Ulat nina Aaron Sumampong at Athena Michaela Tamayo
Dalawang libo sa isang buwan. Ito lamang ang sahod na natatanggap ni Nanay Lenjie mula sa lokal na pamahalaan ng Kalookan sa araw-araw niyang pagwawalis sa buong Barangay 16.
Isa lamang si Nanay Lenjie sa mga street sweepers na kinuha ng lungsod ng Kalookan upang panatilihing malinis ang mga kalye ng siyudad. Bukod sa pagwawalis, kumikita rin si Nanay Lenjie sa pangongolekta ng mga basura sa mga nadadaanan niyang bahay sa kapalit ng maliit na halaga. Sa dalawang taong pagtatrabaho ni Nanay Lenjie bilang street sweeper, laging sumasagi sa isip niya kung tama bang dalawang libo lamang ang kanyang sahod, ngunit kailanman ay hindi siya nagkaroon ng lakas ng loob na magtanong.
Tubong Cebu, lumuwas si Nanay Lenjie Ygco ng Maynila sa tulong ng kanyang kapatid upang mamasukan bilang kasambahay. Sa mahigit sampung taong paninirahan ni Nanay Lenjie sa lungsod ay nakabuo siya ng bagong pamilya kasama ang kanyang asawa at limang anak.
HULING KALYE. Maging sa huling dampi ng walis sa lupa ay sinisigurado ni Nanay Lenjie na walang maiiwang dumi sa bawat kalyeng kanyang madadaanan.
Ang araw-araw ni Nanay Lenjie
Maagang nagsisimula ang araw ni Nanay Lenjie. Alas kwatro pa lamang ng umaga ay gumigising na siya upang magluto ng almusal para sa kanyang asawa at limang anak at maghanda para sa isa na namang mahabang araw.
“Para di na ko mag-iisip habang nagwawalis, na ‘Ay, wala pa yung pagkain ng mga anak ko’,” wika niya.
Dala ang kanyang walis at dustpan, sisimulan na niyang maglinis sa harap ng kanilang bahay. Mula rito ay iikutin na ni Nanay Lenjie ang buong barangay.
Hindi hadlang sa pagtupad sa kanyang trabaho ang matinding sikat ng araw at sakit ng likod bunga ng magdamagang na pagyuko dahil sa pagwawalis. Kahit na maliit ang sahod, minsan ay iniisip niya na lamang na isang serbisyo ang pagpapanatili ng kalinisan ng kanyang barangay, lalo na sa panahong kalinisan ang pinahahalagahan ng lahat. Pansin rin ang ngiti sa mga mata ni Nanay Lenjie habang nagwawalis na siya namang nakakagaan ng araw lalo na para sa mga nakakakita sa kanya.
“Talagang ganyan talaga ang buhay, [ngitian] mo lang. Tawa lang nang tawa.”
Matapos ang buong umagang pagwawalis ay umuuwi na si Nanay Lenjie upang magluto ng tanghalian. Isa pa sa mga dumagdag na trabaho ay ang pag-aaral ng kanyang mga anak. Dahil sa epektong dulot ng pandemya, naka modular o distance learning ang mga mag-aaral. Tuwing hapon, katuwang ang kaniyang panganay na anak, ay tinutulungan niya ang mga ito sa pagsagot ng kanilang mga modyul.
SIPAG AT TIYAGA. Hindi hadlang ang tirik ng araw mapanatili lamang ni Nanay Lenjie ang kalinisan ng barangay.
Serbisyo sa pamilya at komunidad
Kagaya ng karamihan ng mamamayan sa bansa, nawalan ng trabaho ang asawa ni Nanay Lenjie simula noong ipinatupad ang Enhanced Community Quarantine o ECQ noong Marso ng nakaraang taon. Ngunit bilang isa sa mga nagpapanatili ng kalinisan ng barangay, tuloy pa rin ang trabaho ni Nanay Lenjie.
“Wala talagang [tigil] kami. Araw-araw isinusulong namin yan, magwawalis kami.”
