Ulat ni: Rosemarie A. De Castro
Bagaman hindi na muna makakasama ni Shameera Jaafar ang kanyang mga kaibigan at kapatid na Muslim sa pagtatapos ng Ramadan (Eid al-Fitr) dahil sa kasalukuyang Modified Enhanced Community Quarantine o MECQ sa Los Baños, masaya naman siya na makasama niya ang kanyang pamilya sa araw na ito, ika-13 ng Mayo.
“Katulad lang din po nung last year. Sa bahay po kami magdadasal and then maliit na salu-salo po with the family. Then yung parents ko po, tumatawag po sila sa mga kamag-anak namin from other provinces po to catch up and greet each other. Sobrang simple po pero masaya pa rin po,” dagdag niya pa.
Si Shameera ay isang first year Bachelor in Secondary Education Major in Math mula sa Laguna State Polytechnic University Los Baños Campus. Tubong Mindanao ang kanyang mga magulang, samantala ay lumaki na sila ng kanyang mga kapatid dito sa Laguna. Isa si Shameera sa maraming Muslim na nagdiwang ng ikalawang Ramadan sa ilalim ng mga restriksyon na dulot ng COVID-19 pandemic.
Mga ‘adjustments’ sa pagsasagawa ng Ramadan
Dahil sa pananatili ng community quarantines sa maraming lugar sa Luzon (kabilang na ang Los Baños), kinailangan ng mga Muslim na iayon sa sitwasyon ang pagsasagawa ng Ramadan. Isa na dito ay ang pagbabawal sa mga community iftar (breaking the fast). Ang iftar ay ang pagkain na hinahanda pagkatapos ng paglubog ng araw tuwing Ramadan.
Ayon kay Rahma, isang 56 anyos na balik Islam at kasalukuyang caretaker ng isang Mosque sa Los Baños, kung dati rati’y magkakasama sila sa lapag kumain tuwing iftar sa loob ng Mosque, ngayon ay hiwa-hiwalay na upang hindi magkumpulan.
“Malungkot kasi hindi namin nakikita ‘yong mga dating kasabay namin sa pagkain, pati sa pagdarasal. Masaya dahil kahit may pandemya ay patuloy pa din tayo sa pagsamba sa nag-iisang Diyos, ang Allah.”
Nililimitahan na rin ang mga bumibisita sa mga Mosque para sa pagsamba. Sa inilabas na guidelines ng lokal na pamahalaan ng Los Baños habang nasa ilalim ng MECQ ang bayan, pinapayagan lamang ang mga religious gatherings hanggang sa sampung porsyento ng kapasidad sa venue. Kinakailangan din sumunod sa pinapatupad na minimum public health standards katulad ng pagsuot ng face shield at mask, pag-obserba sa physical distancing, at madalas na paghugas ng kamay.
“Kailangan po naka-mask at mag-wash po sa Ablution area ang sinumang magsasagawa ng pagdadasal [sa loob ng Mosque],” dagdag pa ni Rahma. Ang ablution ay paglilinis ng katawan mula sa pribadong parte ng katawan hanggang sa mga tenga, ilong, bibig,kamay, siko, at mga paa.
May mga limitasyon man na dala ang pandemya sa pagsasagawa ng Ramadan, nakita naman ito ni Mohammad Hussien Ali, mula naman sa Calamba, bilang pagkakataon upang mas palalimin pa ng mga Muslim ang kanilang paniniwala.
Dahil nga hindi pwedeng lumabas, aniya ay mas mabibigyan din ng pansin ang fasting, isa sa mga tungkulin ng Muslim tuwing Ramadan. “Sa pagpa-fasting po kasi hindi mo lang pinipigilan na kumain, pinipigilan mo rin makakita…at makarinig ng masama. Nagpa-fasting ka kasama ang mata mo, bibig, ‘yong ears, tsaka action. So less lumalabas, less na nakakapag-commit ka ng kasalanan.” Pagkakataon na rin daw ito upang magbasa ng Qu’ran at magsagawa ng karagdagang Salah (dasal).
Samantala, para kay Shameera, mas pinapatatag ng kasalukuyang sitwasyon ang relasyon ng Muslim community. “Ngayong Ramadan, kahit hindi na nakakapag-gather or nakakapag-meet, parang ganoon pa rin ang samahan. Mas lalo pang tumatag kasi sama sama naming hinaharap ang mga pagsubok with guidance of Allah.”
Sang-ayon din dito si Ilhaam (‘di niya tunay na pangalan), isang 49 anyos na ginang mula sa Batong Malake. Ayon sa kanya ay mas tumibay ang samahan ng mga Muslim lalo na sa sariling pamilya. Mas napapahalagahan din nila ang lahat ng biyaya na binibigay ng Diyos, maganda o ‘di maganda man iyon. Higit sa lahat ay mas lumalakas pa ang kapit nila sa Diyos.
Pasasalamat at pag-asa sa pagtatapos ng Ramadan
Katulad ng iba, nagpapasalamat si Ali na sa kabila ng mga kasalukuyang pangyayari ay nakaabot pa rin siya sa buwan ng Ramadan. Isa rin sa kanyang dinadasal na maabutan pa ng lahat ng Muslim ang mga susunod pa na Ramadan sapagkat aniya isa itong blessing para sa kanila.
Hinihiling naman ni Shameera na hindi mawala ang harmony at faith ng mga Muslim kay Allah sa kabila ng pinagdadaanang sitwasyon at magtiwala sila sa plano niya. Sana rin daw na hindi nila makalimutan ang mga obligasyon nila at mapunta sa maling direksyon.
“[Ngayong may pandemya], lalo nating kailangan magtulungan. Kahit hindi muslim community. Kahit anong religion. [H]indi dapat pinapaiiral ang pagkakaiba ng religion, dapat mas pinaprioritize natin ang pag-aabot ng tulong sa mga nangangailangan,” mensahe pa ni Shameera.
Ang Ramadan ay ang ika-siyam na buwan sa kalendaryo ng mga Muslim. Ito ay tinuturing na holy month sapagkat ayon sa kanilang paniniwala, sa buwan na ito ipinahayag ni Allah kay Propeta Muhammad ang unang talata ng Qur’an na Laylat ul-Qadr o sa ingles ay “Night of power.” Bukod dito, ang Ramadan din ay kasama sa five pillars na kailangang isagawa ng mga Muslim sa kanilang buhay.
Panahon ang Ramadan para sa Sala, fasting o pag-aayuno, at pagtitipon pagkatapos ng bawat panalangin sa paglubog ng araw para sa Iftar kasama ang pamilya, mga kaibigan, o ng Muslim community.