ang lokal na pamahalaan ng 34,000 bags ng relief goods sa mga residente ng 14 barangay ng Los Baños. Sa susunod na pamamahagi ng relief goods, magbibigay na rin umano ng mga color-coded na food stubs, na kakailanganin upang makatanggap ng food pack ang isang pamilya. “Gagamit po (nito) para maiwasan na yung doble doble, (habang) yung iba ay wala,” sabi ni Perez.
Nagbabala si Perez na ang mga hindi sumusunod sa mga patakaran ng ECQ ay hindi makakatanggap ng relief goods. “Atin pong sasabihin sa ating mga punong-barangay na lahat ng mga pasaway sa kanya kanyang barangay, lalo’t higit ang naglalasing, ilista at huwag bibigyan ng anumang tulong. Ibig sabihin, may pera kang pambili ng pagkain, kasi pambili ng alak bili ka ng bili, at hindi natin bibigyan ng tulong ito,” ani Perez.
Bukod sa relief goods, magbibigay rin umano ng P5,000 na na tulong sa 52 rice farmers sa munisipyo, ayon kay Perez.
Tungkol naman sa pamimigay ng tulong mula sa Social Amelioration Program, iniulat ni Perez na may 16,547 na residente ng Los Baños na makakatanggap nito. Ayon sa Memorandum Circular 4 s. 2020 ng DSWD, magbibigay ng emergency subsidy na nagkakahalaga ng P6,500 para sa mga mahihirap na pamilya sa CALABARZON, na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa ECQ. Ayon kay Perez, hindi kasama sa mga makakatanggap ng subsidy na ito ang mga myembro ng 4Ps at mga Senior citizens na tumatanggap na ng Social Pension.
Sa dulo ng kanyang ulat, nagpasalamat si Perez sa mga nagbigay ng donasyon, at hinikayat ang mga may kaya na magbigay rin ng kahit kaunting tulong sa kanilang mga kalapit-bahay. “Huwag kayong magkait ng tulong sa ating kapwa dahil hindi natin kayang dalhin sa kabilang buhay ang ating itinatago o ipinagkakait sa ating kapwa,” himok niya.