Iba’t ibang Mukha ng Pagboto: Mga Gawi ng mga Botanteng Pilipino sa Darating na Eleksyon

Ulat nina Geraldine Brotonel at Martin Louise Tungol

Muling magtutungo ang mga botanteng Pilipino sa botohan sa Mayo 2022 upang pumili ng mga bagong lider ng bansa at ng hahalili kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtatapos ng kaniyang anim na taong termino.

Nasa gitna man ng pandemya, marami pa ring Pilipinong botante ang nakikilahok sa darating na eleksyon. Kasama na rito ay sina Ranze Aaron Calderon, Human Resource Director ng GoodGovPH, G. Benj Ortiz, Senior High School teacher sa Lungsod ng Pasig, at Crissa Mae Aguda, isang college student sa kursong BA Communication. Dito ay ibinahagi nila ang kanilang mga ginagawang preparasyon bago, habang, at pagkatapos ng eleksyon.

Ayon kay Ranze, ang eleksyon ang pangunahing tanda na tayo ay nasa isang demokratikong bansa. Isa si Ranze sa mga tagapagtaguyod ng Sustainable Development Goals mula pa noong 2016. Kaya naman bilang isang advocate, importante para sa kanya na makita rin ang mga adbokasiya ng mga kandidatong tumatakbo at kung ano ang plano nila para dito.

Binigyang-diin niya na karapat-dapat lamang na pahalagahan at pag-usapan ng mga Pilipino ang nalalapit na eleksyon. “Election is the epitome of democracy. Ito yung panahon kung kalian binabalik satin yung power as masses.”

Dagdag ni Ranze, nakakalimutan ng iba na ang eleksyon ang magdidikta ng magiging kahihinatnan ng bansa para sa mga susunod na henerasyon.

Bagamat iisa ang layunin na makapaghalal ng mga bagong lingkod-bayan na mamumuno sa bansa, iba-iba pa rin ang pananaw, pamamaraan ng paghahanda, at karanasan ng bawat Pilipino sa eleksyon.

Bago ang Eleksyon

Bago ang eleksyon, nagsisimula nang kilalanin ng mga botante ang mga kandidatong tatakbo sa posisyon sa gobyerno, mula sa kanilang mga nagawa hanggang sa kanilang mga plataporma.

Ayon sa karanasan ni Benj, hindi nangyayari sa loob ng isang araw ang pagiging handa sa botohan, sa halip, ito ay isang proseso na nararanasan sa araw-araw na buhay bilang isang Pilipino.

Malayo sa kaniyang dating nakaugalian, si Benj ay natutong magbasa ng kasaysayan at makinig sa balita tungkol sa mga kandidato. Ayon sa kaniya, kahit na may mga kaalamang mahirap bitawan dahil sa ego, dapat matutong maging bukas ang isipan ng bawat isa sa katotohanan.

Preparation for the voting season takes years. Every single day, you read the news.You acquaint yourselves sa mga nangyayari sa bansa. Kinikilala mo yung mga taong gumagawa ng mali at mga nakakatulong sa bansa.” Dagdag din ni G. Benj, kailangang gawing routinary ang pagbabasa ng balita at ang fact checking.

Bukod sa mga may karanasan na sa paglahok sa eleksyon, magiging bahagi rin ng 2022 Presidential Elections ang mga bagong rehistradong botante. Sa taong ito, nakapagtala ng halos apat na milyong bagong botante ang Commission on Elections (COMELEC) na mula sa sektor ng kabataan edad 18-21 taon gulang.

Isa si Crissa sa mga bagong botante na lalahok ngayong eleksyon. Bagamat first-time voter, aktibo na dati pa sa mga kampanya at rallies si Crissa Mae. Ginagawa niya ito upang mas makilala pa ang mga tao sa kanilang lugar.

Mahilig din siyang magbasa-basa ng mga balita kung kaya naman hindi nalalayo kina Benj at Ranze ang kaniyang paghahanda sa pagboto.

“Bilang first time voter, syempre kailangan ko munang kilalanin yung mga kandidato na tumatakbo ngayon. Una, nagreresearch ako. Kinikilala ko kung ano yung mga platforms nila and also family backgrounds, their achievements and credentials din,” sambit niya.

Bilang estudyante, aktibo rin si Crissa Mae sa mga webinar na isinusulong ng kanilang unibersidad tungkol sa voter’s education. Dito natututunan ni Crissa Mae kung paano ang tamang proseso ng pagboto, ang bilang ng mga kandidato na dapat iboto, at mga bagay na dapat gawin para hindi mahirapan sa pagboto.

Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay may kalayaan mangampanya ang isang mamamayan. Sa kwento ni Benj, bilang isang guro at empleyado ng gobyerno, mayroon silang sinusunod na mandato na nagbabawal sa kanila na direktang mangampanya para sa kanilang kandidato.

“May mga teachers na gigil na gigil na magkampanya. They go to rallies, they post, they tell students who to vote, they actually do that kahit labag na.” Ayon kay Benj, mahirap balansehin ang kagustuhang mangampanya para sa kandidatong makakapagpabago ng bansa kasabay ng pagsunod sa mandato sa propesyon.


Araw ng Eleksyon

Sa araw ng eleksyon, dagsa ang napakaraming botante sa iba’t ibang mga presinto sa bansa upang gamitin ang karapatan nilang bumoto.

Normal na sa mga botante ang pumunta nang maaga sa mga presinto para makaboto. Ginagawa nila ito upang matapos nang maaga at maiwasan ang dagsa ng botante. May iba namang sa halip ay agahan ang punta, pinipili nilang pumunta sa patay na oras para ‘di gaanong kahaba ang pila. Mainit at siksikan din ang daing ng karamihan sa mga bontate tuwing araw ng eleksyon, kung kaya’t pagkatapos na pagkatapos nilang bumoto ay umuuwi na agad ang mga ito.

Matapos bumoto, may ibang pinipiling matulog at magpahinga na lang muna at may iba namang nag-aabang na lamang sa balita mula sa kani-kanilang mga bahay.

Aktibo rin sa pagtingin ng balita at pag-abang ng resulta si Benj pagkatapos bumoto.
I watch the news. I keep myself informed and updated, kasi baka may nangyayari na hindi kaaya-aya sa botohan,” aniya.

Dala-dala rin ni Benj ang panalanging tama ang kanyang ginawa, na ang karapat-dapat ang siyang manalo. “I try to gauge kung sino [ang] mananalo, sino [ang] hindi. Then I start to create mental notes na for the next elections,” sambit niya.

Para sa mga Botante

Nakasalalay sa bawat bilog at guhit sa balota ang magiging kinabukasan ng maraming Pilipino sa susunod na anim na taon kaya naman binibigyang diin ng ibang mga botante sa kapwa nila botante na makilahok at bigyang kahalagahan ang eleksyon. Isa rito si Ranze na hinihimok ang mga first-time voters na angkinin ang boto nila.

“Kung naniniwala ka na kailangan ng free tuition, na kailangan ng transport system sa Pilipinas, kasi ikaw ay naka-experience ng free tuiton at transport system, bumoto ka para sa mga taong gagawa nito para sayo. Bumoto ka para sa pamilya mo, sa mga kaibigan mo, sa ibang tao,” pahayag nito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.