Isinulat nina Marian Ilinon at Louisse Parado
Ayon sa Nutrition Action Plan 2019-2021 ng munisipalidad ng Los Baños, maraming mga bata ang nakakaranas ng matinding kagutuman dahil sa kahirapan.
Isa na rito ang limang taong gulang na si *John mula sa Brgy. Bayog sa Los Baños, Laguna. Isa siya sa mga espesyal na kaso na hinahawakan ng Municipal Nutrition Office (MNO) ng Los Baños sa kanilang Adopt-a-Child Program na inilunsad noong 29 Marso 2021.
Bagamat siya ay limang taong gulang na, ang kanyang bigat ay nasa 10 kilo lamang, taliwas sa normal na timbang na 18.4 kilos para sa kanyang edad.
Si John ay nanggaling sa mahirap na pamilya. Walo silang magkakapatid, walong mga bibig na kailangan pakainin nang tatlong beses araw-araw. Ang kanyang ama ay nagtatrabaho bilang construction worker, habang ang kanyang ina naman ang naiiwan upang mag-alaga sa kanilang magkakapatid. Hindi sapat ang kanilang kinikita upang makabili ng masusustansyang pagkain para mabigyan ng tamang nutrisyon ang kanilang mga anak.
Nagpalala pa sa sitwasyon ng kanilang buhay ang pandemyang dulot ng COVID-19 na nakaapekto sa kanilang kabuhayan. Dahil sa pandemya ay hirap silang makahanap ng pagkakakitaan.
Ayon kay Ms. Madeleine Alforja, ang Municipal Nutrition Action Officer ng Los Baños, ang Adopt-a-Child Program ay naglalayong gawing normal ang estadong pang nutrisyon ng mga batang nakakaranas ng malnutrisyon sa Los Baños.
Malnutrisyon Ngayong Pandemya
“Maraming mga dahilan kung bakit kulang sa nutrisyon ang isang bata. Maaaring may iniindang sakit, hindi sapat ang naibibigay na pagkain at marami pang iba,” ani ni Ms. Alforja.
Dagdag pa niya na ang kawalan ng sapat na nutrisyon ay dahil na rin sa kawalan ng trabaho ng mga magulang. Kaya naman ay kinukulang sa pantustos sa pang araw-araw.
Ang malnutrisyon ay nananatiling suliranin sa bansa. Mula sa Global Nutrition Report noong 2016, tinatayang 7.9 na porsyento ang kaso ng wasting sa mga bata. Ito ay ang mga batang hindi angkop ang kanilang timbang para sa kanilang edad.
Samantalang 30.3 na porsyento naman ang stunting sa mga bata sa Pilipinas. Ito naman ay ang mga batang maliit para sa kanilang edad.
Sa kasamaang palad, lalo pa itong pinalala ng pandemyang dala ng COVID-19. Lumiit ang kita ng mga manggagawa ng bawat pamilya habang ang iba naman ay nawalan ng kabuhayan.
Kaya naman isa ang kahirapan sa dahilan ng malnutrisyon sa Los Baños, ayon sa Municipal Action Plan ng MNO noong 2018 hanggang 2020.
Kaya binuo ng MNO ang Adopt-a-Child Program upang matugunan ang problemang ito.
Mga Benepisyaryo
Anim na buwan hanggang isang taong gulang ang edad ng mga batang maaaring maging benepisyaryo ng programa. Ilan sa mga benepisyong natatanggap ng mga bata ay ayuda gaya ng Nutribun at Micronutrient powder.
Kabilang rin ang mga magulang ng mga benepisyaryo sa interbensyong ito. Sila ay pinapayuhan ng MNO ukol sa tamang pangangasiwa sa nutrisyon at kalusugan ng kanilang mga anak.
Maliban sa Municipal Nutrition Office ng Los Baños, ay kaagapay rin nila ang mga Barangay Nutrition Scholars (BNS) sa pagsubaybay at gabay sa mga bata. Kabilang din dito ang mga miyembro ng Municipal Nutrition Committee, Barangay Nutrition Committee, at iba pang indibidwal na nagsponsor sa mga bata.
