Ulat ni: Danessa Lorenz M. Lopega
Mahigit isang taon na ngunit tila nananatiling isang hiling pa rin ang mga panawagan ng maraming manggagawang Pilipinong higit na naapektuhan ng pandemya. Ang seguridad sa kanilang trabaho, kaligtasan mula sa COVID-19, at access sa mga pangunahing pangangailangan ay ilan lang sa mga isyung patuloy na kinakaharap ng mga Lagunenseng bumubuo sa kalakhang workforce ng lalawigan.
“Mas malakas ang kalam ng sikmura kaysa sa kalam ng COVID-19 para sa mga tao at kung magtatagal pa ang pandemyang ito, lahat tayo ay mas mahihirapan lang din.”
Ito ang daing ni Cristine de Guito, dalawampu’t isang taong gulang na nagtatrabaho bilang kontraktwal na factory worker sa isang kumpanyang nag-aassemble ng mga electronics sa rehiyon.
Tubong Mindoro si de Guito ngunit kasalukuyan siyang nakatira sa Los Baños, Laguna dahil siya ay nag-aaral habang nagtatrabaho. Bilang mag-isang tumutustos sa sarili, nabanggit niyang kahit may peligro sa panahon ngayon ay wala naman siyang ibang pagkukunan ng pera upang matustusan ang kanyang pangangailangan.
Lapit sa manggagawa ang Laguna dahil ang CALABARZON ay kilala bilang rehiyong nangunguna sa paggawa ng mga electronics at semiconductor industries. Sa katunayan, tinagurian itong automotive capital o “Detroit City of the Philippines” dulot ng malawak na lupaing meron ito na kalaunan ay naging pugad ng mga malalaking factory na nangunguna sa pag-assemble ng mga parte ng kotse, motor, printer, refrigerator, at marami pang iba.
KAIBAHAN NG SITWASYON
Mula sa pagkagipit ng mga tao habang humaharap sa pandemya, dagdag pa ang pagbagsak ng ekonomiya na naging dahilan kaya nagtanggal ng mga empleyado, hindi maikakaila ang kaibahan ng sitwasyon noong wala pa ang COVID-19 at ngayong lagpas isang taon na ito kinakaharap ng mga tao.
Sa isang ulat na inilabas ng Bloomberg, naitalang umabot sa 9.5% ang pagbaba ng Gross Domestic Product sa bansa noong nakaraang taon. Ayon kay Economic Planning Secretary Karl Chua, lahat ng major sectors sa ekonomiya ay bumaba noong ikaapat na kwarter noong 2020. Sa industry sector ay bumaba ng 9.9% at sa services sector naman ay bumaba ng 8.4%.
Kaugnay ng nabanggit, ang kumpanya kung saan nagtatrabaho si de Guito ay naging apektado rin sa pagbagsak ng industriya. “Same lang yung sa sweldo ko ngayong may pandemya, kaya mas mahirap kasi may mga shortage ng supply tapos yung pagdating ng parts nung products. So pag walang suplay, minsan wala rin kaming pasok,” batid niya. Ayon pa kay de Guito, wala silang natatanggap na sweldo kapag wala silang pasok dahil sa patakarang ‘No work, No pay’ sa mga factory.
Bukod sa kinakaharap niyang suliranin, ang mga regulasyon din ng gobyerno ay nakakadagdag din sa paghihirap nilang simpleng trabahador sa non-essential industry.
“Pag may pinapatupad, hindi nila naiisip na kami yung apektado kasi kami yung nagtatrabaho eh. Wala kaming suportang natatanggap. Hindi na kami kinokonsider pag gagawing ECQ ganun, tapos wala pang tulong na natatanggap,” wika ni de Guito. Giit niya’y sumusunod naman siya sa mga panuntunan ng gobyerno ngunit hindi angkop ang mga ito sa kanilang mga nagtatrabaho.
