Ang balitang ito ay pangalawa sa tatlong ulat na nagbibigay konteksto para sa #Halalan2022 sa Los Baños, Laguna.
Ulat ni Ristian Aldrin Calderon
Patuloy pa rin ang implementasyon ng Brgy. Batong Malake, Los Baños, Laguna sa mga patakaran na ipinatupad ng Department of Health (DOH) ukol sa operasyon ng mga voting precints para sa darating na halalan sa ika-9 ng Mayo, 2022.
Sa araw ng eleksyon, mahigpit na ipapatupad ng lokal na pamahalaan ang pagsusuot ng mask para sa mga botante at pagdadala ng vaccine card. Inaasahan din na mayroong medical workers galing sa Rural Health Unit II ng barangay na naka-stand-by upang makatulong kung sakali mang mayroong hindi inaasahang pangyayari dala ng COVID-19.
Ang mga Senior Citizens at health-risk gaya ng mga may kapansanan at mga buntis na botante ay bibigyan din ng sariling lugar sa kanilang mga voting centers. Ito ay kadalasang matatagpuan sa unang palapag ng gusaling pagbobotohan at tinatawag na expresslane. Mayroon din ditong nakaantabay na mga health workers at Emergency Medical Technicians (EMT) para sila ay tulungan.
Ang mga botanteng hindi pa nababakunahan ay papayagan pa ring bumoto. Gayunpaman, sila ay bibigyan ng karagdagang atensyon sa darating na halalan dahil kabilang sila sa mga health-risk na botante.
Paalala ni Atty. Orlando Kalaw, hukom o lupong tagapamayapa ng Brgy. Batong Malake, na kung ang mga botante naman ay wala pang turok, titiyakin na may mga equipment para sa kanila at tukoy na mga lugar na masasabing “Isolation Area” kung saan sila maaaring bumoto. “[M]ay available na hygiene equipments [sa Isolation Area] tulad ng alkohol, sabon at tubig kung saan ay may mga kasama ding mga barangay health workers na mangangasiwa dito. Hindi naman pwedeng pagbawalan sila na bumoto dahil lamang na wala silang bakuna.” Ani ni Atty. Kalaw. [ALAMIN: Ano ang dapat kong gawin kung makikitaan ako ng sintomas ng COVID-19 sa araw ng halalan?]
Kasalukuyan namang pinapaalalahanan ng pamahalaan ng Los Baños ang pagbabakuna sa mga natitirang residente na wala pang natatanggap na kahit isang dose. [ALAMIN: LB RESBAKUNA ADVISORY]
Higit sa pagbabakuna at pagpapatupad ng health protocols sa darating na eleksyon, tinututukan din ng lokal na pamahalaan ang pag-iwas sa pagkakaroon muli ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa barangay.
Isa na sa mga programa nito ay ang pagtatalaga muli ng Bantay Barangay Helpdesk o Outpost na makikita sa tabi ng Star Commercial sa Grove, Street, Lopez Avenue. Layunin nito na obserbahan ang mga kabarangay na nakikiisa sa mga caravan ng mga nangangapanya sa lugar upang maiwasan ang pagsisiksikan ng dami ng tao.
Ayon kay Batong Malake Brgy. Councilor Jomer Eusebio, kasalukuyang inaasikaso ng LGU [Local Government Unit] ang mga current events katulad ng Cervical Screening at Pap smear para sa kababaihan, at mga Anti-Rabies Vaccine para sa mga aso at pusa. “Ang tulong na maibibigay ng LGU ay ang pag-guide [sa mga botante] para magkaroon ng order at organized ang araw ng election.” Ani ni Hon. Eusebio.
Paalala ni Ms. Loriza Calibo, isang medical worker ng Rural Health Unit II sa mga botante na sa araw ng eleksyon, pagkatapos bumoto, hangga’t maaari ay dumiretso na muna sa kani-kanilang mga bahay upang makapag linis ng katawan, iwasan ang pagtambay sa labas ng voting centers para makipag usap sa iba’t-ibang tao, at mag isolate muna at mag pa-test kung may nararamdamang sintomas upang maiwasan ang posibilidad ng biglaang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa barangay.
Hinihikayat ni Hon. Jomer Eusebio ang mga botante ng Brgy. Batong Malake na bumoto sa darating na halalan. May karagdagang paghihigpit man o wala, pinapaalalahanan ni Atty. Kalaw na ang lokal na pamahalaan ng Brgy. Batong Malake ay handa upang tiyakin na ang mga rehistradong botante at election facilitators ay sumusunod sa mga protocols at mga alituntuning pang-kalusugan.
Para sa karagdagang impormasyon o katanungan patungkol sa lokal na eleksyon, maaaring suriin ang sa opisyal na Facebook Page ng COMELEC Region IV-A Los Baños, Laguna at Barangay Batong Malake.