Ang BNS ay gumagamit ng Operation Timbang (OPT) Plus at Measurement of Mid-Upper Arm Circumference (MUAC) Tape upang malaman ang estado ng nutrisyon ng mga benepisyaryo at ang mga maari pang maging benepisyaryo ng programa.
May iba’t-iba ring klasipikasyon ang estado ng nutrisyon ng isang bata. Severely Acute Malnourished (SAM) ang isang bata kapag ang sukat ng braso niya ay mababa sa 11.5 cm. Habang kabilang naman sa Moderately Acute Malnourished (MAM) kapag ito ay 11.5 cm hanggang 12.4 cm, at normal status kung ito ay higit sa 12.5 cm.
Sa loob lamang ng dalawang buwan ay nakakakita na ang MNO ng bahagyang pag-unlad sa kanilang mga benepisyaryo.
Isa na dito si *Sammy, siya ay isang taong gulang at pitong buwan na. Ani ni Tere Lapitan, BNS ng Barangay Años, 3.3 ang timbang niya noong nagsimula itong subaybayan noong Oktubre ng nakaraang taon kaya siya ay itinuturing na SAM. Sa kasalukuyan, siya ay naging MAM dahil ang kanyang timbang ay 5.3 kilos at ang kanyang MUAC ay 11.6 cm na.
Si *Jericho na isang benepisyaryo rin ng programa ay kabilang naman sa kategoryang MAM na ngayon ay normal status na sapagkat ang kanyang timbang ay walong kilo na.
Upang regular na masubaybayan ang estado ng kalusugan ng mga bata at maiwasan ang face-to-face contact ay gumagamit ang MNO ng Facebook groups at Messenger para na rin mapadali at mahusay na maitala ang kasalukuyang kalusugan ng mga bata na kanilang hinahawakan.
Pagpapatuloy ng Programa
Malaking bahagi ng inisyatibong Adopt a Child Program ang umaasa sa tulong na matatanggap nito mula sa mga pampubliko at pribadong organisasyon, sapagkat dito nagmumula ang dagdag kontribusyon sa pang araw-araw na pangangailangan ng mga bata. Dahil dito, hinihikayat ng MNO ang publiko na suportahan ang kanilang programa at kampanya upang wakasan ang malnutrisyon sa komunidad.
Laking pasasalamat naman ng mga magulang ng mga benepisyaryo dahil nakitaan nila ng malaking pagbabago sa kalusugan ng kanilang mga anak pati na rin sa estado ng kanilang pamumuhay. Sapagkat nakakatanggap din sila ng mga payo tungkol sa tamang pagkain at mga binhi ng iba’t ibang gulay at prutas na maaari nilang itanim upang may mapagkukunan sila ng masustansyang pagkain.
Gayundin, lubos ang kasiyahan na naramdaman ni Ms. Alforja at mga miyembro ng BNS dahil maganda ang naging resulta ng programa.
Gayunpaman, hindi parin natatapos ang laban. Ayon kay Ms. Alforja, hindi nila maipapangako ang tiyak na paggaling ng mga bata, dahil ito ay isang pansamantalang interbensyon at nakasalalay pa rin sa mga tagapangalaga ang panunumbalik ng malusog na pangangatawan ng kanilang mga anak.
Siniguro naman niya na kahit matapos ang interbensyong ito ay magpapatuloy pa rin ang pagsasagawa ng mga programang gaya nito upang makamit ang kanilang layunin na wakasan ang malnutrisyon sa bayan ng Los Baños. At nang sa gayon ay mapanatili ang kalusugan at kaligtasan ng mga bata tulad nina *John, *Sammy, at *Jericho lalo na sa panahon ngayon na lubos na kailangan ang wastong nutrisyon.
*Hindi nila ito tunay na pangalan