Ulat ni: Alie Peter Neil Galeon
Bagaman nananatiling sapat ang suplay ng employment opportunities sa Los Baños, nilinaw ng Public Employment Service Office (PESO-LB) na nakatakdang dumoble ang bilang ng mga residenteng walang trabaho kasabay ng patuloy na pagtaas ng job mismatch sa bayan ngayong taon.
Sa isang panayam nitong Biyernes, Abril 16, kinumpirma ni Data Controller III Erick Paolo Dizon na wala pang eksaktong datos na natatanggap ang PESO mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) subalit inaasahan nang dadami ang mga nawalan ng hanapbuhay mahigit isang taon mula nang tumama ang pandemya. Sa kabila nito, kampante pa rin ang ahensyang matutugunan nila ang pangangailangan ng mga residenteng naghahanap ng trabaho dahil araw-araw ay may ginagawang recruitment activities sa Training Center nito sa likod ng Munisipyo.
Ang problema ngayon, dagdag pa ni Dizon, ay ang hindi bumababang bilang ng job mismatch sa Los Baños. Ang job mismatch, o ang kalagayan kung saan hindi nagtutugma ang kakayahan o pinag-aralan ng tao sa kanyang trabaho, ay saklaw ng tinatawag na underemployment.
Nito lamang Marso, itinala ng Philippine Statistics Authority na umabot na sa 4.2 milyong Pilipino (8.8%) ang walang trabaho at 7.9 milyong katao (18.2%) naman ang may trabaho ngunit naghahanap pa ng karagdagang pagkakakitaan. Ang datos na ito ay mula sa isang sarbey na isinagawa noong Pebrero.
Sa ulat na inilabas ng Rappler, ang paglobo ng underemployment rate ay ay nangangahulugang mas maraming Pilipino ang nahihirapang matugunan ang tumataas na presyo ng mga bilihin.
‘In demand’
Bilang tugon sa limitadong face-to-face transactions na ipinatupad ng gobyerno ay inilunsad ng PESO ang kanilang Online Services noong Nobyembre. Layon ng ahensya na mapabilis ang pagproseso at pagkuha ng mga impormasyon para sa mga naghahanap ng trabaho, nagnanais sumailalim sa skills training, at mga employer na gustong mag-apply para sa accreditation sa PESO.
Ayon kay Dizon, ang pinakamalaking demand na trabaho para sa mga taga Los Baños ay production operators o factory workers. Ito ay mga trabahong may kinalaman sa manufacturing ng mga inumin, gadgets, at marami pang iba. Ang kadalasang place of deployment ng ilang production operators ay sa mga karatig-bayan ng Calamba.
“Dito papasok ang job mismatch. Kahit sabihin kasi ng DOLE na wala dapat age limit sa trabaho, considering yung need sa job, hindi na sila [employers] masyado kumukuha ng lampas 40 dahil mostly labor-dependent ang trabaho. Pero sa amin, sinasabi namin sa mga clients na basta willing at kaya magtrabaho, go lang,” pahayag ni Dizon.
‘Skills training, SPES’
Nang magsimula ang COVID-19 pandemic ay nagsagawa ang PESO ng face mask production bilang bahagi ng kanilang dressmaking skills training. Isinailalim sa training ang 30 na mananahi kung saan nakapag-produce ng higit 90,000 face masks na ipinamahagi sa mga “silent” frontliners tulad ng mga draybers, garbage collectors, guwardya, at iba pa. Sa ngayon, balik planning stage ang PESO at inaming kinakailangan nila ng malaking pera para sa mga materyales at sweldo ng mga mananahi bago maipagpatuloy ang nasimulang aktibidad.
Ipinaalam din ni Dizon na ngayong darating na summer ay ipapatupad muli ng ahensya ang Special Program for Employment of Students (SPES). Ang SPES ay programa para sa mga poor and deserving students edad 15-30 taong gulang na may gradong hindi bababa sa 2.75 para sa kolehiyo at 80 naman para sa high school. Layon ng programa na mabigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral at out-of-school youths na kumita ng sariling pera at maranasan kung papaano magtrabaho sa isang tunay na working environment. Ayon kay Dizon, may 135 slots na nakalaan para sa SPES kung saan ang 95 dito ay papasok sa munisipyo at makakatanggap ng sweldo habang ang natitirang 40 katao ay mabibigyan ng in-kind negosyo package.
Para sa karagdagang impormasyon ukol sa mga employment-related topics, payo ni Dizon na ugaliing bisitahin ang opisyal Facebook page ng PESO. Maaari ring tumawag sa (049) 536-5976 o mag-email sa [email protected].