Isinulat nina: Carlo Joseph Castillo, Jerico Xyril Levita, and Laura Mae Tenefrancia
“Bilang solo, wala kami[ng] inaasahan[g] katuwang. Kaya kung kayo ang nasa sitwasyon namin, ‘di mo pwed[eng] tanggihan ang hamon ng buhay.” Ito ang pahayag ni Rhea Mae Jose, isang single mother, sa kung gaano kahirap ang sitwasyong kinakaharap ng mga katulad niya ngayong pandemya.
Isang taon na mula nang isailalim ang bansa sa pinakamahabang lockdown o quarantine sa mundo dulot ng COVID-19 pandemic. Nagdulot ito ng ilang kalunos-lunos na resulta, hindi lamang sa kalusugan ng mga Pilipino, kundi pati na rin sa pangkabuhayan ng bawat isa.
At patunay dito ang mga pinagdaanan at patuloy na pinagdaraanan ng mga single mothers ng Los Baños na patuloy na humaharap sa iba’t-ibang pagsubok sa gitna ng pandemya.
Ayon sa 2007 report ng World Health Organization (WHO), mahigit 15 milyon ang bilang ng single parents sa Pilipinas at 95% o 14 milyon dito ay single mothers—isang indikasyon sa dami ng inang sinasalanta ng COVID-19 sa kasalukuyan.
Ayon pa sa inilabas na ulat ng Philippine Statistical Authority (PSA) nitong Marso, tinatayang higit tatlong milyong Pilipino ang nawalan ng hanapbuhay dulot ng COVID-19. Sa gitna ng kalunos-lunos na pandemya, tila isang malaking dagok at pagsubok para sa mga single mothers ang buhayin mag-isa ang kanilang mga anak kasabay ng kaliwa’t kanang kawalan ng trabaho at patuloy na pagtaas ng mga bilihin at iba pang pangunahing pangangailangan.
Rhea Mae: Malasakit sa gitna ng pandemya
Bago tumama ang pandemya, nagtatrabaho bilang isang ophthalmic assistant sa Calamba Medical Center si Rhea Mae Jose, ang taga-Pangulo ng Anos Solo Parents Support Group. Subalit kinailangan niyang humanap ng ibang trabaho dahil nawalan sila ng duty ng isang buwan dulot ng pandemya.
MALINAW NA SERBISYO. Bago tumama ang pandemya, nagsilbing ophthalmic assistant si Rhea Mae sa Eye Center ng Calamba Medical Center upang tustusan ang kanyang anak. (Larawan mula kay: Rhea Mae Jose
“Duty ako [ngayon bilang] caregiver. [Tapos], bukas sa Umali ako [naka-]duty [bilang] tagalinis [ng] bahay,” pagkukwento niya sa kasalukuyan niyang mga trabaho.
Sa kabila nito, hindi rin tumigil si Rhea Mae sa pagganap sa kanyang mga tungkulin bilang presidente ng samahan. Tumutulong siya sa pamamahagi ng ayuda sa kanyang mga miyembro galing sa barangay. Ibinahagi rin niya ang kanyang karanasan sa paghingi ng ayuda kung saan naghihintay siya ng ilang oras sa munisipyo.
“Gutom na ako sa oras ng pag-aantay pero worth it naman. Naga-announce ako kapag kukuha na sila ng nakuha kong ayuda. Kinukumpleto ko lahat ng members ko, may trabaho o wala, lahat meron,” saad ni Rhea Mae.
Ayon pa sa kanya, tinitiyak niya na lahat ay mabibigyan lalo na at ang ilang miyembro nila ay nasa kalunos-lunos na kalagayan at higit na nangangailangan ng tulong lalo na ngayong pandemya.
“Nasa leader yan. Kung may aksyon, nagkakaroon ang lahat. Pero kung ang leader [ay] nakatunganga, wala [sic] matatanggap ang [mga] miyembro,” dagdag niya.
