nina Elysse Bejar at Jonah Rae Hufano
Binaliktad ng pandemya ang nakasanayang sistema ng ating buhay at paghahanapbuhay.
Sa loob ng mahigit dalawang taon, ang sektor ng paggawa – na karaniwang ginagawa sa loob ng mga opisina – ay tila lumukob sa mga tahanan ng kani-kanilang mga manggagawa. Ito ay sa pamamagitan ng DOLE Labor Advisory 9-20 kung saan pinayagan ang iba’t ibang uri ng flexible work arrangements, gaya ng Work-From-Home (WFH) arrangement, na inimplementa ng gobyerno sa mga kumpanya bilang hakbang upang magpatuloy ang pagtatrabaho sa ilalim ng mga dumaang community quarantine.
Ngunit nitong Abril 1, ang lahat ng mga pagbabagong ito ay malapit nang bumalik sa dating ‘normal’ para sa mga piling industriya ng paggawa, bilang tinatawag na muli ng gobyerno ang mga Information Technology (IT) at Business Process Outsourcing (BPO) companies na bumalik sa on-site work setup alinsunod sa Fiscal Incentives Review Board (FIRB) Resolution No. 19-20.
Kahit na marami pa ang nangyayaring diskusyon ukol dito, hindi maitatanggi na unti-unti na tayong bumabalik sa dating nakasayanang takbo ng buhay. Kaya maigi na sagutin ang mahalagang tanong na: “Paano ko maihahanda ang aking sarili sa pagbalik sa opisina?”
Marami at iba’t iba man ang pwedeng mga paraan para rito, narito ang ilang mga mahalagang hakbang upang maihanda ang ating mga sarili sa aspekto ng mental at emosyonal, hango sa mga payo ni Dr. Erick Vernon Dy, Guidance Services Specialist IV mula sa Office of Counseling and Guidance – Office of the Vice Chancellor for Student Affairs (OCG-OVCSA), UP Los Baños.
Magdesisyon kung ano ang mga hakbang na nais mong gawin. Bilang indibidwal, may kakayahan ka upang magdesisyon, at ang mga desisyon na ito ay may kapangyarihan na diktahan ang susunod mong gagawin. Paano mo haharapin ang nagbabadyang pagbabago? Ang lahat ay magsisimula sa iyong pasya.
“Individually, they should decide. Individually, slowly, adapt to the situation na ‘Ito na, papasok na ako, ihahanda ko na ang sarili ko, ano ang mga preparation na gagawin ko…’ Kailangan ihanda ang attitude with regards to the idea that we’re going back to the office… Once na nag-decide na siya, nagko-cope na automatic yung brain, nagfa-follow yung katawan. It goes hand in hand with the thoughts and actions,” ani Dr. Dy.
Ihanda ang iyong kalusugan. Mainam na ikondisyon ang iyong pag-iisip at isulat ang iyong mga prayoridad. Alamin din kung ano ang mga personal health concerns na dapat mo munang i-address at lingapin ang iyong mga sources of support para matulungan ang iyong sarili. Dapat mong kilalanin ang iyong sarili at kung anong aspekto ng kalusugan ang dapat mong pagtuunan ng atensyon.
Pagbibigay-diin pa ni Dr. Dy, “Kailangang ikundisyon mo ang isip mo na ‘Magiging okay ang lahat, kakayanin natin ito, makikipag-cooperate ako, naghahanda rin ang opisina ko.’ Napakahalaga dito ang trust – na bawat isa ay nagko-cooperate sa prosesong mangyayari kapag bumalik na ang lahat. Kailangan [din] na kilala mo ang sarili mo para alam mo kung ano ang focus mo, kasi kung lahat ay ifo-focus mo, maii-stress ka rin kasi sabay-sabay. So dapat ma-prioritize mo kung ano [aspekto ng kalusugan] ang mas mahalaga [na unahin] sayo.”
Isulat ang mga bagay na kaya mong i-control at ang mga hindi mo kayang i-control. Dahil mataas pa rin ang level of uncertainty sa ating kasalukuyang panahon, hindi natin tiyak kung ano ang pwedeng kalabasan ng mga mangyayari. Kaya mahalaga na maunawaan at tanggapin natin na may limitasyon ang ating kakayahan upang kontrolin ang kabuuan ng ating sitwasyon.
“Analyze the things that you cannot control and the things that you can control so you’ll be able to understand the specific steps that you need to undertake para mas matulungan mo ang sarili mo,” dagdag pa ni Dr. Dy.
Kaya mahalaga ang kahandaan upang maprotektahan ang sarili mula sa pagtaas ng distress at anxiety level na siyang nakakaapekto rin sa pagiging produktibo ng isang tao.
“Ang main objective natin dito ay para maging kalmado ka. Bakit kailangang maging kalmado? Para mas makapag-desisyon ka nang tama, magawa mo yung tama, at mas makapag-function ka nang tama. Kaya lang naman hindi nakakapag-function nang tama kasi hindi kalmado – naha-heighten ang distress… naa-apektuhan ang probability na tayo ay magkaroon ng anxiety,” sabi ni Dr. Dy tungkol sa kahalagahan ng pagiging handa.
Bagama’t wala pang tiyak at pinal na desisyon ang pamahalaan ukol sa work arrangements ng lahat ng sektor ng paggawa, ang maaari nating gawin sa kasalukuyan ay tiyakin na tayo ay handa sa kung ano ang posibleng mangyari. Dahil higit sa lahat, ang indibidwal na paghahanda ang siyang ambag ng bawat isa sa pagtahak ng ating lipunan pabalik sa inaasahang “normal” na pamumuhay at paghahanapbuhay.