Problema rin kay de Guito ang biyahe papuntang trabaho, lalo na at taga Los Baños pa siya. “Ngayong pandemic, mahirap makasakay sa pampublikong sakayan para makapunta sa trabaho especially pag malayo,” dagdag pa niya.
Batid niya ang pangamba na siya ay direktang maapektuhan ngunit mas nangangamba rin siyang hindi matustusan ang pangkain niya at pambili ng mga kagamitang kinakailangan niya sa pang-araw araw. Bilang kontraktwal ay hindi malabong mawalan siya ng trabaho sa isang iglap at dahil mga regular na empleyado ang pangunahing tinutugunan ng kumpanya ay malaki rin ang hindi napupunan sa tulong pangkaligtasan para sa mga kontraktwal na empleyado.
REALIDAD SA MGA FACTORY
“Kahit sa pinagtatrabahuan ko, merong social distancing, pagsuot ng face mask at face shield. Siguro sa dami na rin ng empleyado, hindi na rin naiiwasan na magkaroon ng case sa working area niyo,” wika ni de Guito.
Kung sakalaing ma-expose ang mga empleyado sa COVID-19 ay kanya-kanyang pagpapa-swab test at pagpapagamot ang mga ito. “Sana bigyan kami ng support kasi mahirap, hindi kami sure kung bukas may trabaho pa kami. Tapos di rin kami sure kasi may nagka-COVID na nga sa factory tapos baka kami na yung next na magkaron.” wika ni de Guito. Dahil dito ay naghahangad siyang magkaroon ng mga programa na naglalayong makatulong at matugunan ang kanilang pangangailangan bilang mga kontraktwal na empleyadong walang kasiguraduhan ang kaligtasan maging ang kanilang mga trabaho.
“Ang problema kasi, wala kaming pera para dun [swab test], pambili muna ng pagkain uunahin,” patuloy niyang panawagan. Hangad niyang magkaroon ng libreng swab testing, at malawak na pagbabakuna sa mga katulad niyang patuloy na nakikipagsapalaran upang matustusan ang kanyang pangunahing pangangailangan.
Isa sa pangunahing kaibahan sa mga kontraktwal at regular na empleyado ay ang pagliban sa trabaho ng mga ito kung sila man ay maapektuhan ng COVID-19. May takdang bilang lang din ng mga araw ang pagliban at kung sakaling lumagpas ay maaari sila magkaroon ng Disciplinary Action na posibleng maging dahilan ng kanilang pagkatanggal sa trabaho. Dagdag pa rito ang walang kasiguraduhan na may babalikang trabaho kung sakaling sila ay magkasakit o maapektuhan dahil sa mga regulasyon ng gobyerno.
“Kung may mass testing nga sana pati yung bakunahan lahat, edi hindi sobrang nakakatakot. Makakatulong yun samin kasi hindi naman kalakihan yung sweldo eh,” hinaing pa niya. Bilang mga minimum wage earners, malaki ang magiging kaibahan kung sakaling magkaroon ng suporta sa kanila dahil panatag at ligtas silang makakapagtrabaho habang may pandemya.
Sa panahon na kinakailangan ng mga magigiting na manggagawa, suportang pinansyal at medikal ang pangunahing ninanais na makamit ng kalakhang lakas-tao na hindi sapat ang kinikita upang matustusan ang kanilang kagipitan. Ang seguridad sa trabaho, kaligtasan mula sa sakit, at access sa mga pang-araw araw na pangangailangan ang patuloy na idadaing ng mga tulad ni Cristine na sabay pinangangambahan ang pagkalam ng kanilang sikmura at ang banta ng sakit na COVID-19. Ang simpleng hiling niyang magkaroon ng mga planong nakaayon sa kanilang totoong sitwasyon ang nais niyang ipabatid sa nakararami, lalo na sa kinauukulan, upang mas maging makatao ang mga regulasyong ipinapatupad hindi lang para sa lalawigan kundi para sa buong bansa.