Sa kabila ng mga ayuda at tulong na natatanggap nila, hindi pa rin maiiwasan na ikonsidera kung hanggang kailan sila makatatanggap ng tulong para matustusan ang kanilang pamilya. Dulot nito, ang ilan sa mga single mom ay patuloy na nagtitiis sa sitwasyong magbibigay sa kanila ng ikabubuhay.
BUKAL SA KALOOBAN. Determinadong pinagsisilbihan ni Rhea Mae Jose ang mga miyembro ng Anos Solo Parents Support Group sa pamamagitan ng pamamahagi ng ayuda sa gitna ng pandemya. (Larawan mula kay Rhea Mae Jose)
Si Lorna at ang diskarte ng isang ina
Nagbahagi rin ng kanyang karanasan si Lorna Gonzales, 41, taga-Brgy. Bambang. Si Lorna ay isa ring single mother na kasalukuyang nagmamay-ari ng isang 24/7 sari-sari store upang buhayin ang kanyang tatlong menor-de-edad na anak.
Isa sa mga pagsubok na kinaharap ni Lorna ay ang pagpapatakbo ng tindahan dahil sa kakulangan ng puhunan. Upang mapanatili ang tindahan, kinailangan niya munang mangutang para may ipambili ng mga paninda. Hindi rin nakatulong ang pagkakaroon ng kakumpitensya na mga tindahan at ang kawalan ng mamimili dulot ng lockdown.
“Sa hirap ng puhunan, kung ano na lang yung mabenta mo. Kung magkano lang yung inabot ng pera, kulang at kulang pa rin,” sabi niya.
Dahil sa kasalukuyang krisis, tumaas din ang mga presyo ng bilihin. Ramdam ang epekto nito sa mga maliliit na negosyo gaya ng tindahan ni Lorna na lubhang nakaapekto sa pamilya nila tulad ng hindi pagkain ng umagahan dahil sa kakulangan ng pera.
PAGBEBENTA ANG PAG-ASA. Hindi sumusuko si Lorna Gonzales sa pagpapatakbo ng kanyang negosyong tindahan sa kabila ng mga nararanasang pasakit sa pandemya. (Larawan mula kay Jefferson Macaraig)
“Kumbaga yung katawan mo, patang-pata na. Sa kagustuhan mong itaguyod [ang] pamilya mo, di ka humihingi sa iba ng tulong pero pinaglalabanan mo na lang alang-alang sa mga anak mo,” saad niya.
Habang tumatagal, nakararanas din siya ng unti-unting panlalabo ng mga mata na nagiging balakid sa paghahanap-buhay niya subalit hindi niya ito inaalintana para sa kanyang mga anak.
“Hangga’t makakaya ko pa, kakayanin ko kaysa iasa yung buhay namin sa iba. Nagtitiyaga na lang kami maghanapbuhay,” saad niya.
Sa kabila ng pagbibigay-diin niya sa pagsusumikap upang maitaguyod ang pamilya, may ilan pa ring single mother ang hindi nakayanan ang kasalukuyang sitwasyon lalo na at mayroon pa silang ibang kinahaharap na suliranin.
Si Blesilda at ang mga pasakit ng pandemya
Hindi nalalayo rito ang karanasan ni Blesilda Enilo, 49 taong gulang mula sa Barangay Malinta. Nagsilbi siyang kasambahay ng isang pamilya sa Batong Malake bago magsimula ang pandemya. Kasabay ng mga pagsubok bilang isang single mother, sinusuong nya rin ang buhay ng may Stage 5 Chronic Kidney Disease at kinakailangan niyang mag-dialysis. Bunsod nito, kinailangan niyang mag-resign.
“Malakas pa ako noon e. Ngayon kasi, ‘di na ako makalakad nang malayo, hinihingal ako. Nag-stop ako ngayong February, hindi na ako nakabalik, mag-iilang buwan na,” saad niya.
LAKAS NG ISANG INA. Nagsilbi ring canteener si Blesilda sa Maquiling School, Inc. bago siya tamaan ng kanyang karamdaman. Isa ito sa kanyang mga naging hanap-buhay upang matustusan ang kanyang anak. (Larawan mula kay Blesilda Enilo)
Lubha niyang pinoproblema ngayon ang kanyang kalagayan dahil sa hirap ng pagda-dialysis. Inilahad niya na nais pa rin niyang tustusan ang kanyang anak sa pamamagitan ng pagtatrabaho ngunit ito’y hinahadlangan ng kanyang karamdaman.
