Ulat nina Angeli Marcon at Andrea Tomas
Dahil sa dumaraming bilang ng mga repatriated o mga nagbalik-bayan na Overseas Filipino Workers (OFWs) dahil sa pandemya, inilunsad ng pamahalaan ang “Agri-Negosyo Para sa OFWs” noong ika-16 ng Marso.
Ayon sa datos, 569 462 repatriated OFWs ang umuwi sa kani-kanilang pamilya sa iba’t ibang lalawigan kabilang na ang Laguna. Layunin ng “Agri-Negosyo Para sa OFWs” na maging one-stop shop ng impormasyon para sa mga OFWs na nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya. Sa pamamagitan nito, magagabayan ang mga OFWs sa mga programa, proyekto, at serbisyo ng mga ahensya ng gobyerno patungkol sa agrikultura at agribusiness.
Ang Regional Rollout ng “Agri-Negosyo Para sa OFWs” sa CALABARZON ay inaasahang magaganap sa ika-5 ng Abril.
Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, “[Binuo ang programa upang] matugunan ang agarang pangangailangan ng ating mga bumalik na kababayan na magkaroon kaagad ng mapagkakakitaan.”
Dagdag pa rito, nakikita rin ni Lopez ang potensyal ng mamuhunan sa sektor pang-agrikultura ngayong panahon ng pandemya upang makatulong sa pagkamit ng food security, makapagprodyus ng masustansya at abot-kayang pagkain. Gayundin ang makapagbigay ng trabaho sa mga mamamayan.
Bukod sa presentasyon ng mga proyekto at serbisyo ng pamahalaan para sa mga OFWs, inisa-isa rin sa online launching ang mga hakbang sa pagsisimula at pagpapatakbo ng isang agribusiness. Ibinahagi rin ang ilang kaalaman sa food processing, mga teknolohiya, at financing programs na pwedeng magamit ng mga OFWs sa kanilang itatayong negosyo.
Itinuro din sa mga kalahok ang mga paraan at platforms na maaari nilang puntahan sa pag-advertise ng kanilang magiging produkto. Isa na rito ang “Go Lokal!” na isang market access program para sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs).
We enjoin everyone to act, heal, and rise as one through Agri-Negosyo Para sa OFWs at Agri-Negosyo Para sa Pilipino,” ani DA Usec. Cheryl Marie Natividad-Caballero.
Ang “Agri-Negosyo Para sa OFWs” ay pinangunahan ng Sub Task Group on Agribusiness (STGA). Ito ay binubuo ng Cooperative Development Authority (CDA), Department of Agriculture (DA), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Science and Technology (DOST), Department of Trade and Industry (DTI), National Economic Development Authority (NEDA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Mapapanood ang online launching ng programa sa Launch of the Agri-Negosyo Para sa OFWs.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang Facebook page ng DTI o ang kanilang website https://www.dti.gov.ph. Maaari ring i-download ang Agribusiness Portfolio para sa komprehensibong listahan ng mga programa at proyekto ng pamahalaan sa agrikultura at agribusiness.