Bukod sa pagwawalis, dumedepende rin ang mga residente ng barangay sa kanya para kolektahin ang kanilang basura dahil sila lang ng kasama niya ang pinapayagan lumabas noong panahong iyon. Bilang pasasalamat, binabayaran sila ng mga residente at minsan ay sinasamahan pa ng bigas, sardinas, at noodles.
Ani Nanay Lenjie, kailanman ay hindi sumagi sa isipan niyang siya ang magtatrabaho para sa kanilang pamilya.
“Akala ko di ko kaya na ‘yung ako yung naghahanapbuhay imbis, siya, na lalaki. Sabi ko hala, talaga palang kaya ko pala, kahit ganito lang nagwawalis lang kami sa barangay natin na araw araw, sinusurvive ko para sa pagkain [namin]. Nung lockdown, kami lang pwede lumabas kasi kami nagtatrabaho sa barangay… talagang inikot namin noon. Diba walang ibang taga-barangay na kumuha ng basura nun? Kami lang dalawa ng kasama ko.”
Bagaman mahirap at delikado ang paglabas at pagwawalis ngayong may pandemya, laking tuwa na rin ni Nanay Lenjie sapagkat umaabot ng isang libo ang kita niya sa isang araw mula sa pangongolekta ng basura sa mga bahay-bahay.
“Nakaka-isang libo kami!” Malugod na sambit ni Nanay Lenjie, “Oo, nung lockdown na yun, sabi ko hala ang bait ng Panginoon. Yung kasama ko, na-survive din niya, sila ng asawa niya. Tapos minsan, sa isang araw, isang libo kami, tapos sa ibang araw, 500, 600. Talagang bi-nless kami ng Panginoon. Pag-uwi namin, magugulat nalang yung asawa ko, may dala-dala na ako…”
Buhay ng street sweepers sa bansa
Ayon sa isang ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2015, sa 42,036 na barangay ng Pilipinas, 15,340 lang sa mga ito ang mayroong nagtatrabahong mga street sweeper. Ang pinakamarami ay matatagpuan sa Metro Manila, kung saan lahat ng barangay maliban sa isa, ay may street sweepers.
Noong 2012, napag-alaman na ang mga street sweepers ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ay may ₱254 na bayad lamang sa isang araw, halos kalahati ng ₱456 na minimum wage noong taon na ‘yon. Bukod sa 1,000sqm ng EDSA na kinakailangan nilang linisan nang walang hazard pay, ang mga street sweepers pa ang bahala bumili ng sarili nilang walis, dustpan, at uniporme.
Samantala, umaabot naman umano sa provincial minimum wage na ₱400 ang sahod ng mga street sweepers mula sa probinsya ng Laguna. Ito ay ayon sa pahayag na inilabas ng Department of Labor and Employment o DOLE ng Rehiyon IV-A sa kanilang Facebook page. Nakasaad dito na ang kinikita ng isang street sweeper para sa 16.25 araw na trabaho ay ₱6,200. Bagaman isang malaking hakbang ito tungo sa pagtaas ng sahod ng mga street sweepers sa bansa, hindi maikakailang kulang pa rin ito para matustusan ang kanilang pang araw-araw na gastusin.
NGITI NG PAG-ASA. Sa likod ng hirap at pagod dala ng kanyang trabaho, nagagawa pa ring ngumiti ni Nanay Lenjie.
Ang tanging pangarap ni Nanay Lenjie ay makatapos ng pag-aaral ang limang anak niya ngayon. Bukod dito, hinihiling niya na sana madagdagan ng barangay ang dalawang libo na pinapa-sweldo sakanya.
“Di naman kami naghihiling na malaki [ang sweldo], kahit madagdagan lang,” wika ni Nanay Lenjie. Nabanggit rin niya na gusto lang niya ng dagdag na pera para mapakain nang maayos ang kanyang mga anak, na minsan ay kanin, mantika, at toyo lamang ang nakakain.
Para sa mga street sweepers na tulad ni Nanay Lenjie, hindi maikakaila ang bigat at hirap ng kanilang pang-araw-araw na buhay. Subalit sa anumang problema ang kanyang kinakaharap, pinipili pa rin ni Nanay ang ngumiti at magpatuloy sa kumpas ng buhay.