Ulat ni: Alie Peter Neil C. Galeon
Isinusulong ngayon ng mga eksperto mula sa University of the Philippines Los Baños (UPLB) ang rekomendasyon na lalong higpitan ang pagbabantay sa mga aktibidad sa loob at paligid ng pitong lawa ng San Pablo matapos kumpirmahin ang ilang indikasyon ng posibleng pagkasira ng mga ito.
Base sa paunang resulta ng ginawang pag-aaral na 7 LAMPS o Seven Lakes Assessment and Monitoring Program: Strategies Towards a Sustainable Lake Ecosystems, napag-alamang may lehitimong banta laban sa integridad ng mga lawa ng Bunot, Calibato, Mohicap, Palakpakin, Pandin, Sampaloc, at Yambo. Kabilang sa mga bantang ito ay ang patuloy na pagtaas ng agrikultural at residential land use ng mga naninirahan sa mga lawa.
Ayon kay UP Scientist Dr. Vachel Gay Paller, lider ng proyektong 7 LAMPS, ang runoff ng mga dumi ng tao at mga alagang hayop gaya ng aso, baka, at baboy ay pinagmumulan ‘di umano ng kontaminasyon ng mga waterborne pathogens o mga microorganisms na nagdudulot ng iba’t ibang sakit tulad ng diarrhea. Ang mga nadiskubreng pathogens, partikyular na ang tinatawag na parasitic protozoans, ay kadalasang nakikita sa small intestine ng isang tao kung saan inaagaw ng mga naturang parasites ang nutrients na dapat ay nakukuha ng tao. Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention, ang sinumang nakainom o may contact sa kontaminadong tubig ay may mataas na posibilidad na mahawa ng sakit tulad ng amebiasis, giardiasis, at Crypto.
“Ang mga parasites ay species-specific siya. Example ay amoeba. Maraming examples ang amoeba species. Yung nakikita namin ay amoeba c which is specific sa pig. From there, nakita namin na galing sa animals [ang waterborne pathogens na sanhi ng kontaminasyon ng lawa],” paliwanag ni Paller.
Dagdag niya, ang presensya ng mga naturang parasites ay isang seryosong public health risk na maaaring magdulot ng kamatayan sa mga mahihina ang resistensya o mga immunocompromised.
Dahil dito, hinihikayat ng grupo ng mga mananaliksik sa UPLB ang lokal na pamahalaan ng San Pablo na magpanukala ng ordinansa na tututok sa iba’t ibang mga aktibidad sa loob at paligid ng mga lawa. Nakasaad din sa kanilang rekomendasyon na dapat may sapat na plano para sa tamang layo o distansya mula sa lawa ng pagtatayuan ng mga kabahayan at farm-related activities tulad ng pagtatanim at pag-aalaga ng mga hayop.
‘Carrying capacity, polusyon’
Bagaman marami sa nakatakdang rekomendasyon ang makakaapekto sa kasalukuyang estado ng mga naninirahan sa mga lawa, nilinaw ni Paller na mananatiling bukas at hindi pagbabawalan ang mga tao na i-access ang naturang freshwater ecosystem.
Subalit, giit niya, kailangan naaayon lamang sa carrying capacity ng bawat lawa ang bilang ng mga aquaculture at ecotourism activities — dalawa sa pangunahing hanapbuhay ng mga tao sa lugar. Ang carrying capacity ay tumutukoy sa bilang ng tao at ibang living organisms na kayang suportahan ng isang ecosystem na hindi naisaalang-alang ang integridad nito.
“Based on the Focused Group Discussions with the fishermen, women, and barangay officials conducted before the pandemic, [they] elicited a positive response and cooperation with the project. The[y] mentioned about the awareness of protecting the lakes to maintain its integrity as they are sources of livelihood, ecotourism, and many other ecosystem services,” paliwanag ni Paller.
Kaugnay nito, dapat umanong pangasiwaan ang dami ng mga culture fish cages sa lawa lalo na’t may iilang nagtatayo ng ilegal na fish pens na pinagmumulan ng mga invasive species.
“Merong nag-aalaga ng mga hindi native sa lake. May mga implications ito sa other native species. Baka matalo niya yung mga native species doon tulad ng nangyari sa Laguna lake na nawala yung mga ayungin. Yun ang kinakatakot namin dito sa 7 lakes kasi may mga nagsusulputan na invasive [species] kasi may mga nag hold ng cages na walang nag mo-monitor sa kanila,” pahayag niya.
Bukod sa native na isda, na patuloy pa ring inaalam ng mga eksperto, mayaman din ang mga lawa ng San Pablo sa tilapia at ibang native na macroinvertebrates tulad ng freshwater na hipon at kuhol.
Dagdag ni Paller, kailangan ding kontrolin ang dami ng mga turistang dumadayo sa mga lawa. Lalo noong bago mag pandemya, ang pagdagsa ng mga turista ay direktang naiuugnay sa pagdami ng mga basura partikyular na ang mga plastik. Ang mga basurang ito, kasabay ng mga sewage discharge mula sa mga bangka at kabahayan, at runoff ng dumi ng mga tao, hayop, at kagamitang pananim, ay sanhi ng kontaminasyon at polusyon sa mga tubig lawa.
Patuloy ang adbokasiya
Naging limitado man ang galaw ng mga eksperto gawa ng epekto ng pandemya mula pa noong nakaraang taon, nanindigan naman si Paller na hindi sila titigil sa kanilang adbokasiyang protektahan ang mga lawa sa pamamagitan ng patuloy na pananaliksik at pakikipag ugnayan sa mga kawani ng gobyerno, lokal na pamahalaan, at mga komunidad.
“If we lobby, we need to have science-based evidence and partner with LGUs and local people. It has to be a systems approach and concerted effort. We can only do our part in assessing the status of our lakes to prevent further deterioration but we don’t stop there. We need to advocate sa mga gusto naming mangyari na ma-conserve and protect the lakes,” pahayag niya.
Sa ngayon, nakatakda silang bumuo ng isang device o detection tool na maaaring magamit ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) para matukoy ang pinagmumulan ng mga pathogens. Sa ganitong paraan, pwedeng maiwasan ang anumang outbreak dulot ng mga parasites na umiiral sa mga lawa.
“One percent lang ng bodies of water ang freshwater, the rest ay dagat na. So kung hindi natin aalagaan ito, malaki ang impact niya sa atin kasi we are all interconnected with nature. Yung kasiraan ng kalikasan ay kasiraan din ng ating humanity… With increasing population and demands for food and tourism industry, ‘pag hindi ito natutukan, magkakaroon ng exploitation,” pahayag niya.
Ayon sa organisasyong Conservation International, nahaharap sa krisis ang mga freshwater ecosystems sa mundo. Ito ay bunga ng mga aktibidad ng tao na sumisira sa mga habitats at nakakaapekto sa kalidad ng tubig. Dagdag nila, mahalagang mapangalagaan ang naturang ecosystems sapagkat malaki ang papel nito hindi lang para sa suplay ng inuming tubig kundi higit lalo sa larangan ng agrikultura, transportasyon, energy production, industrial processes, waste disposal, at mga resources tulad ng isda at iba pang produkto.
Ang 7 LAMPS, na pinondohan ng Department of Science and Technology, ay nakatakdang matapos ngayong Hunyo sa pakikipag-ugnayan sa Samahan ng mga Mangingisda ng Pitong Lawa ng San Pablo at mga ahensya tulad ng LLDA, Department of Tourism IV-A, Department of Environment and Natural Resources, Laguna Provincial Government, at San Pablo City Government.