Sinulat nina: Carlo Joseph Castillo, Jerico Xyril Levita at Laura Mae Tenefrancia
Madalas sabihing ang lugar lamang ng mga kababaihan ay sa isang tahanan upang magpaka-ina sa kanyang mga anak at paglingkuran ang kanyang asawa, habang ang pagpasok sa isang propesyunal na trabaho ay gampanin naman ng mga kalalakihan. Subalit sa paglipas ng panahon, patuloy itong binabago ng mga Filipinang tumataliwas sa sistema at naninindigan sa kanilang espasyo sa mga opisina.
PENRO LAGUNA PARA SA MGA BABAE, BINUBUO NG MGA BABAE—Ipinagdiriwang ng mga empleyado ng PENRO Laguna ang National Women’s Month sa pamamagitan ng pagsusuot ng lila, ang kulay ng katarungan, karangalan, at ng mga kababaihan (Litrato mula sa PENRO Laguna Facebook Page).
Ito ang estado ng Laguna Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO Laguna) na sa kasalukuyan ay binubuo ng halos 65 porsyento ng mga babae ang workforce ng ahensya. Isang patunay na ang pagiging dominante ng mga kababaihan sa opisina ay hindi na lamang isang banyagang konsepto, bagkus ay isang realidad na sa bansa.
Ayon sa inilabas na 2019 Gender Diversity Benchmark for Asia (GDBA) ng Community Business, isang Hong Kong-based nonprofit organization, nangunguna ang Pilipinas sa pagkakaroon ng gender diversity sa mga workplaces at pagbibigay ng espasyo sa mga kababaihan sa mga larangang madalas na para lamang sa mga kalalakihan.
Dahil dito, mas napakikinggan ang boses ng mga kababaihan sa kanilang ahensya. Pinatunayan ito ni Bb. Pauline Villanueva, isang project administrative assistant ng PENRO Laguna, sa kanyang pahayag na laging hinihimok ang bawat empleyado, anuman ang kasarian, na makiisa at makibahagi sa lahat ng programa at diskusyon.
“I benefit from the fact [that] our agency is a gender-inclusive workplace by being heard when I talk and being given [the] opportunity to handle activities. It gives me the sense of validation that even if I am a woman, I am important. [Nakikinabang ako na ang aming ahensya ay isang lugar na gender-inclusive sa pamamagitan ng pakikinig kapag nagsasalita ako at pagbibigay ng pagkakataon na makahawak ng mga proyekto at aktibidad. Binibigyan ako nito ng pakiramdam na kahit na ako ay isang babae, mahalaga ako],”saad niya.
Kababaihan: Lider ng PENRO
PURPLE MONDAYS—Si Gng. Anabelle M. Barquilla, ang OIC Chief ng Management Services Division, ay nakikibahagi sa Purple Mondays ng PENRO Laguna bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng National Women’s Month (Litrato mula sa PENRO Laguna Facebook Page).
Isa si Gng. Anabelle M. Barquilla sa nagpatunay na hindi hadlang ang pagiging babae bagkus ay isang bentahe pa upang maging isang lider ng isang mahalagang dibisyon sa PENRO Laguna.
Bago siya maging kasalukuyang OIC Chief ng Management Services Division ng PENRO Laguna, humawak na ng mga mataas na posisyon si Gng. Barquilla sa ahensya gaya ng pagiging Chief of Enforcement Unit sa DENR-PENRO Sorsogon kung saan ay tumindig siya sa ilang kaso ng illegal logging at pagprotekta sa Bulkang Bulusan.
Bukod sa pagiging parte ng PENRO Laguna, siya rin ang Hepe ng Enforcement Division sa DENR-CALABARZON, isang posisyong ayon sa kanya ay madalas hawakan ng mga kalalakihan.
Bilang dating Gender and Development (GAD) Focal person ng ahensyang pinagmulan, isang malaking bagay, aniya, ang pagkakaroon ng malaking populasyon ng mga kababaihan sa isang opisina lalo na sa paghawak ng mga matataas na posisyon.
“This will show that women can play equally or maybe better than men if they have successfully implement[ed] their activities/plans programs [Ipinapakita nito na ang mga kababaihan ay maaaring maging pantay o marahil ay maging mas mahusay kaysa sa mga kalalakihan kung matagumpay nilang maipatupad ang kanilang mga programa],” pahayag niya.
