Hindi maikakaila ang hirap na epekto ng pandemya sa mga frontliners ng Los Baños. Kasama rito ang mga delivery drivers na araw-araw sinusuong ang panganib ng pagkakaroon ng sakit dulot ng COVID-19.
Matapos ang mahigit isang taong pagkaka-lockdown ng probinsya ng Laguna, tila walang pagbabago sa kalagayan ng mga delivery drivers na nagbibigay-serbisyo sa mga mamamayan ng Los Baños. Sa kabila ng malaking pangangailangan ng mga residente sa pagpapa-deliver ng pagkain at iba pang bagay ay higit pa rin ang negatibong epekto ng krisis sa mga delivery drivers.
Ayon kay Ajie Linga, dalawang taon nang delivery driver mula sa Elbi Dispatch Errands and Motorcycle Delivery Services, dahil sa pagbabawas ng operating hours sa mga ipinapatupad na community quarantine, malaki ang nababawas nito sa araw-araw nilang kinikita. Aminado si Ajie na dahil nga sa ganitong patakaran na naglilimita sa kanilang uri ng trabaho ay nagkukulang ang kanilang budget para sa sarili at sa kani-kanilang pamilya.
Dagdag naman ni Ariel Reyes, manager at isa sa mga delivery drivers ng A&L Express Delivery, lubos din ang takot ng mga residente na mahawa ng sakit mula sa drivers kaya naman doble-ingat ang mga ito pagdating sa mga delivery items na ipinapadala sa kanila. Kadalasan umano’y sa pag-aalalang may dala silang sakit, pinapaiwan na lang sa labas ng bahay ang item at naroon na rin ang pera na pambayad para rito. Ito na ang naging sistema ng ilan sa mga customer nila Ariel.
Naniniwala naman sila Ajie at Ariel na talagang pag-iingat lang ang una nilang panlaban sa COVID-19 dahil na rin sa uri ng trabaho na mayroon sila. Ani pa ni Ajie, “Palagi naman kaming nag-aadjust, sumunod ka lang sa safety protocols ng bawat store. The rest naman ay parang normal na, kasi paglabas sa store, normal na ang galaw mo. Ganoon din sa drop off.”
Samantala, nabanggit naman ng manager ng Elbi Papa na si Daniel Harvy Dueñas ang isa pang ikinababahala ng mga drivers katulad nila Ajie at Ariel. Ito ay ang mga nauusong prank na fake buying kung saan umo-order ang isang customer ng maraming bilihin pero hindi ito tatanggapin o ica-cancel ito kapag nabili na. Hindi pa man nararanasan ito nila Daniel ay malaking isipin ito sa kanila lalo’t kailangan nilang mag-ingat sa pera ngayong panahon dahil sa kagipitan.
“’Yung mga orders kasi pwedeng i-cancel, kaso minsan na-order na ito ng driver. May mga clients na natatagalan kaya gusto nila mag-cancel, kaso kung ganoon, masasayang yung binili ng rider. Yun lang naman, pero thankfully nagagawan naman natin ng paraan,” ayon kay Daniel.
Sa kasalukuyan, nasa lampas 10 na ang mga delivery services na bukas sa Los Baños at lalo pang dumarami ito kasabay ng pagdami ng mga residenteng nangangailangan ng ganitong klase ng serbisyo.
Sa kabila ng lahat, ang tanging hinahangad ng mga frontliners tulad nila Ajie, Ariel, at Daniel ay maisaayos ang plano sa pagsugpo sa pandemya at maging maayos na ang sitwasyon para sa ikabubuti ng lahat. – CMV