Pagsusulong sa karapatang pangkababaihan sa bayan ng Los Baños, tuloy sa kabila ng pandemya

[MGLB PRESS RELEASE NO. 2021-08]

ulat mula sa Public Information Office (PIO) Los Baños

Nahaharap man sa pandemyang dulot ng Coronavirus Disease (COVID-19), tuloy pa rin ang pamahalaang lokal ng bayan na ito sa pagsusulong sa pantay na karapatan ng mga kababaihan kasabay ng pagdiriwang ng buwan ng mga kababaihan ngayong Marso 2021.

Sa pangunguna ni Mayor “Kuya Tony” Kalaw, opisyal na inumpisahan ang selebrasyon ng National Women’s Month sa bayan ng Los Banos katuwang ang mga kawani ng Gender and Development Office (GAD) na pinamumunuan ni GAD Officer Karen Lagat-Mercado sa ginanap na flag raising ceremony sa Munisipyo ng Los Baños noong Marso 1, 2021.

“Taun-taon ang buwan ng Marso ay ipinagdiriwang ang National Women’s Month bilang pagkilala sa mga makabuluhang kontribusyon ng mga kababaihan sa kaunlaran ng ating bansa,” pahayag ni Mayor Kuya Tony.

Marami mang mga aktibidad na noon ay karaniwang isinasagawa tuwing Women’s Month ang hindi na magawa ngayon dahil sa pandemya bilang pag-iingat sa mga mamamayan ay nakabuo pa rin ng mga programa at aktibidad ang LB GAD office upang maipagpatuloy pa rin ang pagpapaigting ng adbokasiya para sa mga kababaihan.

Sa temang “Juana laban sa pandemya, kaya!” ngayong taon, may mga inihandang new normal na aktibidad ang opisina ng GAD kung saan masisiguro pa ring hindi nakokompromiso ang patuloy na paglaban sa COVID-19.

Isa na rito ang programang Online Advocacy Campaign for A Cause ng pamahalaang bayan na tinatawag ring #IJuanaHelp. Bagaman dahil sa pandemya ay hindi na maisagawa ang dating Walk for A Cause na layong makapangalap ng pondo na direktang pantulong sa mga kababaihan na may karamdamang reproductive-related kagaya ng breast cancer at cervical cancer, ngayon ay gagamitin naman ng pamahalaang bayan ang online platform upang patuloy pa ring makapag-ipon ng pondo para sa parehong adhikain.

Sinabi ni Mayor Kalaw na sa naturang kampanya ay “hinihikayat ang bawat isa sa patuloy na pagbibigay ng tulong sa mga kababaihan nating kababayan na patuloy na lumalaban sa kanilang karamdaman tulad ng breast cancer, cervical cancer at iba pa.”

Sa parehong okasyon ay pinangunahan ni GAD Officer Mercado ang paglulunsad ng Purple Monday at nagpaanyaya siya na makiisa ang lahat sa mga programa ngayong buwan.

Mayroong exhibit na may kaugnayan sa mga kababaihang may natatanging kontribusyon sa bayan ng Los Baños. May nakatakda ring Virtual Buntis Congress na gagabay sa mga ina sa kanilang pangangalaga sa sarili at sanggol sa kanilang sinapupunan habang nagbubuntis. May mga isasagawa ring mga seminar at pagsasanay na may kaugnayan sa pangangalaga at pagprotekta sa mga kababaihan.

Patuloy ang pagpapalakas ng pamahalaang bayan sa adbokasiyang itaguyod ang pagkakapantay-pantay ng mga kasarian at pagsisiguro na ang karapatan ng mga kababaihan ay napangangalagaan sa kabila ng pandemya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.