BABAE PARA SA WORLD WETLANDS DAY—Bilang selebrasyon ng World Wetlands Day, nagsagawa ang PENRO Laguna ng Information, Education, and Communication Campaign sa Brgy. Tadlac, Los Baños noong ika-2 ng Pebrero 2021. Pinangunahan ito ni Gng. Divina A. Villaluz, ang Hepe ng Technical Services Division ng PENRO Laguna na nagbigay ng mensahe ukol sa kampanya (Litrato mula sa PENRO Laguna Facebook Page).
Isa pang babaeng lider ng PENRO Laguna si Gng. Divina A. Villaluz, kasalukuyang hepe ng Technical Services Division ng ahensiya.
Kumpara kay Gng. Barquilla, si Gng. Villaluz ay nanunungkulan na sa PENRO Laguna sa loob ng 17 taon, kung saan 6 na taon dito ay bilang hepe ng kanyang dibisyon. Isang indikasyon na matagal nang tumatalima ang ahensiya sa mandato nitong gender diversity.
Ani Gng. Villaluz, kaakibat ng pagiging babaeng lider ay ang pagkakaroon ng respeto sa gawain, pagbibigay ng direksyon, paniniguradong may nangyayaring pag-unlad, at ang pagtitiyak na umaksyon upang maabot ang mga itinalagang responsibilidad sa trabaho.
“Women have sense of responsibility in their work and [are] compassionate by nature to offer help when it was [sic] needed most [Likas sa mga kababaihan na magkaroon ng pakiramdam ng pagiging responsable sa kanilang trabaho at ang pagiging mahabagin na mag-alok ng tulong kapag ito ay kinakailangan talaga],” saad niya sa kahalagahan ng kababaihan sa workforce ng isang ahensya.
Sa kabila nang lahat ng ito, hindi rin maitatanggi na nakararanas sila ng ilang pagsubok lalo na sa kung papaano sila tingnan base sa kanilang kasarian.
Pagsubok bilang isang babae
Kaakibat ng pagsuong sa bagong sistema ay ang mga pagsubok sa mga kababaihan tulad ng diskriminasyon at iba pang responsibilidad na hanggang ngayon ay dala-dala pa rin nila hanggang sa kanilang pinagtatrabahuhan.
Naibahagi ni Gng. Barquilla ang ilang pagsubok na kanyang kinaharap sa kanyang trabaho dahil lamang sa pagiging babae. Ilan na dito ang hindi pantay na pagbibigay ng oportunidad sa kanya upang humawak ng ilang posisyon bilang pagpabor sa ilang lalaking aplikante.
“I lost several promotions wherein Salary Grade (SG) 18 male applicants were placed in the SG 24 positions where in fact I was already SG 22 then [Nawalan ako ng maraming promosyon sa mga Salary Grade (SG) 18 na lalaking aplikante dahil sila ang inilalagay sa mga posisyon na may SG 24 kumpara sa akin na SG 22 na noon],” saad niya.
Hindi rin nakatulong, ayon sa kanya, na karamihan ng mga pinuno ng opisina ay mga kalalakihan na nagdulot ng ilang pagsubok sa kanya bilang parte ng ahensya.
“It was really a struggle for me to get the current position, where most of the applicants are male [Napakahirap para sa akin na makuha ang kasalukuyan kong posisyon, lalo na at karamihan sa mga aplikante nito noon ay mga lalaki],” dagdag pa niya.
Ang mga pagsubok na kinahaharap ng mga kababaihan sa kanilang mga trabaho ay higit na pinagtibay ng Sydney Southeast Asia Centre ng University of Sydney noong 2018 sa kanilang ulat na The Woman, Work, and Care na tumukoy sa ilang dahilan gaya ng pagiging dominante ng mga kalalakihan sa mga posisyon nila sa opisina bilang isa sa mga nangungunang kadahilanan.
Ayon pa sa pag-aaral, hindi ito nakatutulong sa mga Filipina professionals dahil sa nakasanayan na ito lalo na’t iba ang inaasahang papel nila sa lipunan—ang maging isang ina at ilaw ng tahanan.
