Sa piling ni Mariang Tagapangalaga: Tindig ng mga Kababaihan sa Kalikasan

Isinulat nina Rizza B. Ramoran at Christian Jay C. Ramos

Kalinga. 

Isang salitang kaakibat at kakambal ng salitang “babae”. 

Madalas sabihin na isa sa mga katangian ng mga kababaihang natatangi sa kanila ay ang pagiging mapagkalinga. Sa pangangalaga at sa pakikisalamuha, nananatili sa kanila ang dugo ng isang ina. Sa paggunita ng World Environment Day ngayong ika-5 ng Hunyo, nasaan nga ba ang mga kababaihan sa usapang pangkapaligiran?

Mahigit isang taon na mula noong ang mundo ay humarap sa isang kalabang nagnakaw ng libo-libong buhay, nakapagpahinto ng maraming mga negosyo, at nagpabago ng takbo ng mundo—ang COVID-19. Ngunit sa kabila ng mga pangyayaring dulot ng pandemya, hindi pa rin maiaalis ang pagharap ng mundo sa mga isyu at usaping pangkapaligiran. Dahil dito, patuloy pa rin ang mga organisasyon, personalidad, at mga eksperto sa paglalatag ng mga gawain tungo sa pangangalaga ng kalikasan at ang ilan sa mga nangunguna rito ay ang mga kababaihan. 

Sa likod ng propesyon

SA PANGANGALAGA NG KATUBIGAN. Sinimulan ni Dr. Ma Catriona Devanadera sa kanyang paunang salita ang 2nd Tayabas River Summit na magkakasamang inorganisa ng Society for the Conservation of Philippine Wetlands, Inc. (SPCW), Biodiversity Management Bureau (BMB). Department of Environment and Natural Resources (DENR), at lokal na pamahalaan ng Tayabas. (Larawan mula sa website ng SPCW)

Pitong taon na mula noong naging bahagi si Associate Professor Ma. Catriona Devanadera ng mga bayani sa loob ng klasrum at naging ina ng maraming mga estudyante. Siya ay kasalukuyang nagtuturo sa Department of Community and Environmental Resource Planning (DCERP) sa College of Human Ecology (CHE), University of the Philippines Los Baños (UPLB) at isa na ring ganap na metallurgical engineer. Gayundin ay aktibo siya sa mga gawain at usaping pangkapaligiran bilang isang propesor na nagtuturo ng mga kursong nakasentro sa kalikasan. 

Nagsimula ang lahat noong siya ay nakapagtapos ng BS Metallurgical Engineering sa University of the Philippines Diliman at bumuo ng isang non-governmental organization (NGO) patungkol sa responsible mining sa kanyang pinagmulan sa Palawan. Ang kanyang adbokasiya at hilig sa larangang ito ay nahubog sa paglaki niya sa  kanyang probinsya lubhang nagbibigay-diin at nakasentro sa pagpapanatili ng maayos at malinis na kapaligiran dahil na rin sa kanilang turismo. 

Nagpatuloy ang kanyang passion sa kalikasan noong siya ay naging bahagi ng Society for the Conservation of the Philippine Wetlands, isang NGO na naglalayong itaguyod ang mabisang paggamit ng wetlands sa bansa. Siya ay nagsilbi rito bilang Board Director mula noong 2018 hanggang noong nakaraang taon. 

“Ang pinaka-memorable sa akin ay noong nag-establish kami ng constructed wetlands sa isang eco village sa Calauan, Laguna. Sa NGO, mas mayroong implementation side,” ani niya nang tanungin patungkol sa kaniyang karanasan sa likod ng pagiging isang propesor. 

Ngunit, ayon din sa kanya, isa sa mga limitasyon ngayong pandemya ay ang pagpunta sa mga sites ng kanilang proyekto dahil na rin sa pagsunod sa mga safety protocols.

Binigyang-diin naman niya ang kanyang tungkulin sa akademya. “Dahil nasa academe ka, mga technical capability mo naman iyong hina-highlight dito, mga webinars, research projects, at mga proposals,” saad niya. Sa kabila ng mga limitasyon at pagsubok na dala ng pandemya, nananatili siya bilang isang advocate at guro patungkol sa kalikasan dahil sa kanyang responsibilidad. “Dahil ako ay guro, responsibilidad ko ang mga estudyante ko,” diin niya. 

