Ulat ni: Gabriel L. Sarangaya
“Gusto ko kasing bigyan ng magandang buhay ang mga anak ko.”
Ang maibigay ang sapat na pangangailangan ng kanyang mga anak ang konsepto ng isang magandang buhay para kay Mary Ann Javier-Factoriza, ina ng dalawang anak.
Nakaugnay sa kagustuhang makapagbigay ng magandang buhay ang pagpaplano sa kinabukasan ng pamilya, lalo na sa bilang ng magiging anak. Para masigurado na hindi masusundan ang kanilang bunso, umiinom si Mary Ann kada araw ng birth control pills. Aniya, “Siguro kung marami akong anak, hindi ko maibibigay sa kanila yung naibibigay ko ngayon.”
Kumpara noon, para kay Mary Ann ay mas mahirap na ngayong magpalaki ng maraming anak dahil na rin sa tumataas na bilihin. Kaya naman isa siya sa nagkomento sa post ng facebook account ng Tanggapang Pangkalusugan sa Los Baños Group tungkol sa libreng family planning resources na pinamimigay doon. Sa kanyang komento, hinikayat niya ang mga mag-asawa, lalo na ang may marami nang anak, na subukan ang family planning. Inabiso rin niya na kung maaari, ikonsidera rin ang ‘vasectomy’ para hindi lang mga kababaihan ang may dala-dala ng responsibilidad sa pagpaplano ng pamilya.
Ikinuwento niya ang malalim na dahilan sa kanyang pananaw ukol sa family planning. Minsan raw ay may makilala siyang isang 19-taong gulang na babaeng nasa ikatlo na niyang pagbubuntis. Ayon sa babae ay sinabihan na siya ng health worker na subukan ang iba’t ibang family planning methods ngunit sa lahat ng ito ay tumatanggi raw siya dahil may allergy daw siya at hindi hiyang ang katawan niya rito. Dahil sa sitwasyon ng babae, inabisuhan raw siya ng health worker na ipa-vasectomy na lamang ang asawa upang hindi na dumami pa ang kanilang anak.
Sabi ni Mary Ann,“Kasi alam mo yung vasectomy, parang hindi siya tanggap. Yung thinking ng mga tao na kapag nagpa-vasectomy, nakakabawas ng pagkalalaki. So, dapat tapusin yung ganung pananaw ng lalaki.”
Ayon pa kay Mary Ann, higit ring problema sa family planning ang hindi magkatugmang sinasabi ng simbahan at munisipyo ukol dito. Bagamat parehas nilang hinihikayat ang paglilimita sa bilang ng anak, limitado sa natural na pamamaraan lamang gaya ng calendar at abstinence ang payo ng simbahan. Dagdag pa ni Mary Ann,“May seminar ang munisipyo, may seminar din ang simbahan. Sobrang contradicting silang dalawa.”
Sa kabila ng mga isyu sa ilang family methods, marami nang paraan ngayon ang pwedeng pagpilian ng mag-asawa na angkop sa kanila. Dagdag pa rito, may mga libreng contraceptives pa rin naman sa Tanggapang Pangkalusugan. Ayon nga kay Mary Ann, “Libre naman talaga siya [contraceptives], nakadepende naman na sa tao kung kukunin mo eh. Pumunta ka lang sa center, meron naman.”
Libreng contraceptives
Kahit ngayong pandemya, libre sa mga health center at Rural Health Unit (RHU) ng Los Baños ang condoms, birth control pills at iba pang contraceptives. May healthcare worker na gagabay sa mag-asawa upang makahanap ng pinaka-angkop na family planning method base sa kanilang sitwasyon o kagustuhan.
Ayon kay Minda Mariano, Reproductive Health Coordinator ng Municipal Health Office, nananatiling sapat at wala naman daw problema sa stocks ng family planning resources.
“Ever since naman ay libre at sapat ang supply ng contraceptives dito sa rural health care center natin,” sabi niya.
Sa gitna ng pandemya, tuloy pa rin ang pagsasagawa ng physical examinations para sa mga mag-asawang nagnanais sumubok ng iba’t ibang pamamaraan ng family planning. Subalit, gawa ng mga quarantine guidelines partikular na sa Los Baños kung saan nakataas ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ), limitado ang pagtanggap ng mga kliyente sa health center kada araw upang mapanatiling ligtas ang lahat.
Para sa mga katanungan ukol dito, maaaring makipag-ugnayan sa health workers sa health centers o sa RHU.
Ilan sa mga aksyon na ginagawa ng tanggapang pangkalusugan upang matugunan ang ilang maling paniniwala ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng lecture sa mag-asawa kada barangay. “Mayroon kaming tinatawag na Responsible Parenthood bawat barangay. So, binibigyan namin sila [mag-asawa] ng lecture para alam nila kung ano ang pwede nilang gamitin at saka yung mga advantage. So, yung iba na ayaw ay pwedeng natatakot sila sa mga side effects na hindi naman nila nalalaman o mga misconceptions. Pero karaniwan naman kapag na-lektyuran na, willing naman sila na gumamit ng mga contraceptives,” ani Ma’am Mariano.
Sa inilabas na Memorandum No. 2020-0222 ng Department of Health (DOH), ipinag-uutos ang patuloy na pagbibigay ng family planning services sa lahat ng ospital sa bansa. Nakasaad din ang mga panuntunan upang maipagpatuloy ang suporta sa family planning programs.
Makikita rin sa website ng DOH, na sakop ng PhilHealth ang mga kakailanganing gastos para sa Family Planning counseling, IUD at insertion nito, bilateral tubal ligation, vasectomy, injectable, at ang initial cycle of progestin-only-pills (POP) base sa benefit package ng mga miyembro.
“Maging responsable magulang,” yan ang mensahe ni Ma’am Mariano sa mga hindi pa rin bukas ang kaisipan sa mga ganitong pamamaraan.
May payo naman si Mary Ann kung ano ang pwedeng isaisip upang makonsidera ang ganitong mga pamamaraan. “Sa mag-asawa, unang-una niyong isipin ‘yung future. Alam niyo kasi, hindi niyo dapat gawing investment ‘yung mga anak niyo para magparami kang anak. ‘Yung iba diba yun yung thinking nila na kapag marami kang anak, may magtatrabaho para sa future. So parang i-stop niyo na yung ganung kultura. Tapos isipin na kapag mas konti ang anak ko, mas magandang future ang maibibigay ko.”
Source:
https://doh.gov.ph/faqs/Are-family-planning-methods-expensive