Unang on-site vaccination sa UHS, isasagawa para sa HCWs at CMDL staff

Ulat ni Carmela Isabelle P. Disilio

LIGTAS SA PANDEMYA. Isang UHS health worker ang tumanggap ng bakuna kontra COVID-19 sa UP Philippine General Hospital (PGH) noong Marso 18, 2021. Health workers ang unang priority group na makakatanggap ng bakuna laban sa virus. (Screenshot mula sa UHS Facebook Page)

Inilulunsad ng University Health Service (UHS) ang unang on-site vaccination para sa kanilang healthcare workers (HCWs) at mga tauhan ng COVID-19 Molecular Diagnostics Laboratory (CMDL) ngayong Marso 25, 2021 sa Los Baños, Laguna.

AstraZeneca vaccine ang pangangasiwaang bakuna ng UHS. Ito rin ang bakunang natanggap ng naunang grupo ng vaccinees ng UHS sa isinagawang vaccination sa UP Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila mula Marso 17 hanggang 19. 

Ayon sa mga pag-aaral, nagbibigay ng 76% na proteksyon ang unang dosis ng AstraZeneca, at 82% naman sa pangalawa. May tinatayang tatlong buwang pagitan ang pagkuha ng isang dosis ng nasabing bakuna. 

Bukod sa UHS, nagsagawa na rin ng pagbabakuna ang lokal na pamahalaan ng Los Baños para sa frontliners ng Healthserv Los Baños Medical Center at Los Baños Doctor’s Hospital and Medical Center, Inc. noong Marso 19.

RESBAKUNA. Dinaluhan ng HCWs ng Los Baños Doctor’s Hospital and Medical Center ang ikalawang araw ng COVID-19 vaccination activity sa Los Baños. (Larawan mula sa Tanggapang Pangkalusugan Facebook Page)

Hinihikayat ni Dr. Jessie Walde, medical director ng UHS, ang mga nasasakupan ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB) at ang publiko na maging kasangga sa pagpapalaganap ng wasto at siyentipikong impormasyon tungkol sa virus. Iminungkahi rin niya ang pakikilahok sa pagbabakuna kapag binuksan na ito sa publiko.

“Read on science. Spreading false information is a disservice to humanity. Don’t be afraid. Matakot tayo kung wala tayong panlaban. It’s a shot of hope. It’s a race to save humanity. It’s a race to protect your family. When there’s vaccine, grab the opportunity to be vaccinated,” ani Dr. Walde.

Tinutulungan ng bakuna ang katawan na gumawa ng mga antibodies laban sa COVID-19 virus. Isa ito sa mga pinakamainam na paraan upang mabawasan ang banta ng pagkahawa, at tuluyang maibsan ang mga kaso ng COVID-19.

Sa kasalukuyan, mayroong 107 na aktibong kaso ng COVID-19 sa munisipalidad, at 695 naman ang recovered cases. Nagsimula na ring manghikayat ang lokal na pamahalaan sa mga residenteng may edad 17 pataas na magparehistro sa COVID-19 vaccination form.

May Pag-asa sa Bakuna

Tinaguriang “A shot of hope” ang gagawing vaccination sa UHS. Ayon kay Dr. Walde na pinuno rin ng UP Los Baños COVID-19 Prevention and Mitigation Team, isang malaking pag-unlad ang pagdating ng mga bakuna sa bansa, at ang unang vaccination ng mga frontliners

Sa dalawang vlogs na inilathala ng Facebook page ng UHS, ibinahagi ni Dr. Walde ang kanyang karanasan habang, at matapos mabakunahan sa UP PGH. Aniya, nais niya itong magsilbing paalala sa publiko ng kaligtasan at kahalagahan ng pagpapabakuna. 

PROTEKSYON AT IMPORMASYON. Ibinahagi ni Dr. Walde na dapat magsiwalat ng tamang impormasyon tungkol sa bakuna upang hindi matakot at mas mahikayat pa ang publiko sa benepisyo at proteksyong hatid nito. (Screenshot mula sa video ng UHS Facebook Page)

“Do not believe on the unfounded stories na nanginig, na-deform dahil nagpabakuna. I, myself went through the vaccine and chronicled what I went through. I prepared myself. I prayed that the Lord will bless the vaccine for all healthcare workers. And I want us, the University Health, to be a role model to others,” pahayag ni Dr. Walde sa isang interbyu.

Paghahanda para sa on-site vaccination

Bilang paghahanda para sa on-site vaccination, nagsagawa ng serye ng orientation seminars at simulation activities ang UHS. Itinampok sa mga aktibidad na ito ang mga esensyal na impormasyon tungkol sa bakuna, at ang pagpapadaloy ng pagbabakuna sa hospital.

Para sa iba pang impormasyon at health-related concerns, tumawag sa numerong  (049) 536-3247 o sa 536-2470. Maaari ring mag-mensahe sa Facebook page ng UHS.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.