Sa kaso ni Gng. Barquilla, nakaapekto ito sa kanyang propesyon. Ipinahayag niya na lagi niyang isinasaalang-alang ang kanyang mga anak pagdating sa pagtanggap ng posisyon sa trabaho. Ito ay sumasalamin sa kung gaano kakumplikado ang buhay ng isang kababaihan na kailangang balansehin ang buhay bilang isang ina at isang opisyal na may mataas ng posisyon sa isang ahensya.
“I always consider my kids with regards to accepting tasks which became a hindrance at times for me to not be considered for promotion or assignment to different provinces or regions [Lagi kong isinasaalang-alang ang aking mga anak sa pagtanggap ng mga gawain na minsan ay nagiging hadlang na rin upang makonsidera para sa promosyon o pagtatalaga sa ibang mga probinsya o rehiyon],” pahayag niya.
Sa sitwasyon naman ni Gng. Villaluz, ang pagiging isang ina ay hindi naging hadlang sa kanyang trabaho. Malaking bahagi nito, ayon sa kanya, ay maituturo sa pagiging suportado ng kanyang pamilya sa kanyang tinatahak na propesyon.
“Being a mother does not affect my career. It’s only a matter of time management and division of labor between me and my husband when it comes to taking care of everything [Ito ay isang bagay lamang sa pamamahala ng oras at paghahati ng paggawa sa pagitan namin ng aking asawa pagdating sa pag-aalaga ng lahat ng bagay],” paglalahad niya.
Sa kabila ng lahat ng ito, ayon naman sa GAD Focal Office ng ahensya, may iba’t iba silang mitigasyon at programa upang patuloy na baguhin ang sistemang ito, lalo na sa kasalukuyan na ang porsyento ng mga kababaihan sa PENRO Laguna ay higit sa mga kalalakihan. Isa itong tagumpay na maituturing lalo na ang mga ahensyang tulad nila ay kadalasang dinodomina ng mga kalalakihan.
Pagpapatibay ng GAD
Ilan sa mga pagtitiyak ng GAD Focal Office ng PENRO Laguna ay ang pagkakaroon ng mga polisiya na ang lahat ng mga ipinapatupad nilang programa ay gender responsive and inclusive. Layon nito na maiwasan, ayon sa kanila, ang pagkakaroon ng diskriminasyon sa kasarian. Dagdag pa rito, mahigpit din nilang sinusunod ang mandato na ang lahat, anuman ang kasarian, ay mayroong karapatan sa pag-access ng kanilang serbisyo.
“Our office ensures that everyone, regardless of sex and gender will have opportunity to partake in the environmental programs and projects from planning stage up to its implementation [Tinitiyak ng aming tanggapan na ang bawat isa, anuman ang kasarian, ay magkakaroon ng pagkakataon na makisali sa mga programa at proyekto mula sa yugto ng pagpaplano hanggang sa pagpapatupad nito],” saad ng opisina.
Naniniwala din ang opisina na isa sa mga susi ng tagumpay ng PENRO Laguna ay ang women-dominated workforce nito dahil ang kanilang mga kababaihan ay patuloy na pinatutunayan ang kahalagahan ng ahensya sa pamamagitan ng kanilang kahusayan sa kanilang mga gawain.
Nagbahagi rin ng karanasan si Gng. Barquilla na noo’y naging isang GAD Focal Person. Ayon sa kanya, sobrang importante na ma-instill sa opisina ang gender equality lalo na at napakahalaga nito sa operasyon ng ahensya.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagiging masigasig ng ahensiya sa pagpapanatili ng kulturang hindi nakasasakal sa mga kababaihan ng kanilang opisina; bagkus ay nais nilang higit na mamukadkad ang kanilang mga kakayahan upang lalong mapaunlad ang ahensiya sa paglilingkod sa publiko.
Matagal nang binasag ng panahon ang makalumang konsepto na ang tanging lugar lamang ng babae ay sa tahanan. Lubos itong pinatutunayan ng mga kababaihan ng PENRO Laguna at iba pang Filipina na patuloy na nilalabanan ang sistema at pinagtatagumpayan ang mga pagsubok na dulot ng patriyarkal na lipunan.