Ulat nina: Janna Gabrielle Tan & Alie Peter Neil Galeon
LIGTAS KALIKASAN. Ang Makiling Botanic Gardens kung saan dinadala at pinagaaralan ang mga tinaguriang ‘threatened Philippine plants’ bilang parte ng Ex Situ Conservation project. (Larawan mula sa Makiling Botanic Gardens Facebook Page)
Malaking benepisyo ang naghihintay para sa mga Pilipinong magsasaka at maghahalaman kapag natapos na ang proyektong Ex Situ Conservation, pag-amin ni Forester Leilani Castillo ng Makiling Center for Mountain Ecosystems (MCME).
Ang Ex Situ Conservation, isang 3-year project ng MCME, ay naglalayong maprotektahan at mailigtas ang mga national threatened species na nakasaad sa DENR Administrative Order 2017-11 o ang pinakabagong listahan ng threatened species sa bansa. Kinokolekta ng mga eksperto ang mga naturang halaman mula sa iba’t ibang biodiversity areas at dinadala sa Makiling Botanic Gardens (MBG) — isang repositoryo ng mga species mula sa Mt. Makiling Forest Reserve. Ang biodiversity areas ay mga lugar na mataas ang biodiversity ng species kaya ito ay isang protektadong lugar.
Habang nasa MBG ang mga nakolektang species, pinagaaralan ng MCME kung paano ito mapaparami upang makabuo ng propagation protocols na ibabahagi din sa mga magsasaka at maghahalaman mula sa iba’t-ibang komunidad. Ang propagation protocols ay maaaring gamitin para maitanim ang mga species na ito sa sariling nilang lugar, paramihin, at ibenta para mapagkakitaan. Sa paraan na ito, maiiwasan na ang pagkuha ng mga species sa gubat na nakaaapekto sa integridad ng lugar.
“So yung mga species na yon sa wild, hindi na nila kokolektahin if they have these technologies na pwede na nilang i-propagate sa households nila”, pahayag ni For. Castillo. Dagdag pa niya, “Ang tao kasi pag binigyan mo siya ng something na pagkakakitaan niya, hindi naman niya gagawin yung something na illegal kumbaga.”
Dahil dito, ang proyekto ay hindi lamang nagbibigay ng mga paraang magagamit ng mga magsasaka at maghahalaman pang hanapbuhay kundi, nababawasan din nito ang panggigipit na nangyayari sa mga threatened species. Ngunit sabi din ni For. Castillo, pinapaalala ng gobyerno na mahalagang panatilihin parin ang integridad ng gubat kahit na itong proyekto ay pinapayagang i-commercialize at pagkakitaan ang mga mahalagang species na mataas ang market value.
Pagbibigay alam ukol sa mga threatened species
Ang mga threatened species sa Administrative Order 2017-11 ng DENR ay nahahati sa apat na kategorya: Critically Endangered species, Endangered species, Vulnerable species at Other Threatened species. Ang mga species na nabibilang sa Critically Endangered at Endangered ay ang lubos na kailangang protektahan at i-conserve dahil sila ang pinaka nalalapit sa extinction, ayon kay For. Castillo.
Kaya naman, isa pa sa mga layunin ng proyekto ay ang pagbibigay alam sa publiko tungkol sa mga threatened species na ito. Dahil ang Makiling Center for Mountain Ecosystem ay isang pang-akademikong institusyon, binibigyang-diin nito ang halaga ng pag-aalaga sa mga threatened species upang sila ay ma-conserve. Giit ni For. Castillo, “Para kasing hindi nila i-coconserve yan hangga’t sa ‘di nila alam na importante yan eh. So kailangan nating i-educate.”
Pagnanakaw sa Makiling Botanic Gardens
Hindi maikakaila na naging laganap ang poaching, o ang iligal na pagkuha ng mga wild species tulad ng halaman, simula noong ipinatupad ang mga lockdown at naging panibagong libangan ng nakararami ang paghahardin o gardening.
BASAHIN: [ANALYSIS] A note to plantitos and plantitas: Poachers endanger Southeast Asia’s rich biodiversity
Ayon kay For. Castillo, kadalasan, ito ay dahil mataas ang market value ng mga halaman na ito kaya magandang pagkakitaan. Sa kasamaang palad, biktima ang Mount Makiling Forest Reserve dito pati na ang Makiling Botanic Gardens.
Noong nakaraang Disyembre, isang halaman galing sa Quezon province na parte ng Ex Situ Conservation project ay nanakaw mula sa kanilang nursery sa Makiling Botanic Gardens. Kahit laging may mga empleyadong nagbabantay sa nursery, hindi parin naiwasang masalisihan dahil sa dami ng entry points dito.
“Hindi rin kami ligtas sa mga magnanakaw. Nananakawan kami, oo, but hindi siya ganun karami kumbaga. Pero syempre yung mga collections namin importante yon. Naandun ang buhay namin. Sa mga halamang binibigyan namin ng oras, binibigyan namin ng panahon para ito ay maparami,” ibinahagi ni For. Castillo.
Dagdag pa niya, “Sa Makiling kasi, it is an ecosystem so everything has a purpose. Kung basta mo siya kinuha, masisira din ang sistema mo kumbaga. Everything has a purpose and everyone is important.”
Progreso ng Ex Situ Conservation
Sa kasalukuyan ay nangongolekta parin ng mga threatened species ang MCME. Ngunit dahil sa pandemya, nahinto ang kanilang mga lakbayin, kaya naman bundok Makiling at iilang parte palang ng Luzon ang kanilang ginagalugad.
“Kasi ang site namin, we have in Batanes Protected Landscape and we have sa Aurora, meron din kami sa Bicol. Kasi Luzon, Visayas, Mindanao so we have in Visayas sa Samar Island Protected Landscape. And then sa Mindanao, we will go to Surigao and Dinagat island”, wika ni For. Castillo.
Pagkatapos ng kanilang pangongolekta at pagbubuo ng propagation protocols ay sisimulan na nila ang pagsasagawa ng mga trainings upang ituro ang bagong teknolohiya sa mga magsasaka. Sila din ay bubuo ng database na lalamanin ang mga threatened species na kanilang nakolekta at bubuksan ito sa publiko.
Ang Ex Situ Conservation, isang joint project ng MCME at ng Department of Forest Biological Sciences (DFBS) na pinopondohan ng Department of Science and Technology (DOST), ay nakatakdang magtapos sa Enero 2022. Nagsimula ang nasabing proyekto noong 2019 sa pangunguna ni Dr. Edwino S. Fernando mula sa DFBS bilang Program Leader.