SPECIAL COVERAGE
Ang “Lathalang Labas-LB” ay serye ng mga ulat mula sa iba’t ibang panig ng bansa. Bagama’t naka remote learning setup ang mga student journalists, magsisilbi ang seryeng ito bilang tulay sa patuloy na pag-ulat at paghatid ng mga balita.
Ulat ni: Elijah Daniel Espiritu
Halu-halo ang opinyon ng ilang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Candelaria, Quezon tungkol sa suportang pinansyal na kanilang natatanggap sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Bagaman hindi na sakop ang probinsya ng Quezon para sa ayudang nakalaan sa NCR Plus bubble, regular namang nakakarating sa bawat pamilyang benepisyaryo ng 4Ps ang tulong pinansyal mula pa noong nagsimula ang krisis. Ang bubble ay tumutukoy sa mga lugar na kamakailan ay muling isinailalim sa Enhanced Community Quarantine kabilang na ang NCR, Laguna, Cavite, Rizal, at Bulacan.
Ayon sa mga miyembro ng 4Ps sa Quezon, walang naging pagbabago sa halaga ng cash grants na kanilang natatanggap mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) kahit ngayong may pandemya. Gaya ng dati, binibigyan ng P500.00 kada buwan ang bawat benepisyaryo para sa kanilang health cash grants at P300.00 naman kada buwan para sa educational grant ng bawat anak na nag-aaral.
Dagdag panggastos
Si Erlinda Pabua, 56, ay tumatanggap ng may kabuuang P1,200.00 buwan-buwan para sa kanyang apat na anak. Natatanggap nila ang pera kada makalawang buwan sa Landbank gamit ang Cashcards na ibinigay sa kanila ng gobyerno.
“Kami po ay natutuwa dahil may pangdagdag kami sa panggastos namin sa aming pangangailangan kada buwan,” pag amin ni Erlinda.
Bilang isang trabahador sa pabrika, aniya ay malaki ang naitutulong ng cash grants para sa kanilang pang-araw-araw na pinagkakagastusan tulad ng bigas, vitamins o gamot, at mga gamit sa eskwela ng mga bata. Subalit, bukod sa pinansyal na tulong, tugon ni Erlinda na wala na siyang iba pang natatanggap mula sa gobyerno.
Sina Gemma Angusto, 31, at Doris De Villa, 43 naman, ilan sa mga kasamahan ni Erlinda sa 4Ps, ay nagagalak rin sila sa cashgrants na para sa kanila. Gaya ni Erlinda, anila ay malaking tulong ito sa kanilang pang araw-araw na pangkain at iba pang pangangailangan sa bahay.
Gastos pang-paaralan naman ang pupuntahan ng P1,600.00 na buwanang cash grant ni Glenda Macaraig, 37, kaya’t natutuwa siyang makatanggap siya nito. Aniya “Nilalaan ko ito [cashgrants] sa pagpapaaral at pang araw-araw na gastusin dito sa bahay”.
Hindi sapat
Habang ang karamihan sa kanila ay natutuwa sa patuloy na suporta, salungat naman ang opinyon ni Myrna Estolano, 49, na nakukulangan sa tulong pinansyal ng gobyerno.
Para sa kanya, hindi umano sapat ang ibinibigay na cash grants dahil sa pagtaas ng bilihin lalo ngayong pandemya. Aminado si Myrna na nahihirapan siyang tustusan ang pang araw-araw nilang pangangailangan higit lalo sa usaping medikal.
“Humirap ang kabuhayan, pinipilit na lamang makaraos sa araw-araw,” wika niya.
Dagdag pa niya, lalong tumumal ang kanyang pag-sideline bilang labandera, kaya naman di na niya naitago ang kanyang pagkadismaya nang malamang walang maiaabot na dagdag na suporta ang gobyerno ngayong panahon ng GCQ gayong kabilang din naman sila umano sa mga apektado.
Sa kabila nito, sinabi niyang patuloy pa rin naman ang kanilang pagsunod sa alituntuning magbasa ng modyul na naglalayong mapagtibay ang pagsasama ng kanilang pamilya at makibahagi sa mga proyektong nakasentro sa paglilinis, pangkabuhayan at pakikiisa tulad ng gardening, pangongolekta ng plastik, at brigada eskwela. Aniya, ang lahat ng ito ay kinakailangan nilang sundin upang mapanatili ang kanilang pagiging benepisyaryo ng programa.
Matatandaan na ang proyektong 4Ps ay itinatag noong 2007 sa ilalim ng administrasyon ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Layon nito na makapagbigay ng cash grants para sa mga pamilyang Pilipinong higit na nangangailangan ng tulong pinansyal para maipagpatuloy ang pag-aaral at mapanatiling malusog ang pamilya.