Ulat nina: Sandice Laus at Jason Rodriguez
Simula nang nagdeklara ng lockdown sa buong bansa noong nakaraang taon dahil sa pangamba na dulot ng COVID-19, hindi natuloy ang paglunsad ng Special Program for Employment of Students (SPES) noong 2020 sa bayan ng Los Baños. Ngayong taon, muling bumalik ang Public Employment Service Office Los Baños (PESO-LB) sa pagtanggap ng mga aplikante para sa programa.
Ayon kay Erick Paolo Dizon, Data Collector III ng (PESO-LB), ang SPES ay isang employment bridging program ng Department of Labor and Employment (DOLE) tuwing summer o Christmas vacation. Layunin nito na makapagbigay ng pansamantalang trabaho para sa mga “poor but deserving” na mga estudyante, out-of-school youths o OSYs, at mga nawalan ng trabaho.
Dagdag pa ni Dizon, ang pangunahing layunin ng SPES ay para madagdagan at makatulong sa kita ng pamilya ng benepisyaryo at para masigurado na ipagpapatuloy ng estudyante at OSY ang kanyang pag-aaral.
Sa isang pag-uulat ng International Initiative for Impact Evaluation (IIIE) noong 2018, tumataas ng mahigit 6.2% ang enrolment rate ng mga SPES beneficiaries na nanganganib na mag-drop out. Gayunpaman, 3.2% ang itinataas na enrolment rate ng mga SPES beneficiaries na galing sa mahihirap na pamilya.
Dagdag pa ng IIIE, mahigit 3.9% ang itinataas na posibilidad na mabigyan ang mga SPES beneficiaries ng permanenteng trabaho sa LGU, NGO, o ng pam-pribadong employado. Ayon sa IIIE, ang pinaka madalas na makatanggap ng pagkakataon na mabigyan ng permanenteng trabaho ay mga beneficiaries na nasa kolehiyo.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), para maging SPES beneficiary, kailangang ang isang aplikante ay nasa edad 15-30, estudyante o OSY o di kaya ay dependents ng displaced workers o magiging displaced workers na nagnanais makatapos ng pag-aaral. Kailangan din na hindi lalagpas sa regional poverty threshold ang combined income tax ng mga magulang ng aplikante kasama ng kanyang income tax kung mayroon man.
Para sa mga estudyante, kailangang pasado ang kanilang general weighted average o GWA. Kailangan din na sila ay hindi iskolar ng kahit anong government scholarship. Ang mga OSYs naman ay kailangang magkaroon ng sertipikasyon na sila ay OSY mula sa lokal na Social Welfare and Development Office (SWDO).
Bahagi ng proseso ng pagpili ng SPES beneficiaries ay ang registration kung saan isusumite ng mga aplikante ang mga kinakailangang dokumento sa PESO para masuri ang mga ito at ang pagkakaroon ng examination at interview. Ang mga makakapasa sa mga ito ay tutuloy sa orientation at saka sila maa-assign sa iba’t-ibang trabaho.
Ipinaalam ng PESO Los Baños ang tungkol sa SPES sa pamamagitan ng pagpopost sa kanilang Facebook page at pag-announce ng mga coordinating units ng bawat barangay ng tungkol dito sa kani-kanilang barangay.
Nagsimula noong Abril ang registration at examination ng mga aplikante sa PESO Los Baños. Natapos naman ngayong Mayo ang pagpili ng mga benepisyaryo ng SPES kung saan mula sa bilang na 96 ay umabot sa 136 katao ang napiling maging benepisyaryo.
Aabot sa 15-20 araw ang working days ng mga benepisyaryo. Sila ay magkakaroon ng sahod na P400 kada araw.
Samantala, mag-uumpisa sa darating na Hunyo ang pagtatrabaho ng mga benepisyaryo.
Sa kabila ng pandemya ay kailangang pumasok sa opisina ng 136 benepisyaryo para magtrabaho. Pero nakadepende pa rin sa opisina kung saan magta-trabaho ang benepisyaryo – kung siya ay papasok o magta-trabaho na lang sa kanyang bahay.