Bilang isa sa mga kababaihang parte ng isang NGO at guro na nagtataguyod sa kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan, iwinika rin niya ang kapangyarihang dala ng mga kababaihan, “Iyong puso ng isang babae, sabi nga nila ang mga babae ay nurturing; advantage ito kung ang babae ang nangangalaga. Pagdating kasi sa mga community, kaya nating makipag-heart-to-heart talk. Makikita mo iyong puso o mailalabas talaga ang puso sa isang environmental initiative or environmental education.”

Sa likod ng kanyang propesyon ay ang puso sa kalikasan at sa kanyang mga estudyanteng tinuturing niyang mga anak. 

Lakbay kasama ng organisasyon

PANGUNGUNA SA KASANAYAN. Isa si Ms. Amy Lecciones sa mga nanguna sa Birdwatching Guides Training sa Paligui, Candaba, Pampanga na isinagawa ng Society for the Conservation of Philippines Wetlands, Inc. (SPCW) kasama ang Department of Tourism (DOT) – Office of Tourism Standards and Regulations and DOT – Region III. (Larawan mula kay Amy Lecciones)

Nahubog ng panahon at ng mga karanasan, si Amy M. Lecciones ay isa sa mga kababaihang nananatiling tagapangalaga at tagapagtanggol ng kalikasan sa pamamagitan ng kanyang organisasyon. 

Simula noong naging isa siya sa mga kauna-unahang empleyado sa dating National Environmental Protection Council na ngayon ay tinatawag ng Environmental Management Bureau matapos siyang magtapos sa kursong BS Bilogy sa UP Diliman noong 1977, siya ay patuloy nang nagtatrabaho para sa kalikasan. Kasama rin siya sa United Nations Development Programme bilang Country Coordinator of the Sustainable Development Networking Programme (SDNP), ang proyektong nagdala ng internet sa bansa. Kalaunan, ito’y naging Philippine Sustainable Development Network Foundation, Inc. kung saan siya rin ay nagsilbi bilang kauna-unahang executive director.

Sa kasalukuyan ay aktibo siya sa Society for the Conservation of Philippine Wetlands, Inc. (SCPW), isang NGO na kung saan isa siya sa mga tagapagtatag. Nagsilbi siya rito bilang presidente noong 2001-2003 at naging kauna-unahang executive director noong 2002. Layunin ng SCPW na pag-ugnayin ang mga wetland advocates sa Pilipinas at sa ibang bansa. 

“Mahalaga ito kasi maaaring may mga solutions na sa ibang bansa (best practices) na pwede nating i-adopt sa Phillippines; or we can also share our best practices; nakakatulong ang malawak na network pag naghahanap ng funding,” aniya. 

Karamihan sa kanilang mga aktibidad ay youth eco-camps; citizen science to characterize wetlands; wetland ecosystem restoration; nature-based solutions and circular economy (constructed wetlands to clean wastewater; plastic recovery to reduce plastic in waterways); designing wetland centers to provide places of interaction with nature; etc. 

Samantala, binigyang-diin naman niya na sa kabila ng pandemya, sisiguraduhin pa rin ng SCPW na magsagawa ng mga aktibidad na nakaayon sa pag-aalaga ng kalikasan.

Sa pagdiriwang ng World Environment Day, nais din ipaalala ni Lecciones ang ating gampanin sa kalikasan. “Take care of nature, and nature will take care of you,” aniya. [Pangalagaan natin ang ating kalikasan at ang kalikasan ang mangangalaga sa atin]. 

Boses ng kabataan para sa kalikasan

Sa bawat tagumpay ng isang organisasyon ay ang mga miyembro nito, at kasama ng mga miyembro nito ay ang mga matapat at masisipag na lider sa pangunguna ng pangulo. 

Nabuo ang interes ni Maricris Claridad, presidente ng University of the Philippines Ecology and Systematics Major Students Society (UP ECOSYSTEMSS o UP ECOSS) para sa kalikasan dahil sa zero-waste lifestyle.

“Sa mga usapin rin na ito ay madalas kababaihan ang nangunguna at nakabuo sila ng komunidad na nahihikayat ang isa’t isa maging mas conscious sa environment. Bagama’t marami itong limitasyon, naging paraan rin ito para mahikayat ang publiko na magkaroon ng understanding sa kung ano ang epekto ng mga tao sa kalikasan,” ani niya. 

Binigyang-diin niya rin ang kahalagahan ng komunikasyon sa mga kaalaman natin tungkol sa kalikasan sa pakikibahagi ng mga tao. “Dito ko nalaman na kahit anong science ‘yung alam mo ukol sa kalikasan, kailangang mai-communicate ito nang maayos sa madla,” dagdag niya.

Sa kanyang paglalakbay sa kursong BS Biology Major in Ecology, lalong nabigyang-kulay ang kanyang interes sa kalikasan dahil mas nadagdagan pa ang kanyang kaalaman ukol dito, sa kahalagahan nito, at sa mga suliraning sanhi ng kapabayaan sa kalikasan. 

Dagdag pa rito, natutunan niya rin kung gaano kalaki ang ambag ng mga tao sa lumalalang kalagayan ng kalikasan na nararapat at kailangang mabigyan ng pansin ng mga lider ng bansa.

Ang UP ECOSYSTEMSS ay nangunguna naman sa paggawa ng mga inisyatibo tungo sa pangangalaga ng kalikasasan tulad ng mga clean-up drive, tree planting, seminar at lectures ukol sa climate action sa Pilipinas, at pangangalaga ng biodiversity o saribuhay. 

KABATAAN, KABABAIHAN, KALIKASAN. Inumpisahan ni Maricris Claridad,  presidente ng University of the Philippines Ecology and Systematics Major Students Society, ang ECHOES IV: Architecture for Nature, webinar patungkol sa green architecture (Larawan mula sa Twitter account ng UP ECOSS)

Wala pa ring tigil ang organisasyon sa pagsagawa ng mga gawain tungo sa ikauunlad ng kalikasan. “Sa loob ng aming organisasyon, nagkaroon na rin ng talakayan at bahagian tungkol sa mga problemang klimang umusbong nitong pandemya tulad ng dagdag na basura dulot ng online shopping, carbon footprint ng paggamit ng internet, pati ang pagkakaugnay ng pagsira sa kalikasan at ng pandemya.”

Samantala, idiin naman ni Claridad na marami sa mga kababaihan ngayon ang nangunguna sa mga environmental conservation programs sa mundo. “Siguro dahil na rin sa inclination ng maraming sa kanila na maging mapag-alaga sa kanilang mga pamilya, komunidad, at pati na rin sa kalikasan. Sa pagpapatakbo ng komunidad, mahalaga rin ang kanilang pananaw at kaalaman sa pagsangguni sa mga problemang natatangi sa kababaihan.” 

Sa kabila ng mga suliraning kinakaharap ng mundo ngayon lalo na sa usaping kalikasan, naniniwala pa rin siya na maaari pa ring humugot ng inspirasyon ang mga kabataan ngayon sa mga environmental defenders, scientist, at leaders noon na nagsimula at naglakas-loob magsalita at ipagtanggol ang kalikasan. “Sa parehong paraan, nawa’y ibigay natin ang lahat ng ating makakaya nang ang susunod sa atin ay hindi na maranasan ang mga problemang ating kinakaharap,” pagtatapos niya. 

Sa anumang propesyon, organisasyon, edad, o estado ng buhay, pare-pareho lamang ang sigaw ng mga kababaihang ito: “alagaan ang kalikasan”. Hinubog ng katangian, katapangan, at katapatan tungo sa kanilang mga adbokasiya para sa kalikasan, patuloy silang naninindigan sa pag-unlad nito, ng mga komunidad, at ng bayan. 

Tulad ng pangangalaga ng ina sa kanyang mga anak, patuloy na umuusbong ang kalikasan sa kalinga at kapangyarihang dala ng mga Mariang tagapangalaga tulad ng mga kababaihang itong nananatiling tagapagtaguyod at patuloy na tumitindig para sa kapaligiran.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.