Isinulat ni Trisha Alliah DR. Limbo
“Ang mga mahihirap ang naging inspirasyon ko dahil nanggaling ako sa pamilyang hindi kayang ibigay lahat ng magulang. Gusto ko sana na ako ang babali sa pagiging mahirap namin, na sa akin magsisimula ang bagong buhay.”
Ito ang mga katagang binitawan ng isang kabataang magsasaka na si Jerome B. Mercado, dalawampung taong gulang, tubong Nasugbu, Batangas na kamakailan ay natanggap sa Filipino Young Farmers Internship Program Taiwan. Ito ay isang internship program na pinamumunuan ng Agricultural Training Institute (ATI) ng Department of Agriculture (DA). Si Jerome ay isa sa mga magiging kinatawan ng Pilipinas upang magsanay sa agrikultura sa Taiwan.
Ang nasabing internship program ay para sa mga kabataang magsasaka sa Pilipinas at naglalayong pag-igtingin ang relasyon ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) at Taipei Economic and Cultural Office in the Philippines (TECO).
Kasali sa programang ito ang pagbibigay ng kaalaman at kasanayan sa pamamagitan ng pagpapalitan ng modernong pamamaraan sa agrikultura at pangingisda, estratehiya sa merkado at mekanismo, disiplina, pag-uugali, at iba pa.
Bahagi ito ng pagsuporta ng DA sa mga pinuno at batang magsasaka. Ito ay upang panatilihin ang produktibong paggamit sa mga lupang sakahan para sa seguridad ng pagkain at produkto ng bansa.
Ang Buhay ng Estudyanteng Magsasaka
Sa murang edad na labindalawa ay sumabak na agad si Jerome sa pagsasaka. “Noong una po, ayaw ko talagang magsaka. Syempre noong bata ang nasa isip ko lamang ay paglalaro, kaya ayaw ko magtrabaho. Mahirap dahil halos mga sampung oras sa tubigan na nakabilad sa araw,” ani niya.
Dahil sa karanasang ito, ninais na lamang niyang maging isang seaman, isang paraan upang matakasan ang mahirap na kondisyon ng pagsasaka.
Minabuti niyang panghawakan ang tanging bagay na maipamamana ng kanyang mga magulang, ang pag-aaral. At hindi naman siya nabigo pagdating dito sapagkat nagtapos siyang valedictorian noong elementarya sa Nasugbu West Central School, with high honors naman noong junior high school sa Lumbangan National High School, at with honors noong senior high school sa Pantalan Senior High School.
Bukod dito, siya rin ay pinangaralan bilang Regional Qualifier for Gawad Siklab: Search for Outstanding Supreme Pupil Government and Supreme Student Government ng buong Batangas dahil sa pagiging mahusay na miyembro ng student council organization noong junior high school. Naging kasapi rin siya ng isang organisasyon sa labas ng eskwelahan. Ito ay ang Head, Heart, Hand, and Health (4H) Club, isang pandaigdigang organisasyon na binubuo ng mga kabataang interesado sa agrikultura, kung saan ay napakaraming pagsasanay ang humasa sa kanyang kaalaman sa pagsasaka. Kalaunan ay ito ang nag-ugnay sa kanya sa naturang internship program sa Taiwan.
Mga Pagsubok
Ngunit sa likod ng mga parangal na ito ay hindi naging madali ang buhay para kay Jerome. Walang nakatapak sa kolehiyo sa kanyang pamilya, naranasan din nilang mapaalis sa kanilang tinitirahang bahay, at mangupahan lamang ng lupang sinasaka. Higit pa rito, palagi niyang dala-dala ang mapait na alaala mula sa araw mismo ng kanyang pagtatapos sa elementarya.
Bilang valedictorian, marami siyang natanggap na parangal at papuri ngunit dahil sa kakapusan sa buhay, tila ang selebrasyon ay isang bagay na kalabisan para sa kanyang pamilyang may payak na pamumuhay lamang noon. Ang tanging naging kaganapan lamang noong araw na iyon ay ang pagdalo niya sa selebrasyon ng kanyang kapitbahay na nagtapos din ng elementarya, bagay na labis tumatak sa kanyang murang isipan. Magmula noon, ipinangako niya sa kanyang sarili na sa kanya na mababali ang linya ng kahirapan ng kanilang pamilya.
Ngunit hindi natapos dito ang masalimuot nyang mga karanasan, lalo na noong nagbalak siyang sumali sa nabanggit na internship program sa Taiwan. Hindi sya nakatakas sa mga panghuhusga at pangmamaliit ng mga taong inaasahan nya sanang unang maniniwala sa kanya.
“Una nahirapan ako kasi may nagsasabi na bakit tumigil ka sa pag-aaral? Hindi mo naman masasabi na mapapabilang ka roon. Maraming sasali roon, hindi mo masasabi na isa ka roon. Nahirapan ako sa mga sinasabi ng iba, pero sabi ko sa sarili ko kapag nandoon na ako, gagawin ko talaga ang lahat,” ani ni Jerome.
Siya rin ay isa sa mga kabataang napatigil sa pag-aaral dahil sa pandemya. Hindi niya kayang makipagsabayan sa online class na nangangailangan ng gadyet at Internet, mga bagay na hindi na abot ng kakayahan ng kanyang pamilya. Nais niya sanang kumuha ng Bachelor of Science in Agriculture upang hasain pa ang nakagisnang buhay sa bukid.
Sa kabilang banda, ang hindi magandang pangyayaring ito ay nagbukas sa kanya ng oportunidad upang ipagpatuloy pa rin ang pangarap sa pamamagitan ng nasabing internship program.
Pagpapatuloy ng Pangarap
Sa pagkatigil ni Jerome mula sa pag-aaral sana sa kolehiyo, ipinagpatuloy niya pa rin ang pagpupursige sa agrikultura. Mas napagtanto nya ang kahalagahan ng pagsasaka at tuluyan nang binitawan ang pangarap na maging seaman lalo na at tumatak sa kanyang isip ang sinabi ng kanyang guro na si G. Edmund M. Evangelista
“Nasa paligid mo ay putik. Aalis ka pa ba ‘ron? Kumbaga kung ano ang sinimulan mo, doon ka. Dahil doon ka may alam, doon ka may karanasan kaya magtuloy-tuloy ka sa pagsasaka. Kung seaman, e wala ka naman sa dagat, talo ka doon. Sa putik may alam ka, doon ka mananalo,” ani ni G. Evangelista.
Kaya itinuloy niya ang kanyang karera bilang kabataang magsasaka at kalaunan ay napabilang sa isa sa mga kinatawan ng Pilipinas sa Taiwan.
“Natutuwa ako dahil nakasama ako sa ganoong oportunidad. Bihira ang napapasali roon. Karagdagang karanasan at alam kong hindi ito matatawaran,” sabi ni Jerome.
Ngayon ay nangangarap siyang magmay-ari ng lupa upang tayuan ng negosyo sa pagsasaka at paghahayupan, at maging tagapagturo ng mga susunod na kabataang magsasakang nangangarap din tulad niya.
“Oo minsan nakakahiya sabihin na magsasaka lalo mga kasama mo ay mga ‘bigtime’, pero ipinagmamalaki ko rin talaga na magsasaka ako dahil lahat ng kinakain ng mga Pilipino ay galing sa magsasaka, na kailangan natin tatlong beses sa isang araw. Kaya magpasalamat dapat. Huwag kang makikinig sa ibang tao. Tandaan mo, nangarap ka sa sarili mo, hindi para sa opinyon ng ibang tao,” payo niya sa mga ito.