Isinulat nina: Mark Angelo Baccay at Aaron Paul Landicho
MAY MAGAGAWA TAYO. Sa gitna ng lumalalang pandemya, hindi nagpapatinag ang LATCH LB at ang mga miyembro nito sa pagsusulong ng kanilang adbokasiya sa breastfeeding bilang pinakamabisang proteksyon na maibibigay natin sa ating mga anak laban sa sakit at sa gutom. (Larawan mula sa LATCH Los Baños)
Hindi biro ang maging isang ina lalong higit sa panahon ng isang lumalalang pandemya. Kasabay ng kaliwa’t kanang responsibilidad sa tahanan ay ang walang katapusang pag-aalala sa kalusugan at kaligtasan ng kanyang mga anak at iba pang mahal sa buhay. Sa gitna ng pandaigdigang krisis na nababalot ng takot at pangamba, ang tanging hiling na lamang ng isang ina ay ang masiguro na lalaking malusog at malakas ang resistensya ng kanyang mga anak.
Ito ang ninanais na punan at tugunan ng LATCH Los Baños (Lactation, Attachment, Training, Counseling, Help) sa kanilang Human Milk Community Depot at kampanyang #NanayBayanihanLabanSaCOVID19. Ang LATCH LB ay isang non-profit organization na naglalayong makumbinsi ang mga ilaw ng tahanan na mag-breastfeed at mahikayat ang buong komunidad na suportahan ang bawat ina at kanyang sanggol.
Unang inilunsad noong Abril 2020, ang Human Milk Community Depot ang mekanismo ng LATCH LB upang makakalap ng donor human milk (DHM) na magiging suporta sa mga sanggol sa Los Baños at mga karatig-komunidad na ipinanganak na premature, may medical issues, nawalay sa ina, o naapektuhan ng kalamidad.
“Ang main goal talaga ng organization ay mahikayat ang mga nanay na magpa-breastfeed. Sa tulong ng mga counselors at members ng LATCH, gusto naming maipaunawa sa mga nanay, lalo na sa mga nakakatanggap ng donations, ang benefits ng breastfeeding at mabigyan sila ng tama at accurate na impormasyon tungkol dito,” ani Lynette Carpio-Serrano, propesor sa University of the Philippines Los Baños (UPLB) at miyembro ng LATCH LB.
Ang mga DHM na nakokolekta ng organisasyon ay kinakalap at iniingatan ni Myla Beatriz Gregorio, isang aktibong miyembro ng LATCH LB na may background sa biochemistry at dating nagtrabaho sa UPLB BIOTECH. Sinisiguro ni LATCH peer counselor Gregorio na malinis at ligtas para sa mga sanggol ang mga DHM na kanilang ipinamimigay.
ONE BABY AT A TIME. Malugod na sinalubong ni LATCH peer counselor Myla Gregorio ang mag-asawang humiling ng donor human milk (DHM) para sa kanilang sanggol na nasa Neonatal Intensive Care Unit (NICU). Bukod sa DHM, ang bawat recipient ay sumasailalim din sa counseling sa mga miyembro ng LATCH LB upang higit na maunawaan ang kahalagahan ng breastfeeding para sa mga ina at mga sanggol. (Larawan mula sa LATCH Los Baños)
“Ngayong may pandemic, ang pinakamalaking challenge para sa amin ay ang logistics. Nandoon yung willingness na makatulong sa ibang tao pero syempre hindi maiaalis ‘yung takot na pwede mong maiuwi ‘yung virus sa bahay nyo at maapektuhan hindi lang ikaw kundi maging ang mga anak mo,” pagsasalaysay ni Carpio-Serrano.
Bukod sa logistics, isa rin sa mga hamon na kinahaharap ng organisasyon ay ang mindset ng karamihan ukol sa breastfeeding. Ayon kay Carpio-Serrano, mahalaga na maipaunawa sa mga ina at maging sa bawat miyembro ng tahanan na ang breastmilk ay hindi lamang pagkain para sa sanggol. Ito rin ay isang agent na magpapatibay sa immune system ng bata upang masiguro na lalaki ito na malusog at malakas.
