Ulat ni Alyanna Marie B. Lozada
Kasabay ng kampanya laban sa pandemya, magsasagawa ang Los Baños Science Community Foundation, Inc. (LBSCFI) ng libreng webinar na pinamagatang “Addressing the COVID-19 Infodemic: Straight from the Experts” sa ika-30 ng Marso 2021 sa ganap na alas-9 ng umaga. Kasama sa mga tatalakayin ng mga eksperto ang isyu tungkol sa mga bakuna laban sa COVID-19, pati na rin ang kasalukuyang estado at mga plano ng munisipalidad ng Los Baños, Laguna laban sa patuloy na banta ng pandemya.
Ang dalawang ekspertong makakasama sa webinar ay sina Dr. Maria Rosario S. Vergeire, kasalukuyang OIC-Undersecretary for the Public Health Services Team at official DOH spokesperson, at Hon. Mark Lester B. Dizon, konsehal ng munisipalidad ng Los Baños at chairperson ng Committee on Health.
Batay sa proposal ng LBSC-Information Committee na pinamumunuan ni Ms. Marites Carlos, ang kampanyang kinabibilangan ng webinar ay naglalayong masupil ang “infodemic”, o ang kalabisan na mga impormasyon at mabilis na pagkalat ng mga maling balita o fake news, litrato, at bidyo lalo na sa gitna ng pandemya. Kabilang rin sa mga layunin ng kampanya ayon sa komite ay ang mga sumusunod:
- Lumikha ng kamalayan sa mga residente ng Los Baños tungkol sa kasalukuyang estado ng COVID-19 sa munisipalidad sa konteksto ng parehong global at nasyonal;
- Mabigyang-kaliwanagan ang mga tao sa mga programa ng gobyerno sa pagsupil sa pandemya gamit ang pagbabakuna; at
- Mabigyan ng oportunidad ang mga tao na masuri ang mga bakuna at magkaroon ng pansariling desisyon ukol dito.
Ang LBSCFI ay isa sa apat na pang-syensyang komunidad na itinatag ng Philippines Department of Science and Technology batay sa Presidential Executive Order No. 784 in 1984. Ang konsepto ng pang-syensyang komunidad ay naglalayong mapagyaman ang diwa ng pamamahagi ng mga resources at expertise na umiikot sa mga ahensya ng pananaliksik sa Los Baños, Laguna.
Ang gaganaping webinar ay libre para sa lahat. Para sa mga interesadong sumali at makiisa sa webinar, maaaring mag-register gamit ang link na ito: LBSC Webinar Forms. Bukod dito, ang webinar ay mapapanood rin sa kanilang Facebook page.
Para naman sa mga karagdagang impormasyon tungkol sa event at organisasyon, bisitahin lamang ang kanilang official webpage at FB page.
Maaari ring makipag-ugnayan sa kanila gamit ang mga sumusunod na contact details: +63523-8440 ([email protected]).