Sa mga nakaraang taon, ang mga benepisyaryo ay naatasan sa paggawa ng iba’t ibang mga gawaing-opisina. Sa pag-aaral ng IIIE, ang mga SPES beneficiaries ay kadalasang itinatalaga sa pagsa-sarbey, page-encode, at pagsusuri, pag-oorganisa ng mga papeles, at paglilinis sa loob ng opisina. Ngunit sa kabila ng pandemya, maaaring magkaroon ng pagbabago sa mga gawain na itatalaga sa mga beneficiaries.
Gayon din, isasaalang-alang ang pagbibigay ng swab tests sa mga SPES beneficiaries lalo na sa mga papasok sa opisina para magtrabaho.
“Hindi pa namin siya [swab test] nafi-finalize pero I think it is better off na before and after meron siya talaga eh for assurance talaga. So we will consult for that kasi ngayon there is an overwhelming number of swab tests dito sa LB eh sana mapasingit sila,” sabi ni Dizon.
Ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority noong ika-6 ng Mayo 2021, umabot sa 7.1% ang unemployment rate noong March 2021, katumbas sa 3.44 milyon Pilipinong walang trabaho. Ito ang pinakamababang unemployment rate sa bansa mula Abril 2020.
Sa kabila ng pandemya ay unti-unti na ring pinapayagan ang paglunsad ng iba’t ibang mga programa at aktibidad sa labas ng bahay hangga’t sumusunod sa mga protokol na iginiit ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID). Kabilang na dito ang pagbubukas ng iba’t-ibang programang pangkabuhayan katulad ng SPES sa kani-kanilang mga bayan para sa mga nagnanais makahanap ng trabaho ngayong pandemya.
(Special Coverage)
ANO ANG KWENTONG SPES MO?: Opinyon ng mga SPES Beneficiaries and Applicants sa Mountain Province at Camarines Sur
Pabatid: Ang mga student journalists na nagsulat ng balitang ito ay kasalukuyang nasa kanilang mga probinsya. Ninais nilang kumuha ng opinyon ukol sa SPES mula sa mga beneficiaries sa kanilang lugar.
Camarines Sur
“Nahuli ako sa deadline ng pagsusumite ng mga requirements para makapag-apply para sa programa ngunit binigyan ako ng pangalawang pagkakataon para makapag-sumite ng mga requirements nito. Ni-require lang ako ng [isa sa mga empleyado sa munisipyo] na mag-sumite ulit at nag-chat siya sa katrabaho niya na pinapasahan ng requirements. Gagamitin ko ang perang matatanggap mula sa SPES para ipa-rehistro ang kanyang sasakyan na ginagamit sa paghahatid ng kanyang mga modules sa paaralan pati na rin sa pang-araw araw niyang pangangailangan. ”
-Wilson Andrew D. Encinas, 2021 SPES beneficiary mula sa bayan ng Tigaon, Camarines Sur
Mountain Province
“Sa P350 na sweldo kada araw tapos 20 days kaming nagtrabaho, malaki ang naitulong ng SPES sa aking pag-aaral dahil nagamit ko ang aking sweldo para ipambili ng gamit sa paaralan katulad ng cellphone at reference book na gagamitin ko sa online learning.
Ang suhestiyon ko lang para dito lalo na dito sa lugar ng Besao ay planuhin ang klase ng trabaho na ibibigay sa mga applicants bago magsimula ang SPES para malaman ng mga aplikante kung kaya ba nila ang trabaho o para magkaroon ng pagtataya para dito upang masiguro sa isang aplikante na karapat dapat siyang mabilang sa SPES.”
-Pherlyn Tauli, 2020 SPES beneficiary mula sa Besao, Mountain Province
“Hindi ako nakapagsubmit ng requirements kasi huli na nang malaman ko ang tungkol sa SPES dito sa amin. Siguro kung pina-public talaga ang tungkol sa SPES application ay may chance ako na maka-apply at matanggap, hindi ‘yong limitado ang pag-announce tungkol dito. Hindi naman kami tamad maghanap ng trabaho. Ang akin lang, sana po ay mas i-public nila ang tungkol sa mga ganitong programa para naman fair sa opportunity na mag-apply ang may gustong mag-apply.”
-Mona, 2021 SPES aspirant mula sa Mountain Province