Development Communication students, nanawagan ng Ligtas na Balik-Eskwela

nina Warren John Ancheta at Trisha Alliah Limbo

Larawan ng pangunahing publicity material ng Open the Schools: A Press Conference, isang Kampanyang Ligtas na Balik Eskwela / Photos from Seth Alfred Pagulayan

“Two years is enough! DevCom students have had enough!  Open the schools!” 

Iyan ang naging panawagan ng mga mag-aaral ng walong eskwelahan at organisasyon ng mga estudyante ng Development Communication sa idinaos na Open the Schools: A Press Conference, isang Kampanyang Ligtas na Balik Eskwela noong Marso 17, 2022 sa Zoom at Facebook live.

Nilahukan ng mga kinatawan mula sa Adventist Development Communication Student Council, Alliance of Development Communication Students of the Polytechnic University of Bicol, Association of Development Communication Students Camarines Norte State College, Camarines Sur Polytechnic Colleges College of Arts and Sciences Student Council, Central Luzon State University Development Communication Student Council, University of the Philippines Los Baños College of Development Communication Student Council, Development Communication Society of Benguet State University, at Society of Development Communicators – Batangas State University ang nasabing press conference upang makiisa sa panawagang Ligtas na Balik Eskwela ng mga estudyante ng komunikasyong pangkaunlaran

“Hindi na tayo papayag na magpatuloy muli ang ganitong uri ng sistema ng remote learning, at ang gusto nating matamasang edukasyon ay isang edukasyon na malaya at mapagpalaya. Isang edukasyon na iniintindi ang pangangailangan ng kanyang mga constituents, lalo na ang biggest constituent nito ay ang mga kabataan, kabataang estudyante, at kabataang naghihirap sa panahon ng pandemya, pati na rin ang mga propesor,” ani Seth Alfred Pagulayan, ang tagapagpadaloy ng programa na siya ring koordinator ng DevComMUNITY: Philippine Development Communication Students Network, at tagapangulo ng UPLB College of Development Communication Student Council.

Inilathala sa press conference ang dalawang taong pagkakakulong ng pag-aaral sa kwarto at pagpapahirap ng remote learning dala ng epekto ng COVID-19 pandemic sa pisikal, mental, at emosyonal na kalagayan ng mga guro, estudyante, at mga tagapangasiwa ng paaralan.

Mga Pagsubok ng Remote Learning

Sa pamamagitan ng Zoom at Facebook live, inilahad ng mga mag-aaral ng Development Communication ang kanilang pakiki-isa sa Open the Schools: A Press Conference, isang Kampanyang Ligtas na Balik Eskwela / Photos from Seth Alfred Pagulayan

Binanggit ni Rosalina Pesaña ng Development Communication Society – Benguet State University ang nararanasan nilang paghihirap sa remote learning dahil sa mahinang akses sa internet, kawalan ng gadget, transportasyon, pagtira sa malayong lugar, at produksiyon na nangangailangan ng aktwal na pangangasiwa na nagdulot ng pagtigil sa pag-aaral ng kapwa niya estudyante.

Hindi magandang kalagayang mental at emosyonal naman ang ibinahagi ni Hairly Baylen, ang representante ng Camarines Sur Polytechnic Colleges. Bukod dito ay binigyang-diin din niya ang hindi pagkakapantay-pantay na turing sa mga kurso dahil sa pagpraprayoridad ng CHED kung sino lamang ang pinapayagang magbalik-eskwela.

“I hope mabigyan na rin ang mga Development Communication students ng privilege for limited face-to-face classes since our course is not inferior to others kung ikukumpara… We are just as important as other priority courses,” panawagan ni Baylen.

Nagpahayag din ng pakiki-isa si Rich Adriel De Guzman, ang kinatawan ng Ligtas Na Balik Eskwela Now Southern Tagalog, sa mga naglahad ng kanilang saloobin ukol sa dalawang taon ng remote learning.

