Ulat ni Junius Tolentino
Hindi madali ang pagpapatakbo ng isang supply chain. Ang produkto na nais ibenta nang maramihan ay mangangailangan ng maraming sasakyan upang madala ito sa isang warehouse kung saan ang mga ito ay sasailalim sa inspeksyon, pag-iimpake, at pagpapanatili ng pagka-sariwa. Pagkatapos nito, kailangang maghanap ng mga palengke o pamilihan kung saan may bibili ng mga produktong ito. Ngunit para makarating ang mga ito sa mga pamilihan ay kailangan muna itong i-byahe mula sa lugar kung saan ito nanggaling. Kaya naman, mahalaga ang pagkakaroon ng sasakyang magagamit sa pagta-transport ng mga produkto. Pagdating ng mga produkto sa pamilihan, sasailalim ulit ito sa inspeksyon at tsaka lamang ito pwedeng mabili ng mga konsyumer.
Ang ‘Kadiwa on Wheels’ ay isang proyekto ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR na naglalayong ihatid ang palengke sa mga komunidad. Nagsimula ang proyektong ito noong 2020—ito rin ang panahon kung saan tayo ay humarap sa maraming pagsubok na dala ng pandemya katulad na lamang ng kawalan ng trabaho o hanap-buhay. Isa sa mga barangay na naaabot ng proyektong ito ay ang Barangay Tuntungin-Putho sa Los Baños, Laguna.
Hindi maganda sa kalusugan ng mga mamamayan ang sobrang dami ng tao sa iisang lugar sa gitna ng pandemya. Isa sa mga lugar na ito ang mga palengke at mga supermarket. Ngunit kailangan ng mga tao ang sariwang pagkain upang mapanatili ang kanilang kalusugan, kaya lumalabas ang mga tao kahit may panganib ng pagkahawa. Sa dami ng tao at sikip ng lugar, hindi lahat ng mamimili ay kayang lumayo sa isa’t-isa o mag-social distancing, isa sa mga sanhi kung bakit patuloy na tumataas ang kaso ng impeksyon.
Ang ‘Kadiwa on Wheels’ ay ginaganap sa bukas na paligid. Bukod dito, sinisiguro ng mga nakabantay na opisyal ng barangay na ang mga mamimili ay nagsusuot ng wastong PPE o Personal Protective Equipment tulad ng face mask at face shield.
Ngayong mahirap din ang paghahanap ng masasakyan dahil na rin sa mga limitasyong dala ng community quarantine, hindi na kailangan bumyahe ng mga mamamayan upang makabili ng ilan sa kanilang mga pangangailangan.
“Convenient siya kasi malapit lang yung bilihan at mukhang fresh naman mga tindang isda”, ayon kay Vea Parducho, isang mamimili sa ‘Kadiwa on Wheels’. “Magkapareho lang ang kalidad ng isda sa ‘Kadiwa on Wheels’ at sa palengke.”
Isa pang benepisyo ng proyektong ito ay ang sistemang Bring Your Own Bag (BYOB). Ibig sabihin, ang mga mamimili ay kinakailangan magdala ng sarili nilang lalagyan ng pinamili. Ayon kay Barangay Chairman Ronald Oñate, ito ay para mabawasan ang hinahakot na basura ng barangay.
Dagdag pa niya, ‘maganda’ naman ang resulta ng proyektong ito sa pagbalik sa mga nawalang kabuhayan tulad ng paggawa ng flower beads, at eco-bags. Bukod pa doon, may darating na fish processing na livelihood project upang madagdagan ang mga kabuhayan.
Ang mga produkto ng ‘Kadiwa on Wheels’ ay nanggagaling sa Talisay, isang baybayin ng lawang Taal sa Batangas. Dahil direkta ang pagpapadala ng isda patungo sa mamimili, mas mura ang mga produktong ito kapag ikinumpara sa mga ibang pamilihan. “Sina Ate Bibe (at) Ate Hilda ata nakabli na doon..malaki ang binaba ng presyo kumpara sa palengke at ibang tindahan daw”, ayon kay Fe Bueza Navarro, noong tinanong sa lagay ng presyo.
Minsan, nagbebenta rin ang ‘Kadiwa on Wheels’ ng mga isdang-alat, at ang mga ito ay namumula naman sa Real, Quezon ayon kay Chairman Oñate.
Nakakarating at binebenta ang mga isda sa Laguna tuwing Biyernes ng tanghali. Ang bilihan ng isda ay nakatayo sa tabi ng bagong opisina ng Barangay Tungtungin Putho.
Sa pamumuno ng Provincial Fishery Office ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 4A o BFAR4A, ang Tungtungin-Putho Women’s Brigade ang namamahala sa transaksyon at accounting ng mga produkto. Upang matulungan ang Tungtungin-Putho Women’s Brigade, namigay ang BFAR4A ng limang (5) fish container para tumagal ang pagkasariwa ng mga tindang isda, at limang (5) fish cladding upang maipresenta ng maayos ang mga tindang isda.
Kabilang sa mga miyembro ng Women’s Brigade na kasama sa proyekto ay sina Dominga B. Mamiit, ang leader ng ‘Bags for Life’, isang proyekto na naghahangad na gawing zero-waste ang Tungtungin-Putho, sina Estelita Jacobo, Malou Lescano, Malou Lopez, Helen Grace Millorada, Imelda Recepida, at si Mayleen Rubio.
Ang Women’s Brigade ang namahala sa pagbebenta dahil huminto ang produksyon ng ‘Bags for Life’. “Kaming grupo ng ‘Bags for Life’ ang unang nagtinda…para tuloy-tuloy ang kita ng Women’s Brigade”, sabi ni Mamiit.
Sa isang araw ng pagbebenta, ang bawat miyembro ay kumikita ng 250 pesos.
“Sa totoo lang po, wala pong pondo ang Women’s Brigade. Hindi na po active ang mga kababaihan dito. Ang active po ngayon ay Kadiwa. Siyam na lang po kaming nagtutulong-tulong.”, pahayag ni Mamiit.
Sa pagsusulat ng artikulong ito, nagbebenta ang ‘Kadiwa on Wheels’ ng mga bangus at tilapia. Ang bangus ay umaabot ng 170 hanggang 180 pesos kada kilo, at ang tilapia naman ay umaabot ng 120 hanggang 130 pesos sa isang kilo.