Isinulat nina: Paula Arreglo at Marella Saldonido
Marso 8 noong nakaraang taon, idineklarang nasa state of a public health emergency ang Pilipinas dahil sa pagdami ng kumpirmadong kaso ng Coronavirus (COVID-19) sa bansa. Mahigit isang taon nang kinakaharap ng buong mundo ang pandemyang nagdulot ng banta, hindi lamang sa kalusugan ng mga mamamayan, kundi pati na rin sa kanilang kabuhayan.
Ayon sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba sa 7.1% ang unemployment rate ngayong Marso 2021 mula sa 8.8% noong Pebrero. Bagamat ito ang pinakamababang unemployment rate simula nang unang ipinatupad ang enhanced community quarantine (ECQ) noong nakaraang taon, katumbas pa rin nito ang 4.2 milyong Pilipino na kasalukuyang walang trabaho na sumasalamin sa pagbagsak ng ekonomiya na siyang epekto ng COVID-19.
Kabilang si Judelyn Lopez, 52 at isang single parent mula sa Brgy. Mayondon, sa mga napilitang maghanap ng bagong kabuhayan upang matustusan ang kanilang gastusin.
Noon ay nagtitinda si Judelyn ng iba’t ibang produkto tulad ng lutong ulam, puto, kendi, at bulaklak sa isang paaralan. Subalit dahil sa kawalan ng mamimili sa eskwelahan, kinailangan niyang humanap ng ibang pagkakakitaan.
Aniya, “Hindi na rin kasi sapat yung pinapadala ng anak ko eh, wala rin naman akong ginagawa sa bahay kasi nga may pandemic.”
Bago sumapit ang buwan ng Pebrero 2021, nagsimulang magtinda si Judelyn sa maliit na tindahan na ipinatayo niya sa harap ng kanilang tahanan sa Villa Adelina, Mayondon, Los Baños. Aniya, inutang lamang ang perang pangpuhunan sa sari-sari store na kanya pa ring binabayaran buwan-buwan gamit ang kita sa pagtitinda.
Malaking tulong kay Judelyn ang pagkakaroon ng anak na OFW na siyang tumutulong din sa pagbabayad ng puhunang kanyang inutang. Gayunpaman, hindi ito naging madali sapagkat hindi regular ang pagpapadala ng pera ng kanyang anak.
Ang sari-sari store ni Judelyn ay isa lamang sa mga daan-daang libong negosyo na nagbukas sa gitna ng pandemya. Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon M. Lopez noong Enero, tumaas ng 41 porsyento ang bilang ng mga negosyong nagpa-rehistro noong nakaraang taon. Tinatayang umabot sa 900,000 na mga negosyo ang nagparehistro sa DTI noong 2020, kumpara sa humigit kumulang 600,000 na nagparehistro noong 2019.
Ayon naman sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2019, ang mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) ang bumubuo ng 99.5% ng kabuuang bilang ng mga negosyo sa Pilipinas. Ang datos naman mula sa Region 4-A (CALABARZON), kung saan kabilang ang Los Baños, ay nagpapakitang mayroong itong 148,017 MSMEs.
Coaching program para sa MSMEs
Samantala sa Los Baños, naghahatid ng iba’t ibang serbisyo ang Negosyo Center para sa mga apektado ng pandemya at mga interesadong magsimula ng sarili nilang negosyo.
Ang Negosyo Center, ayon sa DTI, ay nagbibigay ng serbisyo at patnubay tulad ng pag aasikaso ng mga legal requirements, paano ang tamang estratehiya sa finance at marketing, paano magkaroon ng epektibong management at iba pang mga pangangailangan ng MSMEs.
Kabilang sa kanilang programa ang paghahatid ng business advisory services sa mga MSMEs. Layon nitong gabayan at suportahan ang maliliit na negosyante sa pamamagitan ng one-on-one consultation, coaching, at mentoring tungo sa pagpapalago ng kani-kanilang negosyo. Bukas ang Negosyo Center sa mga tao katulad ni Judelyn na nagtayo ng bagong negosyo sa gitna ng pandemya upang makatanggap ng serbisyong inaalok nito.
Online coaching sa gitna ng pandemya
Dahil sa kasalukuyang pandemya kung saan limitado lamang ang paglabas ng mga tao, hindi na muna face-to-face na coaching ang ginawa ng Negosyo Center para sa mga lokal na negosyante ng Los Baños. Sa halip, maaaring isagawa sa pamamagitan ng video call, e-mail, Messenger chat, phone call, o text message ang nasabing coaching. Simula Marso ngayong taon, nasa labing-dalawa (12) na ang lumahok sa online coaching ng Negosyo Center.