“Karamihan ng schools sa ating bansa noong nagstart pa lang ang pandemya ay nag-shift  agad to online learning setup even without the prior consultation from our students to our faculty,” ani De Guzman.

Dagdag pa niya, ang mababang lebel ng pagkalugod sa pag-aaral at ang kahirapan sa pagtupad ng mga highly technical at theoretical requirements ay maiuugnay sa kawalan ng oportunidad na makasalamuha ang mga Pilipino mula sa laylayan ng lipunan. 

“Kaya hindi dapat tayo nakakulong lamang sa online setup. Kailangan nating lumabas sa ating mga communities,” ayon kay De Guzman.

Mga Rekomendasyon mula sa DevComMUNITY

Ang pagkakaroon ng financial at logistical support, mga kinakailangang serbisyong pangkalusugan tulad ng mass testing at mass vaccination, pagkakaloob ng mas mataas na subsidiya para sa mga paaralan, pagpapatupad ng academic ease, pagpasa sa safe school reopening bill, at pagsulong ng P10,000 student aids ay ilan lamang sa mga mungkahi ni De Guzman para sa gobyerno upang makamtan ang tagumpay tungo sa ligtas na balik eskwela.

Kamakailan lamang ay pinayagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang 100% capacity na pagbabalik-eskwela sa mga lugar na nasa Alert Level 1. Nang tanungin ukol sa mga posibleng kaharaping hamon, ipinahayag ni De Guzman ang kawalan ng koordinasyon sa pagitan ng Commission on Higher Education o CHED at IATF.

“Now, challenge yung miscoordination ng CHED and IATF kasi school admins are really doing their part in crafting guidelines and roadmaps for ligtas na balik eskwela for the safe and gradual reopening of schools kaso kapag inihain na mismo ito sa CHED at IATF, doon usually bumabagal ang process,” ani De Guzman.

Binigyang diin naman ni Pagulayan na mahalagang matiyak ang suporta ng gobyerno para sa mga State Universities and Colleges (SUCs).

“Kaya mahalaga din na may student representation sa decision-making bodies para makatindig ang mga kabataan patungkol sa gradual reopening,” ayon kay Pagulayan.

Samantala, sa isang position paper na inilabas ng iba’t ibang konseho, iginiit nila ang pagbuo ng mga Ad Hoc committees na nilalahukan ng mga mag-aaral ng DevCom, faculty, staff, at state universities and colleges (SUC) administrators, katuwang ang kanilang lokal na pamahalaan. Bukod pa rito, layon ding makapagsimula ng mass vaccination drive para sa mga DevCom SUC constituents sa pakikipagtulungan sa  kanilang LGU.

‘No DevCom Students Left Behind’

Bilang pangwakas, nilinaw ni Pagulayan na hindi nila nais pagtunggaliin ang mga kurso ng kabataan. Sa halip, nais lamang nilang igiit na kasing halaga ng ibang kurso sa kolehiyo ang DevCom at nararapat lamang na matamasa rin ng mga mag-aaral ng DevCom ang karapatan na makabalik nang ligtas sa mga paaralan.

“DevCom is not inferior to other courses to be given the chance for face-to-face learning, bagamat ayaw nga nating pinagbabangga ang ating mga kurso dahil ang gusto natin ay mabigyan ng karapatan. Hindi na sana nagiging privilege ang education dahil ang edukasyon ay isang karapatan, karapatan na dapat natatamasa ng kahit na sinong estudyante mula sa kahit anong kurso… Two years is enough, DevCom students have had enough! There should be no student left behind, no DevCom students left behind. One death is one too many.”

Ang Open the Schools: A Press Conference, isang Kampanyang Ligtas na Balik Eskwela ay may tinatayang 18 na kalahok na nagmula sa iba-ibang panig ng Pilipinas. Ito ay naisakatuparan sa pangunguna ng DevComMUNITY: Philippine Development Communication Students Network na naitatag noong 2020.

Maaaring mapanood ang replay nito sa https://fb.watch/bVBK2P-mEp/.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.