Isinulat ni Aubrey Rose C. Semaning
“Ang daming mapagkakakitaan, ngunit walang nakakakita sa amin.”
Ito ang sentimiento ni Gng. Emily Orlina na kabilang sa isang grupo ng mga kababaihang manghahabi ng Brgy. Mapulot sa Tagkawayan, Quezon.
Sapalaran para sa mga kagaya niyang lokal na kababaihang manghahabi ng maliit na bayan ang paggawa ng mga kakaibang sining gamit ang kanilang sariling mga kamay upang pagkunan ng kabuhayan.
Para sa karamihan ng biyahero, ang bayan ng Tagkawayan ay kilala lamang bilang kahuli-hulihang bayan ng Quezon na madadaanan patungong Bicol—malubak, madilim, at magubat kung titingnan. Kadalasan pa nga ay hindi pa naririnig ng marami ang nasabing bayan. Subalit sa loob ng maliit na bayang ito ay nahihimlay ang nakatagong dibersidad ng kalikasan, talento, at kultura.
Sino ang nakatago?
Hindi malilimutan ni Gng. Orlina noong siya ay maipit sa iluhan habang nagpapalambot ng mga hibla ng pandan para sa kanyang lalalahin.
“Masakit, pero hindi pa rin naman natigil, hanggang ngayon,” aniya.
Ang pagpapalambot ng pandan sa pamamagitan ng pag iipit ng mga hibla nito sa pagitan ng mga kahoy na nagbibigkis sa malalaking bato ay kabilang sa mahabang proseso ng paggawa ng mga bayong. Noon pa man ay paghahabi na ang ilan sa mga pinagkukunan ng pang-araw-araw na kita ng mga lokal sa bayan, partikular sa Brgy. Mapulot.
Basket mula sa kilog o rattan, bayong mula sa pandan, kagamitang mula sa nito, walis-tambo—ilan lamang ito sa mga de-kalidad na gawaing-kamay na nakagawian na nilang likhain.
Sa barangay pa lamang ng Mapulot ay napakarami nang mga lokal ang gumagawa ng gawaing-kamay—ika ni Gng. Orlina, natututo ang mga lokal dahil sa pagsasalin-salin ng henerasyon ay kasama na ang paghahabi sa mga ipinamamana sa kanila. Karamihan ng mga maglalala ay mga kababaihan, ngunit may mga kalalakihan ring gumagawa at tumutulong.
Walang nakakakita
Quezon (Mula sa Tagkawayan Weaver’s Association Facebook page).Maraming beses nang sumubok na makipagsapalaran ang mga lokal na manghahabi sa merkado, ngunit talagang mahirap kumita kung walang nakakakita sa kanilang mga produkto. Likas ang bayan sa mga hilaw na materyales na kinakailangan ng mga lokal na manghahabi sa paggawa ng mga gawaing-kamay kung kaya’t marami ang kanilang produkto.
Noon, ang mga hilaw na materyales na ito ay nakukuha lamang nila sa tabing ilog at sa paligid. Ngunit dahil sa pagsasalin ng kaalaman at panahon, natuto na rin ang mga lokal na mag-alaga ng mga halaman at iba pang tanim na kinakailangan nila.
Ayon kay Aling Josie, ang pangulo ng mga manggagawa ng walis-tambo sa Brgy. Mapulot, ay makagagawa na ng mahigit dalawang libong walis mula saunang ani pa lamang ng tambo sa loob ng isang taon.
Kumbaga sa ekonomiks ay marami ang supply, ngunit kakaunti ang demand—dahilan upang magkaroon ng surplus ng mga produkto. Ganito rin ang naging suliranin ng iba pang lokal na manghahabi sa bayan, kung kaya’t minsan ay pinanghihinaan na rin ng loob ang iba na maglala.
Sulyap ng pag-asa
Ayon sa Tagkawayan Teleradyo, noong nakaraang ika-15 ng Marso 2021 ay nagbigay ang Department of Trade and Industry (DTI) ng libreng Level 2 Handicraft Training para sa 25 na lokal na manghahabi upang mas patibayin ang kanilang kaalaman sa paghahabi. Matapos ang pagsasanay ay siya ring itinatag ang Tagkawayan Weavers Association na siyang naglalayong pagbuklurin ang mga lokal na manghahabi sa bayan. Ang unang dalawampu’t limang sumailalim sa nasabing pagsasanay ay siya ring mga naging unang miyembro ng samahan.
Ayon naman kay Gng. Rachel Abraham-Eleazar, tagapayo ng bagong samahan at pangulo ng Soroptomist International-Tagkawayan Chapter, labis itong makakatulong para sa mga lokal
na manghahabi, lalo na’t makapagbibigay na rin ng mga Level 1 Handicraft Training ang mga sumailalim sa Level 2.
Mas marami ang mabibigyan ng kaalaman sa paghahabi sa bayan dahil dito. Dahil din sa tulong ng samahang Soroptomist International, na naglalayong tumulong sa mga kababaihan, ay mas nabigyan ng pansin ang mga lokal at ang kanilang mga produkto.
Awit ng panawagan
Sa kasalukuyan ay mayroon pa ring mga lokal na nangangambang mawalan ng mga mamimili dahil sa kanilang naging karanasan. Ang panawagan ng samahang Tagkawayan Weavers Association ay mas dumami pa ang makakita sa kanilang natatagong mga produkto upang maenganyo ang ating mga lokal na manghahabi na ipagpatuloy ang kanilang nasimulan. Mayroon na ring Facebook page ang samahan upang mas maisapubliko ang kanilang mga produkto.
Maliban sa paghahabi, mayroon pa ring ilang mga natatagong lokal na manggagawa sa bayan ng Tagkawayan, Quezon, tulad ng mga magpapalayok sa Brgy. Kinatakutan. Malaking tulong para sa kabuhayan ng mga manghahabi at sa ekonomiya ng bayan kung mas dadami ang makakakita at tatangkilik sa mga lokal na gawaing-kamay at iba pang produkto ng mga Tagkawayanin.
Ang pagtangkilik sa kanilang likhain ay malaking tulong upang huwag silang manatiling nakatago, at sa wakas, ay makita ng iba.