Ulat ni: Camille Villanueva
“Walang pinipili ang COVID. Kahit na sobrang nag-iingat ka, one wrong move pwede kang magka-COVID.”
Hindi inakala ni Alyanna Marie Lozada na sa kabila ng kanyang pag-iingat ay magiging positive siya sa COVID-19.
Si Alyanna ay mula sa San Pablo City, Laguna. Siya ay isang 3rd year BS Development Communication student sa UP Los Baños.
Sa pagsisimula ng unang semestre nitong Setyembre taong 2020, nalaman niya na siya ay positive sa COVID-19. Pinaghihinalaan niyang mga pumapasok na deliveries sa kanilang residential compound ang dahilan kaya’t nagkaroon siya ng contact. Nabalot siya ng pag-aalala lalo’t wala siyang nararamdamang sintomas.
“Asymptomatic ako pero nakakatakot kasi hindi mo alam yung posibleng mangyari sayo…You really don’t know what’s going to happen o kung may nangyayari na bang masama sa loob ng katawan mo, so nakakatakot.”
Ayon sa kanya, naging malaking tulong ang paglalaan ng kanyang oras at atensyon sa kanyang mga academic requirements para maalis sa kanyang isipan ang pagkakaroon ng COVID-19.
Umabot ng halos dalawang buwan na positive at naka-home quarantine si Alyanna. Sa buong panahon na iyon, pilit niyang isinawalang-bahala muna ang sakit upang makatugon sa lahat ng gawain sa kanyang mga kurso. Ngunit hindi pa rin niya maiwasang isipin bago matapos ang araw kung ano ang mangyayari sa kanya kinabukasan.
Nabanggit niya ang ilang mga bagay na nag-iba sa kanya mula nang mag-negative siya sa COVID-19. Kasama dito ang paghina ng kanyang pag-alala at mabilis na pagkapagod ng katawan.
Nawalan din siya ng gana sa paggamit ng social media. Aniya ay nakikita niya ang mga sentimyento ng ibang tao na hindi naniniwala na totoo ang sakit na COVID-19, ngunit hindi ito biro sa oras na maranasan ito ng mga tao o ng mahal nila sa buhay. Kung dati ay nagagawa niyang maki-tawa at makipagbiruan sa mga usaping ganito sa social media, matapos ng pagiging positive niya ay hindi na niya magawang makiisa pa sa mga ito.
Nakatulong din umano sa kanya ang hindi niya pagsasabi sa mga malalapit niyang kaibigan at mga propesor ang tungkol sa kanyang kalagayan. Sa ganoong paraan, nakaya niyang umakto na tila wala siyang sakit. Ani niya, “Mas okay na wala ako masyadong pinagsabihan kasi may mga bagay na hindi kailangan malaman, even [of] your closest friends. Although, okay na may support ka from them. Pero para sa akin, masaya ako na hindi ko pinagsabi…I acted like okay lang, na hindi ako positive nung time na yun.”
Matapos ang lahat ng ito, napagtanto lamang ni Alyanna na walang taong pinipili ang sakit na ito. Naniniwala siyang malalampasan nang matagumpay ang COVID-19 sa pamamagitan ng istriktong pagsunod sa standard na health protocols katulad ng social distancing at pagsusuot ng mask.
Para sa pag-antabay sa mga bagong impormasyon ukol sa kalagayan ng COVID-19 sa Laguna, maari ninyong bisitahin ang official Facebook page ni Gov. Ramil L. Hernandez at ang Facebook page naman ng Municipal Government of Los Baños para sa kalagayan ng COVID-19 sa Los Baños.