Ayon kay Lovely Anne Rome, business counselor ng Los Baños Negosyo Center, madali lamang ang proseso ng online coaching. Ipagbigay alam lamang ng mga nais kumonsulta ang kanilang katanungan sa pamamagitan ng text, e-mail, o Facebook message, at saka magbibigay ng abiso ang Negosyo Center para sa iskedyul ng online coaching. Kung ang katanungan naman ay hindi sakop ng kanilang opisina, ipagbibigay alam nila ito sa ibang institusyon o ahensya upang matugunan.
“Kagandahan lang po sa online coaching eh kahit hindi taga Los Baños or hindi taga-Laguna ay natutulungan natin,” sabi ni Rome. Ngunit prayoridad pa din ng Negosyo Center ang mga lokal na negosyante ng Los Baños.
Bagamat naging online na ang programa, nananatili pa ring bukas ang kanilang opisina para sa mga nais na magpakonsulta nang personal.
Ayon kay Rome, “Ang problema po kasi sa online coaching, hindi lahat ay mayroong internet. Kaya kahit po pandemic, may mga pumupunta pa din sa office.” Nagbibigay na lamang ang Negosyo Center ng abiso na kailangan munang magpa-schedule ng pagpunta upang hindi dumagsa ang maraming tao.
Inaanyayahan ni Rome na lumahok ang mga mamamayan ng Los Baños sa programa ng Negosyo Center. Aniya, “Huwag po mahiyang magtanong at lumapit dahil ang mandato [namin] ay tumulong sa ating mga MSMEs.”
Iba pang programa para sa MSMEs
Maliban sa lokal na pamahalaan, naghahatid din ng programa ang ibang pribadong kumpanya upang matulungan ang MSMEs ngayong panahon ng pandemya. Kabilang dito ang BPI Foundation na naglunsad ng programang “Show Me, Teach Me (SMTM)” ngayong Mayo 2021. Layon ng programa na maturuan ang mga maliliit na negosyante tungkol sa business resiliency at sustainability sa pamamagitan ng learning sessions na maaaring mapanood sa Zoom o sa kanilang Facebook page.
Mayroon ding online platforms na maaaring gamitin ng mga negosyante. Isa rito ang proyektong SIKAP ng Philippine Disaster Resilience Foundation (PDRF), isang online COVID-19 recovery hub kung saan makikita ang mga business tips, pautang, at programa mula sa iba’t ibang institusyon na maaaring salihan ng mga MSMEs. Naghahatid din ng mentorship ang SIKAP para sa mga maliliit na namumuhunan na nais palakasin ang kanilang negosyo.
Para naman sa isang barangay sa Los Baños, naging isang lugar para sa mga MSMEs ang Batong Malake Sunday Market.. Bagamat nagsimula ang inisyatibo bago pa ang pandemya noong 2019, patuloy itong ginaganap sa Batong Malake Barangay Hall linggo-linggo.
Mula sa panayam ni Shiela Alayno Tipayno sa isang episode ng Dito Sa Laguna, “Pinaka-layunin po ng Sunday Market ay ang makapag-alok ng mga iba’t ibang kakaibang mga paninda sa ating mga mamimili sa pamamagitan ng pagbibigay ng venue sa ating mga local artisans and small business owners para po mabigyan sila ng pagkakataon na maipakita at maipakilala yung kanilang mga produkto.” Si Tipayno ay kabilang sa mga residente ng Los Baños na nag-organisa ng Batong Malake Sunday Market.
Pagbangon ng ekonomiya sa gitna ng pandemya
Hindi maitatanggi na nagdulot ng malaking hamon ang pandemya sa ekonomiya ng bansa. Ayon sa mabilisang sarbey na isinagawa ng Asian Development Bank Institute (ADBI) noong Marso hanggang Abril 2020, 73.1 porsyento ng MSMEs ang napilitang magsara ng kanilang negosyo ilang linggo matapos ang pagsiklab ng COVID-19. Naging malaki rin ang epekto ng striktong panuntunan ng lockdown na ipinatupad sa buong bansa.
Ang mga nasabing programa para sa mga MSMEs ay ilan lamang sa mga inisyatibo na naglalayong tugunan ang pangangailangan ng mga Pilipinong lubos na naapektuhan ang kabuhayan sa panahon ng pandemya.
Ang lahat ng interesadong lumahok sa Show Me, Teach Me ay maaaring mag-register sa link na nasa Facebook page na https://www.facebook.com/BPIFoundation/. Ang mga MSME naman na mga taga Los Baños ay maaari namang mag-inquire kung paano maging bahagi ng Batong Malake Sunday Market sa kanila ring FB page na https://www.facebook.com/sundaymarketlb. Maari naman makita ang mga updates ng SIKAP sa kanilang Facebook page na https://www.facebook.com/sikapPHL/.
Alamin ang iba pang detalye tungkol sa serbisyong online coaching ng Negosyo Center mula sa sumusunod na poster: