Isinulat nina: Raizza Acuzar, Eunice Algar, at Mark Mercene
Isa sa mga sektor na lubos na naapektuhan ng pandemya ay ang edukasyon. Dahil sa banta na dulot ng Coronavirus, napilitan ang mga paaralan sa buong bansa na magsara at lumipat mula sa on-campus face to face learning patungo sa distance learning. Ngunit, hindi ito naging madali para sa lahat, lalo na sa mga estudyante, magulang, at guro.
Naglabas ng opisyal na pahayag ang Department of Education (DepEd) tungkol sa Learning Continuity Plan o ang “bagong normal” na ipinakita sa mga guro at estudyante noong ika-5 ng Mayo 2020. Samantalang para sa mga kolehiyo, naglabas din ang Commission on Higher Education (CHED) ng Memo No. 04, series 2020, “Guidelines on the Implementation of Flexible Learning.” Sa mga polisiyang ito, binigyang pansin ang mga alternatibong paraan upang ipagpatuloy ang edukasyon sa new normal.
Kasabay ng pagpapatupad ng mga ito ay ang pag-usbong ng iba’t ibang hamon para sa mga estudyante, magulang, at guro. Kinakailangan nilang mag-adapt sa mga bagong paraan upang makasabay sa new normal, at ito ang mga kwento nilang kailangan marinig.
Mula sa mga Estudyante
Sa usapang distance learning, ang mga estudyante ang higit na nakakaalam kung ano ba ang realidad sa loob ng sistema na ito. Sila ang pinakasentro ng implementasyon na humaharap sa pagbabagong dala nito sa sektor ng edukasyon. Nararapat din na malaman na ang bawat estudyante mula sa iba’t ibang katayuan at kalagayan sa buhay ay may mga sarili at naiibang kwento na nararapat mapakinggan.
Isa sa mga estudyante na ito ay ang 19 taong gulang na si Burek, mula sa Brgy.Mayondon na kasalukuyang nasa Senior High School at kumukuha ng General Academic Strand sa Colegio de Los Baños. Isa sa mga pagsubok na kinakaharap niya sa distance learning ay sa tuwing may pagkakataon na hindi niya maintindihan kung paano gagawin ang ibang mga assessment sa kanyang mga modules kaya’t hindi niya na lang ito sinasagutan. Ngunit ayon sa kanya, kahit nahihirapan siya ay kakayanin niya para sa kanyang mga pangarap.
Sa pagtaas ng mga kaso ng COVID 19 sa bansa ay naniniwala si Burek na okay lang na ipagpatuloy ang distance learning. Ngunit hiling niya na nawa’y mabawasan ang mga pinapagawa sa kanila, at sa pagdating ng panahon na umayos na ang sitwasyon, ay makabalik na sila sa face to face setup dahil sa tingin niya ay magiging mas madali ito para sa mga estudyante.
Ganito rin ang nais ni Coleen Paner, 21 taong gulang, mula rin sa Brgy. Mayondon, at kasalukuyang kumukuha ng kursong BS Agribusiness Management and Entrepreneurship sa University of the Philippines Los Baños at isa rin sa mga estudyante na nasa distance learning.
Ilan sa mga hamon na kinakaharap ni Coleen ngayon sa pag-aaral ay ang mahinang internet connection na kadalasan niyang hinaharap kapag kinakailangan niyang pumasok sa mga synchronous online classes na nakakadagdag sa kanyang anxiety. Nagiging pagsubok din sa kanya ang time management at pagkakaroon ng short attention span na dahilan kung bakit nahihirapan siya magpokus sa mga gawain.
Hindi rin maitanggi ni Coleen na mahirap talaga ang kakulangan ng personal space sa bahay. Hindi niya alam kung saan siya maaaring lumugar para makapag-aral habang pumapasok sa mga klase. Idagdag pa rito ang hindi maiiwasang ingay sa paligid na nakakagambala rin sa kanyang pag-aaral.
“At some points, siguro oo. Seryoso rin naman kasi ako sa pag-aaral kaya sineseryoso ko kapag may kailangan talaga intindihin or i-absorb pero may times talaga na kahit anong pakinig ko sa synch class di ko talaga siya magets,” ayon kay Coleen nang tinanong siya patungkol sa pagiging epektibo ng distance learning.
Isinaad din ni Coleen na nagbibigay naman ng tulong ang kanyang paaralan upang masolusyonan ang mga problema niya katulad ng mga seminar tungkol sa time management. Gayunpaman ay hindi naman siya makadalo at kung dumalo man siya, hindi siya nakakatiyak kung ito ba ay may epekto sa kanya. Kung kaya’t para sa kanya ay hindi na niya kakayanin pa ang posibilidad na distance learning muli ang ipapatupad sa susunod na academic year.
Higit na sinasamo ni Coleen na mas mabigyan ng pansin ang mga estudyante na naghihikahos ngayon sa buhay. Sa tingin niya ay mas mahirap ang dinadanas ng mga ito dahil na rin sa kahirapan na humahadlang upang makasabay sila sa klase pati na rin sa mga kailangan dito katulad ng mga gadget at iba pa.
Hiling din niya na nawa’y mas pabilisin at isaayos ng gobyerno ang vaccination program nito sa bansa nang sa ganon ay maisulong na ang ligtas na balik eskwela. Para naman sa mga guro ay umaasa siya na nawa’y maintindihan nila ang sitwasyon ng mga estudyante, at mas pagaanin ang mga requirements. Alam niya rin na nahihirapan din ang mga guro sa sitwasyon ngayon kung kaya’t sa tingin niya ay kinakailangan talaga ng pag-unawa at kooperasyon ng bawat isa upang makaahon ang lahat.
Mula sa mga Magulang
Sa panahon kung saan ang tahanan ang nagsisilbing paaralan, hindi maikakaila na ang mga magulang din ay naaapektuhan ng bagong sistema ng edukasyon at iba’t ibang pagsubok at karanasan ang kanila ring hinaharap.
Isa na rito si Gng. Ana, 42, mula sa Brgy. Batong Malake, na may dalawang anak na kasalukuyang sumasailalim pareho sa online classes. Ang panganay na anak niya ay nasa kolehiyo at nag-aaral ng kursong BS Agribusiness Management and Entrepreneurship at ang isa naman ay nasa ika-limang baitang sa elementarya.
Malaking tulong ang panganay na anak ni Gng. Ana ngayong distance learning dahil siya ang nag-aasikaso sa nakababatang kapatid nito, lalo na sa mga lesson na hindi na kaya pang maituro ng ginang. Aniya, ang mga activity ngayong distance learning ay nangangailangan minsan ng partisipasyon ng mga tao sa bahay.
“Noon ay kakaunti lang ang activities na kailangan ng partisipasyon ng magulang o guardian kumpara nitong nagstart ang online class,” dagdag niya.
Para kay Gng. Ana, ang distance learning ay hindi niya maikokonsiderang epektibo sapagkat “iba pa rin na may kasamang guro at kaklase lalo na kapag bata pa lamang,” saad niya.
Sa usapin naman ukol sa posibilidad na distance learning muli ang ipatutupad sa susunod na taon, batid ng ginang na kailangan muna sundin ang kautusang ito sapagkat tayo ay nasa gitna pa rin ng pandemya. Subalit, hiling din ni Gng. Ana na makabalik na sa face-to-face setup sa lalong madaling panahon.
Ganito rin ang agam-agam ng 47 na taong gulang na si Gng. Merly, hindi niya tunay na pangalan, mula sa Bae, tungkol sa posibilidad ng distance learning sa susunod na taon. Para sa kanya, wala namang ibang paraan kundi tanggapin ang kasalukuyang sistema kaysa naman magkasakit dahil sa pandemyang ito.
Si Gng. Merly ay isang ina ng tatlong estudyante na lahat din ay nagpapatuloy ng kanilang pag-aaral gamit ang mga online class ngayong distance learning. Isa rito ay nasa kolehiyo na kumukuha ng kursong BS Biology at ang dalawa naman ay nasa ika-walo at ikasampung baitang sa sekondarya.
Para naman sa kanya, bilang araw-araw nasa bahay ang mga anak niya, kailangan maglaan ng ekstrang budget para sa kanilang pagkain. Dagdag din niya ang na madalas ang pagpapa-alala niya na laging maglinis ang kanyang mga anak sa kani-kanilang mga lugar.
Kumpara kay Gng. Ana, epektibo naman para kay Gng. Merly ang distance learning sa kadahilanang wala na rin namang iba pang paraan upang matuloy ang edukasyon ngayon. Ngunit, mas gusto rin niya ang face to face learning dahil marami raw mae-experience pag physical learning dahil sa school ang setup mismo.
Sa tanong kung ano ang nais niyang mabago sa kasalukuyang setup, “more interaction sa ibang tao o kaklase kahit online setup; ways para ma separate ng kids ang acads sa e-games nila [dahil] minsan kasi mas madaming times sa games kesa acads,” aniya ng ginang.
Ang mga katagang ang paaralan ang nagsisilbing pangalawang tahanan ay tila matagal pa ulit mabibigyang kahulugan. Sa panahon ng pandemya, ang papel ng mga magulang ay mas lumawak at higit din na hinahamon ng panahon. Ano pa man ang sitwasyon, tunay ngang nagsisilbi sila sa kanilang mga anak bilang taga-bigay ng suporta, alaga, at lalong lalo na ang pagiging guro.
Mula sa mga Guro
Bukod sa mga estudyante at magulang ay lubos na naapektuhan ang mga tumatayong pangalawang magulang sa mga eskwelahan, ang mga guro. Isa rito si Ma’am Marie, 23, isang guro na nagtuturo sa online-learning set-up mula sa probinsya.
Aminado si Ma’am Marie na “mahirap at nakakapagod” ang kanyang karanasan at hanggang ngayon ay nag-aadjust pa rin siya sa bagong paraan ng pagtuturo. Ayon kay Ma’am Marie, maraming estudyante sa kanyang klase ang hindi talaga kayang makapasok nang tuloy-tuloy.
“Doble ang ginagawa kong teaching materials ngayon, para ma-cater lahat ng students hangga’t maaari depende sa kung anong accessible resources sa kanila”, saad niya.
Para sa kanya ay may kahirapan din ang pag-tsek sa kalagayan ng mga estudyante, kaya gumagamit siya ng iba’t ibang paraan tulad ng text message, call, facebook and messenger. Naibahagi rin niya na kilala niya na lamang ang mga estudyante sa pangalan at profile picture ng mga ito sa facebook.
Ayon pa kay Ma’am Marie, mas mababa ang bilang ng pumapasok ngayon kumpara noong face-to-face. “Noong f2f, kapag nasa school sila, students lang sila. Ngayon, nasa bahay sila nag-aaral, students na sila at kapatid/anak/parents pa sila. Syempre madalas inuuna nila yung responsibilities nila sa bahay compared sa responsibilities nila as students,” pagpapatunay niya.
Tulad ni Ma’am Marie, ganito rin ang nararanasan at pakiramdam ni Sir Vren, 23, isang guro mula sa Barangay Batong Malake. Para kay Sir Vren, mahirap ang naging paraan ng pagtuturo ngayon sapagkat ito ay online at hindi naman lahat ng estudyante ay may koneksyon at kagamitan. Isinaad din niya na mayroong mga pagkakataon na nauubusan siya ng bagong ideya kung paano maituturo ang isang paksa lalo na at nasanay siya sa tradisyunal na pagtuturo.
Aniya ay, “iba pa rin talaga yung pakiramdam na face-to-face kasi mas namomonitor mo ang iyong mga estudyante, mas madali kang makaka-connect sa kanila, at mas madali ka ring makakakuha ng ideya mula sa kanila.” Dagdag pa niya, ibinibigay niya ang kanyang “best effort” sa pagtuturo kaya naman nakakapanghinayang kapag marami ang hindi nakapagpasa ng mga outputs.
Matatandaan na noong ika-22 ng Mayo ay nagalabas ng pahayag si CHED chairman Prospero de Vera kung saan binanggit niya na “From now on, flexible learning will be the norm. There is no going back to the traditional, full-packed face-to-face classrooms.”
Para kay Ma’am Marie, ang naging pahayag ay nakakalungkot at nakakagalit. Ayon sa kanya ay “disconnected sila sa mga nasa ibaba”. Dagdag pa rito, hindi lahat ay handa para dito, estudyante man o mga guro. Si Sir Vren naman ay ibinahagi ang paniniwala na ang online learning ay hindi sapat upang matutunan ng estudyante ang mga life skill na kailangan.
Nang tanungin naman kung anong masasabi nila sa kasalukuyang online/distance learning set-up, “Sa mga students, tandaan nila kung para kanino o saan sila nag-aaral” at “sa mga kapwa ko guro, alam kong nahihirapan tayo. Pero kung mahirap para sa’tin ‘to, doble ang hirap nito for students, kaunting konsiderasyon at pang-unawa sana para sa kanila.”, sambit ni Ma’am Marie.
“Huwag tayong manawa na mag-abot ng tulong sa isa’t isa kahit na gaano kaliit o kalaki pa yaan. Napakaganda ng ating pangarap para sa mga sarili natin at para rin sa ating bayan kaya patuloy pa tayong magsikap upang makamit ito,” pagbabahagi naman ni Sir Vren.
“Wag din natin hayaan na sa kabila ng mga paghihirap natin ay patuloy lamang tayong abusuhin ng mga pulitikong pera lamang ang iniisip kasi hindi natin deserve kung ano ang mga nangyayari sa ating ‘di maganda ngayon,” dagdag at pagtatapos niya.
Ang naratibo ng mga naging karanasan nina Ma’am Marie at Sir Vren bilang mga guro ay isang patunay na may problema na kailangang solusyonan mula sa kailaliman ng sistema ng edukasyon. Nararapat na tiyakin na ang edukasyon ay may kalidad, naaabot, at tinatamasa ng lahat. Ating tandaan na ito ay karapatan ng bawat isa at karapat-dapat tayong magkaroon nang maaliwalas na kinabukasan sa kabila ng pandemya.
Ang mga kwento nina Burek, Coleen, Gng. Ana, Gng. Merly, Ma’am Marie, at Sir Vren ay ilan lamang sa mga repleksyon ng realidad ng distance learning. Marami pang tinig ang hindi naririnig at maraming naratibo pa ang kinakailangang mabigyan ng pansin.
Ang mga panawagan na ito ng mga estudyante, magulang, at mga guro ay nararapat lamang na isaalang-alang sa mga plano at desisyon sa pagsulong sa hinaharap.