Tatag ng Kababaihan: Mga kwento ng frontliner moms sa gitna ng pandemya

Isinulat nina: Rochelle Garcia & Bjanca Ysabelle Mendiola

TIME-OUT. Isang maikling pahinga ang siyang muling nagpangiti sa mga medical frontliners na araw-araw nakikipagsapalaran upang tuparin ang kanilang sinumpaang tungkulin. (Larawan mula kay Raisa May Trinidad)

Mula nang ideklara ng World Health Organization (WHO) ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) bilang isang pandemya, ang global health crisis ay tiyak na nakaapekto, hindi man sa lahat, kundi sa buhay ng mas nakararaming Pilipino. Dahil dito, bawat araw ay walang tigil na nakikipagsapalaran ang mga health workers sa frontline upang mapangalagaan ang kalusugan ng kababayan.

Isa sa mga problema na patuloy na kinakaharap ng bansa ay ang kakulangan sa manpower na nagiging hadlang sa sana ay mabisang pagtugon laban sa pandemya.

Ayon sa datos ng Department of Health (DOH) noong Pebrero, tinatayang nasa 14,535 medical frontliners ang nagpositibo sa COVID-19. Naging dagdag na pasanin ito para sa mga health workers dahil kailangan nilang maglaan ng karagdagang oras sa trabaho. Gayon man, patuloy pa rin ang dedikasyon at paglaban ng mga frontliners sa kabila ng mga panganib na maaari nilang kaharapin.

Ang maging isang frontliner sa panahon ng pandemya ay hindi madali lalong higit para sa mga frontliner moms na may dagdag na tungkulin at responsibilidad sa kanilang mga tahanan. 

Work from Home

Malaki ang pinagbago ng work setup ni Mari Gold Gutierrez, frontliner mom, dahil sa COVID-19. Kung dati ay face to face na nakikipagkita sa kanyang mga katrabaho, ngayon ay nasa isang remote work setup na si Mari Gold.

“While not every procedure or concern can be addressed virtually, telemedicine allows us professionals and patients/employees to communicate their goals, desires, and potential treatment plans [Kahit may mga problema na hindi kayang matugunan virtually, malaki pa rin ang naging tulong ng telemedicine para sa aming mga pasyente, sa kanilang mga plano at potential treatment plans],” ani Mari Gold. Gumagamit sila ng video conferencing apps upang mas mapadali ang konsultasyon ng kanyang mga pasyente.

SMILE FOR THE CAMERA. Nakangiti si Mari Gold Gutierrez, isang frontliner mom, sa larawang ito kasama ang kanyang mga katrabaho, sa gitna ng pagod na kanilang iniinda bilang mga frontliners. (Larawan mula kay Mari Gold A. Gutierrez)

Bilang occupational and safety nurse sa International Rice Research Institute Philippines (IRRI), trabaho rin niya na masuri ang kalagayan ng bawat empleyado at kanilang mga gawain sa trabaho. Bahagi rin ng trabaho ni Mari Gold ang mangasiwa ng mga gamot para sa mga workplace injuries at emergencies. Sinisigurado rin niya na maayos ang mental health ng bawat kasamahan sa trabaho.

Karanasan bilang frontliner mom

Bilang isang ina ng apat niyang anak, malaking pagsubok kay Mari Gold ang maging isang frontliner mom. Para sa kanya, isa nang malaking reward ang makauwi araw-araw sa kanyang tahanan na ligtas mula sa COVID-19, lalo na at pamilya ang nagsisilbi niyang inspirasyon sa trabaho.

PANGAMBA SA COVID. Bukod sa pagod na dala ng serbisyo, araw-araw ay bitbit ni Mari Gold A. Gutierrez, frontliner mom at nurse, ang pagkabahala na posibleng sa konting pagkakamali ay madala ang COVID-19 sa kanyang mga mahal sa buhay. (Larawan mula kay Mari Gold A. Gutierrez)

Isa rin sa mga ginagawa niya upang hindi ma-overwhelm sa trabaho ay ang pagkakaroon ng maayos na pamamahala sa kanyang oras. Madalas ay gumigising siya nang maaga upang masigurado na nakahanda na lahat ng gagamitin ng kanyang mga anak. Kung minsan naman ay gabi na rin siyang matulog dahil sa kanyang mga trabaho. Kalimitan ding nagpapalipas ng oras ng pagkain si Mari Gold dahil sa mga sunod-sunod na consultations at meetings.

Natutunan din ni Mari Gold ang kahalagahan ng pagiging compassionate ngayong may pandemya. Sinisiguro niya na kahit na maraming deadlines sa isang araw ay may oras pa rin siya para sa kanyang mga anak.