Batay sa datos ng LATCH LB, mula Abril 2020 hanggang Mayo 31, 2021, tinatayang aabot na sa 67,014.75 milliliters ng DHM ang nakolekta at naipamigay ng organisasyon. Ito ay nangangahulugan ng 52 na sanggol, karamihan ay premature o may sakit, ang natulungan ng mga nanay donors na tumulong at naglaan ng kanilang human milk sa Human Milk Community Depot.
ALALAY KAY BABY AT NANAY. Malugod na sinalubong ni LATCH peer counselor Myla Gregorio ang isang tiyahin na lumapit at humingi ng tulong sa LATCH LB para sa kanyang pamangkin na ipinanganak na premature o kulang sa buwan habang ang ina naman ay tinamaan ng COVID-19. (Larawan mula sa LATCH Los Baños)
Gayundin ay nakapagbigay sila ng 18,800 milliliters na DHM sa Philippine General Hospital (PGH) noong May 16 nang magkaroon ng sunog sa ikatlong palapag ng gusali nito at naapektuhan ang Neonatal Intensive Care Unit (NICU) ng ospital.
“We have a stash of breastmilk from previous donation drives at ‘yun ang ipinadala namin sa PGH. Our main contact person sa PGH ay si Dr. Aurora Libadia, the coordinator of the PGH Human Milk Bank,” dagdag pa ni Carpio-Serrano.
Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang pagtanggap ng DHM ng LATCH LB para sa kanilang Human Milk Community Depot. Ang mga interesadong magbigay ng donasyon ay inaanyayahang sagutan ang form na https://linktr.ee/LATCHLosBanos para sa online screening. Ang mga eligible donor ay tatawagan ng organisasyon para sa karagdagang interview at donor education. Dito rin pag-uusapan ang schedule ng pagbibigay ng donasyon sa LATCH LB.
Sa nasabing link din maaaring ma-access ang request form para sa sanggol na nangangailangan ng DHM. Magkakaroon ng counseling at kaakibat na breastfeeding counselor sa bawat pamilyang makatatanggap upang mabigyan ng gabay sa tamang paraan ng pagpapasuso. Gayundin ay layon ng breastfeeding counselor na ipabatid sa bawat ina at kanilang pamilya ang kahalagahan ng breastfeeding bilang pinakamabisang proteksyon na maibibigay nila sa kanilang mga anak laban sa sakit at gutom.
Bukod sa Human Milk Community Depot ay miyembro rin ang LATCH LB ng Los Baños Maternal, Infant, and Young Child Feeding (MIYCF) Action Team na punong-abala sa pamamahagi ng Nutrition Care Packs sa mga pamilya sa Los Baños. Ang bawat pack ay naglalaman ng mga sariwang prutas at gulay na ipinamamahagi sa mga pamilya sa 14 na barangay ng bayan na lubhang naapektuhan ang kabuhayan dulot ng pandemya.
SULONG, LOS BAÑOS. Buo ang dedikasyon ng LATCH LB at maging ng buong Los Baños MIYCF Action Team na masigurong malusog at malakas ang bawat pamilya sa Los Baños sa gitna ng takot na dala ng pandemya. (Larawan mula sa LATCH LB)
Hindi madali ang maging isang ina lalo na sa gitna ng pandemya. Ngunit sa tulong ng mga organisasyong naglalayong alalayan ang mga ilaw ng tahanan gaya ng LATCH LB, higit na napapagaan ang tungkulin ng isang ina. Sa sama-samang pagbabayanihan ng mga ilaw ng tahanan, tiyak na maaaninag ng bawat komunidad ang liwanag na dala nila upang masiguro ang ligtas at malusog na paglaki ng bawat batang Pilipino.