“Mapapag-aral ko sana kaso bigla naman akong nagkasakit nitong 2019 kaya nag-resign ako sa trabaho. Maliit lang din naman ang nakuha ko doon—pang-dialysis pa ay kulang pa,” pagkukwento nya.
Sa kasalukuyan, silang mag-ina ay kinukupkop at sinusuportahan ng kanyang dalawang kapatid. Patuloy din silang humihingi ng tulong sa gobyerno subalit hindi agad sila natutugunan at nabibigyan na nagdadagdag pasakit sa kanyang kondisyon.
“Napakahirap, bago ang gobyerno pa sa sakit kong ‘to, hindi naman kaagad natutustusan kahit man lang yung sa PCSO, yung mga panturok (blood supply). Dapat nabibigyan kami ng ganon,” pahayag niya.
Kahit mayroong tulong pangkabuhayan ang RA 8972 o ang Solo Parent Welfare Act of 2000 sa pamamagitan ng Solo Parent ID, nadarama pa rin ng single parents ang hirap ng buhay lalo na ngayong may pandemya.
Dahil dito, nabanggit ni Rhea Mae ang kahalagahan ng pagkakaroon ng Serbisyong Tama Health Card o blue card na magagamit sa iba’t ibang ospital ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna upang mabawasan ang bayarin ng mga pasyente. Subalit sa ngayon ay walang blue card si Blesilda.
Dagdag sa mga problema na dulot ng pandemya ay ang pagkakaroon ng hindi pantay-pantay na oportunidad para sa mga manggagawa. Ayon sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS), walo sa 20 kababaihan ang nasa estado ng vulnerable employment o ang pagpasok sa mga trabahong may mababang sweldo at hindi ganoong kaligtas na workplace.
Si Chandra at ang mga aral ng pandemya
Ilang buwan matapos na mag-transisyon ang mga klase mula sa face-to-face patungo sa online setup, patuloy pa rin ang pangangapa ng mga mag-aaral at mga guro.
Ito ang karanasan ng solo parent na si Chanda Soriano, 45, mula sa Brgy. Mayondon, at isang college instructor sa Laguna State Polytechnic University.
Ibinahagi niya ang kahirapan sa pag-monitor sa mga estudyante dahil sa problema sa online classes tulad ng pagkawala ng internet connection ng ibang mga mag-aaral.
Bukod dito, hinaharap din ni Chanda ang mga problemang pinansyal na pinatindi ng pandemya. Patunay rito ang kwento niya na hindi makakapag-aral ang kanyang mga anak sa paaralan kung hindi dahil sa tulong ng kanyang kapatid.
Tulad ng ilang single mothers, nararamdaman din ng pamilya ni Chanda ang pagtaas ng mga bilihin lalo na ang mga pagkain.
“Natatakot ang mga anak ko na ma-COVID ako kasi ako na lang ang meron sila,” sabi niya nang makwento ang dagdag na pagsubok dahil sa pagtaas ng mga medical bill.
Sa kabila ng lahat ng ito, payo ni Chanda sa ibang solo parent na magkaroon ng time management at humingi ng tulong sa mga anak sa paggawa ng iba’t ibang gawaing bahay.
“Strive harder. Discipline your children and know them well. Be strong for [your] children. Don’t cry in front of them [Magpursigi pa lalo. Disiplinahin ang mga anak at kilalanin silang Mabuti. Tatagan ang loob para sa kanila. Huwag umiyak sa harapan nila],” dagdag pa niya.
Sa mga karanasang ito na naibahagi ng mga single mother, hindi maitatanggi kung gaano kalupit ang epekto ng pandemya sa kanilang pamilya. Sa kabila nito, mababanaag pa rin ang kanilang determinasyon at dedikasyong buhayin ang kanilang mga anak, salamin sa tatag at diskarte ng isang dakilang ina.