“I know there are so many benefits to good time management. Effective time management to me helps get more work done, produces a higher work quality, and provides fewer missed deadlines [Maraming benepisyo ang pagkakaroon ng time management. Natutulungan tayo nitong maging produktibo at naiiwasan ang missed deadlines],” dagdag niya.

Hating oras sa pamilya

Naging malaking hamon naman para kay Raisa May Trinidad, hemodialysis nurse, ang pandemya dahil kailangan niyang magtiis na hindi makauwi at hindi makita ang kanyang dalawang anak na sanggol. Kailangan niyang magtagal sa hospital para sa mga pasyenteng kailangan ng dialysis.

“Sometimes, uuwi ako sa bahay na sobrang pagod at wala nang oras sa mga bata. Nakakaiyak na lang na maririnig mo sa anak mo na wala daw siya (na) nanay work work work always daw. Ang hirap na mas marami pa yung oras sa work than sa oras sa mga babies,” dagdag niya. 

Isang araw lamang sa isang linggo nabibigyan ng pagkakataon na makapagpahinga sa trabaho ang isang frontliner, kaya naman sinisiguro niya na nakapokus siya sa mga bata sa araw na ito. Kahit na pagod ay patuloy pa rin ang dedikasyon ni Raisa dahil naniniwala siya na matatapos din ang hirap niya at masusuklian din ito pagdating ng araw.

TIYAGA SA PPE. Madalas din na problema ng mga frontliners na kagaya ni Raisa ang init na dulot ng pagsusuot sa loob ng higit 16 na oras ng humigit dalawang patong na full gear clothing o personal protective equipment (PPE) at n95 mask. (Larawan mula kay Raisa May Trinidad)

Stigma sa mga health workers

Isa pa rin sa mga pagsubok na hanggang ngayon ay hindi maitatanggi ni Louella Coloma, medical-surgical nurse sa Los Baños Doctors Hospital and Medical Center (LBDHMC), ay ang diskriminasyon sa mga health workers na kagaya niya.

“(Noong) simula pa lang ng pandemic (ay) maraming beses na ‘pag may nakasalubong ka or nakapila sa isang grocery, isang milya yata ang social distancing nila sa amin…. Meron pa nga akong naranasan sa neighbor ko (na) pagdaan ko biglang may nag-spray ng Lysol,” paglalarawan ni Louella.

Samantala, hindi rin masisisi ni Louella ang ilang mga kasamahan na umalis sa serbisyo para makahanap ng trabaho na mas makapagbibigay ng karagdagang sahod at makakasuporta ng mga pangangailangan nila.

“Madalas kasi, naiiyak ka na lang pagdating ng payslip mo. Kaya yung iba hindi mo masisisi kung bakit umaalis at sinusukaan ang laban,” dagdag niya.

Kahit 12 taon na sa serbisyo ay minsan na ring naisip ni Louella na balewalain ang sinumpaang tungkulin, lalo na at habang tumatagal ay patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19.

“Nang dumating itong COVID-19, at first akala namin ‘dun, simple flu-like diseases lang. Kaso habang tumatagal at mas tumataas ang kaso ay totoong natakot ako at iniisip na din mag-resign muna dahil sa takot (na) madala ko yung virus pag-uwi ng bahay,” aniya.

Karagdagang pasanin

Ang Coronavirus ay hindi lamang nakakaapekto sa physical health ng mga frontliners, ngunit ang takot na magkaroon ng sakit ay tiyak na may malaking papel sa kanilang mental health at well-being. Para sa mga nanay na kagaya nina Mari Gold, Raisa May, at Louella, ang bawat araw ay isang malaking hamon dahil patuloy silang nag-aalala, hindi lamang sa kanilang mga pasyente ngunit maging sa sarili nilang buhay, kanilang mga anak at iba pang mahal sa buhay.

“Until now, ang challenges sa akin bilang isang frontliner mom (ay) yung takot na hindi mo madala ang virus pauwi ng bahay. Iniisip ko palang ma-swab ang mga anak ko eh naiiyak na ako. Kaya kahit nakakapaso na sa init yung suot namin PPE eh tiis lang,” pagbabahagi ni Louella.

Hindi madali ang maging isang ina, lalong higit ang maging isang frontliner mom sa gitna ng lumalalang pandemya. Ngunit ang tatag at dedikasyon ng mga kababaihan sa kanilang sinumpaang tungkulin at pagmamahal upang makapagtaguyod sa kanilang mga pamilya ay ang mga bagay na nagbibigay-lakas sa kanila upang magpatuloy at suungin ang kawalan ng katiyakan sa magandang kinabukasan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.